Nakunan ang Babae Habang Nasa Ibang Bansa ang Kaniyang Kasintahan; Bakit May Buhat pa rin Itong Sanggol Pagkauwi Niya ng Bansa?
Sa tagal ng relasyon ng magkasintahang sina Jared at Anjie ay napagkasunduan nilang magsama na sa iisang tirahan habang nag-iipon sila para sa kanilang kasal. Ngunit ‘di sinasadyang makabuo sila ng maaga kaya naman minabuti nilang unahin ang kinabukasan ng magiging anak nila kaysa sa pangarap nilang kasal.
Nang dahil dito ay piniling magtrabaho ni Jared sa ibang bansa upang mas mabilis na maisakatuparan ang kanilang mga pangarap. Ibinilin niya si Anjie sa kaniyang ama na si Tatay Fabian lalo na’t wala nang ibang pamilyang maasahan ang kaniyang kasintahan dahil noon pa man ay ulilang lubos na ito.
“Tay, kayo na po sana ang bahala sa mag-ina ko. Habang wala po ako’y pakitingnan-tingnan niyo po sana sila at ‘wag pababayaan,” pakiusap ni Jared.
“Huwag ka nang mag-alala. Siyempre hindi ko pababayaan ang magiging apo ko. At itong si Anjie naman eh parang anak na rin ang turing ko dito,” tugon ni Tatay Fabian.
Mapayapang nakalipad patungong ibang bansa si Jared sa sinabing iyon ng kaniyang ama. Ngunit makalipas ang ilang buwan ay nakatanggap siya ng masamang balita mula kay Anjie.
“Mahal, patawarin mo ako. Nakunan ako. Wala na ang baby natin,” hagulgol ni Anjie sa telepono.
Ikinalungkot ni Jared ang balitang ito ngunit mas labis ang naramdamang kalungkutan ni Anjie sa nangyari sapagkat sinisisi niya ang kaniyang sarili sa pagkawala ng kanilang anak. Dahil dito ay gabi-gabi siyang naglalasing at nagmumukmok sa bahay.
Ikinabahala ito ni Jared kaya naman halos araw-araw niyang pinatitingnan at pinapakumusta si Anjie sa kaniyang ama.
Isang gabi, habang naglalasing si Anjie ay sinabayan siyang uminom ni Tatay Fabian. Sinamahan siya nito upang ipadama sa kaniya na may karamay siya at hindi siya nag-iisa sa kaniyang pinagdadaanan.
Sa kalaliman ng gabi ay naparami ang inom nilang dalawa at nawala sila sa kanilang mga sarili. Hindi sinasadyang may nangyari sa kanila at makalipas ang ilang buwan ay napatunayan ni Anjie na nagbunga ang isang gabi nilang pagkakamali.
Labis itong ikinabahala ni Anjie na agad na nakipag-usap kay Tatay Fabian.
“Paano na ho ang gagawin natin?” tanong ni Anjie.
“Siguradong magagalit si Jared sa ating dalawa kapag nalaman niya. Pero nandiyan na ‘yan eh,” sambit ni Tatay Fabian.
“Hindi rin ho kaya ng konsensiya kong magpalagl*g ng bata. Kaya lang hindi ko ho alam kung paano ito ipapaliwanag kay Jared,” ang sabi ni Anjie na labis na namomroblema.
Sa pag-iisip ng dalawa ay napagkasunduan nilang buhayin ang sanggol at ilihim ang totoong pagkatao nito kay Jared.
Ilang buwan ang nakalipas, matapos mailuwal ni Anjie ang sanggol ay agad niyang kinausap si Jared.
“Mahal, may nag-iwan kasi ng sanggol sa labas ng gate natin. Ipinagtanong ko na sa lugar natin pero walang nakakaalam sa mga magulang nito. Para bang iniwan na talaga ‘yung sanggol upang ipaalaga sa iba. Maaari ba natin siyang kupkupin? Marahil siya na ‘yung kapalit ng anak nating nawala. Please, Mahal, gusto ko siyang alagaan,” pakiusap ni Anjie.
Dahil nauunawaan ni Jared ang pangungulila ni Anjie para sa kanilang anak at dahil alam niya ang nararamdaman ng kasintahan bilang isang ulilang lubos ay naantig ang kaniyang puso. Hinayaan niya ang kasintahan na kupkupin ito at tinanggap niya ito sa kanilang pamilya.
Nung nakauwi na si Pilipinas si Jared ay masaya niyang binuo ang kaniyang pamilya kasama ang sanggol na kinupkop nila. Itinuring niya ito bilang tunay na anak kahit na hindi niya alam kung saan ito nagmula.
Isang araw, sinamahan ni Jared si Anjie para sa bakuna ni baby Angelo ay binati siya ng isang nars.
“Sir, mabuti po at nakasama po kayo ngayon sa check up ng anak niyo. Naku! Nasaksihan ko ho kung gaano kahirap na hirap si Anjie noong ipinagbubuntis pa niya ‘yang anak niyo lalo na noong muntik na siya ma-CS,” bulalas ng nars.
“Ay naku hindi ho. Baka ho nagkakamali kayo. Kasi ho, nakunan si Anjie doon sa anak namin. Tapos makalipas ang ilang buwan, may nag-iwan ng sanggol sa labas ng gate namin at siya ‘yung baby na kasama namin ngayon,” pagkontra ni Jared.
“Naku! Hindi ho ako puwedeng magkamali kasi isa ho ako sa mga nars na nag-asikaso sa panganganganak niya noon dito. At mula noon ay nasubaybayan ko na ang bawat check up nila rito,” kumpiyansang pagkakasabi ng nars.
Dahil doon ay napaisip si Jared at biglang nagduda kaya naman agad niyang pinacheck ang record ni Anjie sa ospital.
Doon nabunyag na totoo ngang si Anjie ang mismong nagluwal kay baby Angelo sa ospital na iyon kaya naman labis na naguluhan si Jared.
Upang malinawan ay kinompronta niya ang kinakasama dala-dala ang mga papeles mula sa ospital na siyang ikinagulat nito at ‘di makapagsalita.
Sa galit ni Jared ay halos masaktan niya na si Anjie kaya inawat siya ni Tatay Fabian at napilitan itong magsalita. Napaamin ito sa mali nilang nagawa at humingi ng kapatawaran sa kaniya.
Biglang nanghina hanggang sa napaupo sa sahig si Jared nang marinig ito. Nilapitan siya ng kaniyang ama upang suyuin.
“Hindi namin sinasadya ang nangyari. Mga lasing lang kami noon. Patawarin mo kami anak,” paliwanag ni Tatay Fabian bago subukan siyang hawakan sa balikat.
“Mga baboy kayo! Nandidiri ako sa inyong dalawa!” bulyaw ni Jared matapos tabigin ang kamay ng kaniyang ama at umalis ng kanilang tahanan.
Sa pag-alis ni Jared sa kanilang bahay ay naiiyak siya at hindi makapaniwala sa mga nangyari. Hindi niya inaasahan na magagawa ito sa kaniya ng pinakamamahal niyang kasintahan at ng sarili niyang ama.
Nang dahil dito ay napagdesisyunan niyang tuluyang lumayo sa kanila at manatili sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Si Anjie naman, bilang wala nang dahilan upang manatili pa sa bahay ni Jared at dahil na rin sa kahihiyan ay pinili na lang ding lumayo. Sinubukan siyang pigilan ni Tatay Fabian para sa kanilang anak at dahil alam niyang wala itong matutuluyang kamag-anak ngunit hindi nagpapigil si Anjie. Kaya naman minabuti na lamang niyang magbigay ng sustento para kay baby Angelo bilang responsibilidad niya sa kaniyang anak.
Ilang taon ang nakalipas at may nakilalang babaeng banyaga si Jared sa ibang bansa. Sila ay nagpakasal at doon na namuhay nang magkasama. Habang sina Anjie at Tatay Fabian ay hindi naging maganda ang kinabukasan lalo na’t buong buhay nilang dala-dala ang konsensiya sa isang gabing pagkakamali.