Inday TrendingInday Trending
Masaya at Buong Pamilya ang Hangad ng Batang Ito; Magpapaka-Kupido Siya sa Kaniyang mga Magulang Para Maisakatuparan Ito

Masaya at Buong Pamilya ang Hangad ng Batang Ito; Magpapaka-Kupido Siya sa Kaniyang mga Magulang Para Maisakatuparan Ito

Hindi maintindihan ng batang si Lia ang dahilan ng paghihiwalay ng kaniyang mga magulang kaya naman hindi niya ito matanggap. Parati niyang binabalik-balikan ang nakaraan sa kaniyang isipan kung saan masaya pa sila at magkakasama bilang isang buong pamilya. Mas lalo niya itong hinahanap-hanap sa tuwing nakikita niya ang kaniyang mga kaklase na mayroong masaya at kumpletong pamilya.

Nang dahil dito ay kinulit ni Lia ang kaniyang mga magulang na lumabas sila at mamasyal bilang pamilya tuwing Linggo kahit na hiwalay na ang kaniyang ama at ina. Tinutulan ito ng kaniyang ina na si Carol, ngunit sa kaniyang pagpupumilit at noong nakita siya nito na labis na nalulungkot ay pinagbigyan din siya nito.

Naging napakasaya ni Lia nang dahil dito at ineenjoy niya ang bawat pagkikita nila kada-Linggo. Sa tuwing sila ay magkakasama ay pilit din siyang gumagawa ng mga paraan upang muling pag-ayusin ang kaniyang mga magulang.

“Mommy, Daddy, maghawak-hawak kamay po tayo habang naglalakad,” ang sabi ni Lia habang kinukuha ang kamay ng kaniyang mga magulang upang hawakan.

“Ang saya naman ng ganito. Sana po parati tayong ganito,” wika ni Lia nang hayaan lamang siya ng kaniyang mga magulang at nagpatuloy sila sa kanilang paglalakad.

Nang minsan naman na nag-picnic sila ay muli na naman siyang may ginawa para paglapitin ang loob ng kaniyang mga magulang.

“Mommy, patikim po ako niyang ginawa niyong baon natin ngayon. Subuan niyo po ako at marumi na ang mga kamay ko eh,” pakiusap ni Lia.

Matapos matikman ang ginawa ng kaniyang ina ay agad niya itong pinuri at sinabing, “Wow! Ang sarap naman po ng ginawa niyo. Si Daddy rin po patikimin niyo.”

“Daddy, say ahhh. Susubuan ka rin po ni Mommy,” wika pa nito.

Natigilan si Carol sa pinagagawa ng kaniyang anak ngunit hindi na siya nakatanggi pa nang kulitan siya nito at sinabing, “Mommy bilis na po! Naghihintay si Daddy.”

Abot tainga ang ngiti ni Lia nang masaksihan ito kaya naman ilang ulit niya pang ginawa ang ganitong klaseng pamamaraan niya sa kaniyang mga magulang sa mga sumunod pa nilang mga lakad.

“Mommy, Daddy, magpicture po tayo habang kini-kiss niyo po ako para mas maganda,” mungkahi ni Lia.

Gaya ng dati ay muling pinagbigyan si Lia ng kaniyang mga magulang. Magkabila nilang hinalikan ang pisngi niya na kinuhaan naman niya ng litrato.

“Ay! Wait lang po ulitin natin, napapikit po ako eh,” sambit ni Lia.

Muling hinalikan si Lia ng kaniyang mga magulang sa kaniyang pisngi ngunit sa pagkakataong ito, pagkabilang niya ng tatlo ay bigla niyang ibinaba ang kaniyang ulo dahilan upang magdampi ang labi ng mga ‘to.

Nangiti si Lia sa ginawa niyang ito. Ngunit agad itong nawala nang makita niyang itinulak ng kaniyang mga magulang ang bawat isa palayo at biglang nag-aya ang kaniyang ina na umuwi na sila.

Nang gabing din ‘yon ay nakita ni Lia ang kaniyang ina na palihim na umiiyak sa silid kaya naman nilapitan niya ito at kinausap, “Mommy, bakit po kayo umiiyak?”

“Wala ‘to anak. Matulog ka na,” sambit ng ginang matapos punasan ang kaniyang luha.

Lalabas na sana ng silid si Lia ngunit hindi niya napigilang magtanong pang muli sa kaniyang ina, “Hindi na po ba talaga kayo puwedeng magkaayos ni Daddy?”

Hinarap ni Carol ang kaniyang anak at kinausap ito ng masinsinan.

“Anak, hindi ko alam kung maiintindihan mo na ‘to. Pero siguro balang araw mauunawaan mo rin na ang baso kapag nabasag at pinilit mong buuin ay maaari kang mabubog at masugatan. Kung minsan marerealize mo rin na may kulang na piraso na ito kaya hindi mo na magagawang buuin pa. At kung sakali man na mabuo mo ito, hindi mo na mabubura pa ang mga lamat mula sa pagkakabasag nito,” saad ng ina kay Lia.

Matapos noon, sa mga sumunod na lakad nila tuwing Linggo ay mas nakita na ni Lia ang kasalukuyang sitwasyon ng kaniyang mga magulang. Nakita niya na napipilitan lang ang kaniyang ama at ina na magkita at magkasama nang dahil sa kaniya.

Mas lalo niyang naunawan na hindi na magkakabalikan pa ang kaniyang mga magulang nang mahuli niya ang kaniyang ama na may kausap na ibang babae sa cellphone nito habang ang kaniyang ina naman ay palihim na nakatingin sa kaniyang ama na puno ng hinanakit sa mga mata nitong maluha-luha sa isang tabi.

Mula noon ay hindi na pinilit pa ni Lia ang kaniyang mga magulang na magsama silang tatlo tuwing Linggo. Naunawaan niya na ang tinutukoy ng kaniyang ina tungkol sa nabasag na baso. Kaya naman kahit na gusto niyang muling mabuo ang kanilang pamilya ay hindi niya na ito pinagpilitan pa upang hindi na mas lalong masaktan pa ang kaniyang ina.

Advertisement