Inday TrendingInday Trending
Pilit na Hinuhuli ng Ginang ang Pangangaliwa ng Kaniyang Asawa; Ikagugulat Niya Nang Mahuli at Makilala ang Babae Nito

Pilit na Hinuhuli ng Ginang ang Pangangaliwa ng Kaniyang Asawa; Ikagugulat Niya Nang Mahuli at Makilala ang Babae Nito

Matagal nang naghihinala si Veronica na mayroong ibang babae ang kaniyang asawa na si Derick ngunit sa tuwing kinakausap niya ito tungkol rito ay parati nitong pinabubulaanan ang kaniyang mga paratang. Wala siyang maipakitang ebidensiya hindi gaya ng kaniyang asawa na mayroong napapakitang katunayan na wala itong ginagawang masama kaya naman parati na lang siyang napapatahimik nito.

Nang dahil dito ay sinubukan niya na lamang na paghusayan ang pagiging asawa niya rito upang maging maayos ang kanilang relasyon. Ngunit kahit anong gawin niya ay hindi niya na muling maibalik ang dating tamis ng kanilang pagsasama. Habang tumatagal ay mas lalong lumalayo at nanlalamig sa kaniya ang mister.

Labis niya itong ikinalungkot ngunit wala na siyang nagawa. Sinubukan niya na lamang na aliwin ang kaniyang sarili sa pagiging abala sa kaniyang maliit na negosyo. Dumalo siya sa iba’t-ibang conferences patungkol sa pagnenegosyo at dito ay may nakilala siyang isang negosyante na nagngangalang Lorenzo. Nakitaan nito ng potensyal ang negosyo niya kaya naman nais nitong makisyoso at tumulong sa kaniya na palaguin ito.

Mula noon ay madalas na silang nagkikita upang pag-usapan ang negosyo hanggang sa bandang huli ay naging magkaibigan na sila, at napag-alaman ni Veronica na gaya niya ay may problema rin ito sa asawa. Nang dahil sa parehas nilang problema sa kanilang mga asawa ay mas lalo silang nagkalapit at naging matalik na magkaibigan.

Isang gabi, dumalo sa high school reunion si Veronica kasama ang kaniyang asawa. Laking gulat niya nang makita roon si Lorenzo kaya naman agad niya itong binati, “Lorenzo? Anong ginagawa mo rito?”

“Oh! Hi Veronica! I’m here with my wife, sa reunion nila,” tugon ni Lorenzo.

“Wait, ito ba ‘yung sinasabi mong reunion na pupuntahan mo? Then, baka kilala mo ‘yung wife ko. Hold on, I’ll get her,” dagdag pa nito bago hanapin ang asawa.

“Magbonding muna kayo ng kaibigan mo. Pupunta lang muna ako sa restroom,” sabi naman ni Derick kay Veronica.

Ilang saglit lang ay nahanap na agad ni Lorenzo ang kaniyang asawa na si Melody na siya namang agad niya iniharap kay Veronica. Magkakilala nga ang dalawang ginang na dating magkaklase ngunit magkaiba umano sila ng grupo ng mga kaibigan.

Maya-maya, habang sila ay nag-uusap ay bumalik si Derick na galing palikuran sa tabi ni Veronica. Laking gulat niya nang makilala niya si Melody at ganoon din ito nang makita siya.

Ngunit kahit na ganoon ay nagpanggap ang dalawa na hindi magkakilala. Sila ay nagkamay na para bang unang beses na nagkita nang ipakilala sila ng kanilang mga asawa sa isa’t-isa upang pagtakpan ang lihim nilang relasyon na hindi mahuli-hulihan ng ebidensiya ng kanilang mga asawa.

Makalipas ang ilang araw matapos ang reunion ay napuna na naman ni Veronica ang palihim na mga kilos ni Derick na halatang may tinatago na naman sa kaniyang babae. Nang dahil dito ay muli niya itong kinompronta at pilit na pinapaamin.

“Puro ka hinala, wala ka namang maipakitang ebidensiya! Sinabi ngang wala akong ibang babae!” bulyaw ni Derick.

“Mukha ngang ikaw ‘tong may ibang lalaki eh! ‘Yung asawa ng kaklase mo roon sa reunion na si Lorenzo, mukhang super close nga kayo noon eh! Hindi ba’t siya ‘yung parati mong kasama sa mga conference at madalas pa nga kayong magkita eh. Baka naman kayo ang may relasyon?!” pambabaliktad pa nito.

Pilit itong itinaggi ni Veronica lalo na’t hindi naman talaga ito totoo ngunit ‘yun pa rin ang pilit na pinagdiinan ng kaniyang asawa upang hindi maungkat ang pangangaliwa nito.

Nang dahil dito ay humingi ng tulong si Veronica kay Lorenzo na hulihin ang kaniyang asawa sa pambababae nito. Ilang araw nilang sinundan ang asawa niya hanggang sa isang araw ay nahuli nila itong may kahalikang babae sa harap ng isang motel.

Bagamat alam naman ni Veronica na may ibang babae talaga ang kaniyang asawa ay ikinagulat niya pa rin ang kaniyang nasaksihan. Ngunit mas ikinagulat niya, pati na rin ni Lorenzo, nang makilala nila ang babaeng kahalikan nito – walang iba kundi ang asawa ni Lorenzo na si Melody!

Nang dahil doon ay bumaba ng sasakyan ang dalawa at sinugod ang kanilang mga asawa. Agad na sinuntok ni Lorenzo si Derick habang si Veronica naman ay sinampal ang dati niyang kaklase na si Melody.

“Mga sinungaling! Mga manloloko! Ang tagal ko nang inaalam kung sino ‘yung babae mo. ‘Yun pala, dating kaklase ko lang pala na nakakuwentuhan ko pa noong reunion?!” bulyaw ni Veronica sa dalawa.

“Ang tagal niyo kaming pinagmukhang mga tanga! Siguro sobrang saya niyo noong nakalusot kayo sa amin noong reunion ‘no? Ganoon kababa ang tingin niyo sa amin na madaling paikutin sa mga kamay niyo?!” bulyaw naman ni Lorenzo.

Labis na nasaktan sina Veronica at Lorenzo sa kanilang natuklasan. Lalo na’t matapos nilang ilang ulit na sinubukang ayusin ang relasyon nila sa kanilang mga asawa noon ay nagawa pa rin silang paulit-ulit na lokohin ng mga ito. Nang dahil dito ay minabuti na nilang makipaghiwalay sa kanila.

Lumipas ang ilang taon at napawalang bisa ang kasal nila sa kanilang mga asawa. Matapos noon ay agad na nangibang bansa si Veronica upang lumayo nang tuluyan sa masasakit na alaalang dinanas niya sa kaniyang dating asawa.

Nawalan sila ng komunikasyon ni Lorenzo hanggang sa ilang taon pa ang nagdaan at muling nagkrus ang kanilang mga landas.

“Kumusta na? Ang tagal na panahon na rin nang umalis ka sa bansa after ng annulment niyo,” bungad ni Lorenzo kay Veronica.

“Oo nga eh. Kinailangan kong gawin ‘yun para sa sarili ko, para makapaghilom ako sa mga nangyari noon. Pero I’m okay now. That’s why I’m back,” paglilinaw ni Veronica.

“Mukha ngang nakabuti ‘yun para sa’yo. You look very well and gorgeous,” wika ni Lorenzo bago ngitian si Veronica.

“By the way, are you with someone… now? Can I join you?” tanong pa ni Lorenzo na may halong pag-aalinlangan.

Napangiti si Veronica at sinabing, “I’m not with anyone. And of course, you are very welcome to join me.”

Sa muling pagtatagpong iyon nina Veronica at Lorenzo na pinagtagpo sa panahong may problema sila sa kanilang mga asawa at nagkalayo nang dahil din sa kanilang mga asawa ay tanging tadhana na lang ang makapagsasabi sa magiging kapalaran nila bilang makaibigan o magkaramay sa buhay, ngayong muling nagkrus ang kanilang mga landas.

Advertisement