Kulang ang Pera ng Ina Kaya Nagtahi Siya ng Bestida Mula sa mga Retaso ng Tela; ‘Di Niya Akalain na Isang Oportunidad ang Magbubukas Nang Dahil Dito
“Sabi ko na nga ba’t pamilyar sa akin ang mga tela sa bestida ng anak mo eh. Pero talaga bang ikaw ang nagtahi niyan? Napakaganda kasi ng pagkakagawa mo! Baka gusto mong magtrabaho di
Salat sa yaman ang pamilya nina Aurora kaya naman ang itinuring niya nang yaman ay ang kaniyang limang mga anak. Ang apat sa mga ito ay mayroon nang sarili mga pamilya kaya naman bumukod na ito sa kaniya. Ang tanging naiwan na lamang sa kaniya ay ang bunso niyang anak na si Nene.
Sa nalalapit na kaarawan ng kaniyang anak ay nais niya itong mabilhan ng magandang bestida na nadadaanan niya sa tindahan ng modista sa tuwing siya ay umuuwi kaya naman dumoble kayod siya sa pangongolekta ng mga kalakal na maaari niyang maibenta sa junkshop. Bukod sa mga nakukuha niya mula sa bahay ng mga iniikutan niyang mga lugar ay nangangalkal na rin siya sa mga basura upang mas maparami pa ang kaniyang maibenta.
Isang araw, nang makaipon na siya ng marami-raming salapi ay nagsuot siya ng maayos na damit at nagtungo sa tindahan ng modista upang mabili na sa wakas ang pinag-iipunan niyang bestida subalit may iba na palang nakabili nito at hindi rin pala sapat ang kaniyang pera.
“Pasensiya na po misis, may iba na kasing nakabili ng bestida na ‘yun eh. At saka kulang din ‘yung dala niyong pera para makabili ng bestida,” sambit ni modista.
“Naku, ganoon ba? Ito lang kasi ang nakayanan ko,” nakayukyok na wika ni Aurora na palabas na sana ng tindahan nang bigla itong may naisip.
“Teka lang po. Baka mayroon na lang po kayong mga retaso ng tela na maaari kong bilhin?” tanong ni Aurora.
Ipinagtaka ito ng modista, gayunpaman ay kumuha pa rin siya ng mga retasong tela at iniabot ito kay Aurora. Imbes na ipagbili ay binigay niya lamang ito sa kaniya nang libre.
“Talaga ho ba? Naku! Maraming salamat po!” masayang pagkakasabi ni Aurora.
Dala-dala ang supot ng mga retaso ng tela ay dumaan muna sa tindahan ng karayom at sinulid si Aurora upang bumili ng mga ‘to. At nang siya’y makauwi na ay agad niya itong itinago mula sa kaniyang anak.
Nung lumalim na ang gabi at nang makatulog na si Nene ay agad na inilibas ni Aurora ang mga retaso ng tela at sinimulan itong tahiin. Ganito na parati ang kaniyang ginagawa gabi-gabi sa tuwing tulog na ang kaniyang anak at itinatago niya ito sa tuwing matutulog na siya upang hindi ito makita ni Nene paggising.
Ngunit isang gabi sa kaniyang pagtatahi ay biglang nagising si Nene na siya namang nagtaka kung bakit gising pa ang kaniyang ina.
“Inay, anong oras na po? Ano po ba ang ginagawa niyo at gising pa kayo?” tanong ni Nene.
“Naku, anak! Wala lang ‘to. Sige na matulog ka na uli,” wika ni Aurora.
Sa kaantukan ay mabilis ding nakabalik sa pagtulog si Nene habang si Aurora naman ay itinago na ang kaniyang tinatahi at hinipan ang kandila upang tabihan na sa pagtulog ang kaniyang anak.
Isang araw pa ang nakalipas ay sumapit na ang kaarawan ni Nene. Nagulat ito sa paggising nang abutan siya ng kaniyang ina ng isang kahon habang kinakantahan siya ng maligayang kaarawan.
“Ano po ‘to, Inay?” tanong ni Nene.
“Ano pa nga ba, anak? Eh ‘di siyempre regalo ko ‘to para sa kaarawan mo ngayon. Happy Birthday!” pagbati ni Aurora.
“Talaga po ba? Maraming salamat po!” sambit ni Nene.
Binuksan nito ang kahon at nakita ang isang magandang bestida.
“Wow Inay! Ang ganda naman po nito!” bulalas ni Nene.
Agad nitong inilagay ang bestida sa harap ng kaniyang katawan upang tingnan ang itsura nito sa kaniya sa salamin. Abot tainga ang ngiti nito nung bigla itong napa-isip.
“Naku Inay, mukhang mamahalin po ‘to. Magkano po ang nagasta niyo para rito?” malungkot na pagtatanong ni Nene.
“Huwag kang mag-alala. Ako mismo ang nagtahi niyan mula sa mga retasong binigay sa akin ng modistang nadaraanan ko pag-uwi ng bahay,” sagot ni Aurora.
“Ayan po ba ‘yung ginagawa niyo gabi-gabi kaya kayo napupuyat? Akala ko po kasi panaginip lang ‘yun sa kaantukan ko. Kung ganoon po pala ay mas mahal pa ‘to sa kahit na anong bestida sa buong mundo kasi gawa niyo po ito mismo at talaga namang pinagpaguran niyo po ito. Maraming salamat po talaga, Inay!” pahayag ni Nene.
Agad na isinuot ni Nene ang bestidang tinahi ng kaniyang ina at nag-ayos na rin si Aurora. Sila ay namasyal sa parke at bumili ng sorbetes upang ipagdiwang ang kaarawan ng bata.
Noong pauwi na sila ay napadaan sila sa tindahan ng modista. Nakita sila nito at namukhaan nito si Aurora at ang mga tela sa suot na bestida ni Nene kaya naman nilabas sila nito upang kausapin.
“Hindi ba’t ikaw ‘yung ginang na nais bumili ng bestida noong nakaraan?” tanong ng modista.
“Ako nga po ‘yun. Maraming salamat nga po pala sa mga retaso ng tela na binigay niyo sa akin. Nakagawa po ako ng bestida para sa anak ko kahit sa kamay ko lang po tinahi ‘yan,” saad ni Aurora.
“Sabi ko na nga ba’t pamilyar sa akin ang mga tela sa bestida ng anak mo eh. Pero talaga bang ikaw ang nagtahi niyan? Napakaganda kasi ng pagkakagawa mo! Baka gusto mong magtrabaho dito sa shop ko bilang mananahi? Puwede kitang turuan gumamit ng makina para mas mabilis at marami kang matahi,” alok ng modista.
Natuwa si Aurora sa sinabi ng modista at agad itong tinanggap. Malaki ang pasasalamat niya rito sapagkat magkakaroon na siya ng mas maayos na trabaho na may magandang sahod.
Dahil sa magandang oportunidad na binigay kay Aurora ng modista ay hindi na sila kailanman namulot pa ng mga bagay pangkalakal at naging maayos na rin ang buhay nilang mag-ina.