Kinatatakutan ng mga Bata ang Matandang Pulubi na Malapit sa Kanilang Eskwelahan; ‘Di Nila Akalaing Walang Takot Itong Susuong sa Panganib Upang Makatulong sa Kapwa
Takot ang mga estudyante sa mababang paaralan na ito sa isang matandang pulubi na kanilang nadadaanan araw-araw kaya naman sa tuwing makikita nila ito ay agad silang nagtatakbuhan papalayo.
Tanging ang batang babae lang na si Chacha ang naglalakas loob na lumapit sa matanda upang hatian ito ng kaniyang baon.
“Lola, ito po, baka po nagugutom na kayo,” wika ni Chacha habang iniaabot ang isang tinapay na pinabaon sa kaniya ng ina.
Gaya ng dati ay hindi ito nagsalita ngunit yumuko lang ito bilang pasasalamat kay Chacha.
Nang makita ni Ryan ang muling paglapit ng kaniyang kapatid na si Chacha sa matanda ay agad niya itong tinawag upang layuan ang matanda, “Chacha, halika rito. Bilisan mo at baka matagalan pa tayo sa pag-uwi.”
Pagkalapit ni Chacha sa kaniyang kuya ay agad siyang tinanong nito, “Ano ka ba? Bakit ka lapit nang lapit sa kaniya? Hindi mo ba naririnig ‘yong usap-usapan sa school tungkol sa kaniya? Hindi ka man lang ba natatakot? Paano kung bigla ka na lang niyang saktan?”
“Noong una po, natatakot ako sa kaniya, Kuya, pero nang magtagal, hindi na po kasi wala naman siyang ginagawang masama sa akin,” tugon ni Chacha.
“Basta, ‘wag ka masyadong magtiwala sa kahit na sino dito sa labas. At ‘wag ka ring basta-basta sasama sa kahit na sino. Tandaan mo lagi ang bilin sa atin nila Mama at Papa,” pangaral ni Ryan.
“Opo, Kuya. Inaabutan ko lang naman po siya ng pagkain,” sambit ni Chacha.
Kinabukasan, pagkaabot ni Chacha ng pagkain sa matandang pulubi ay bumalik na siya sa gilid ng eskwelahan para hintayin ang kaniyang kuya upang makauwi na sila nang sabay. Sa kaniyang pagkainip ay naglakad-lakad siya sa paligid hanggang sa kumaunti na ang mga tao matapos mag-uwian ang ibang mga bata at mga magulang.
Ilang sandali ay may lumapit sa kaniya na ginang na maayos ang postura at inaalok siyang bigyan ng lollipop upang sumama siya rito. Tinanggihan ito ni Chacha dahil ‘yon ang mahigpit na itinuro sa kaniya ng kaniyang mga magulang at kuya kaya naman iba na lang ang inalok nito sa kaniya.
“Gusto mo maglaro na lang tayo? Tara, sama ka sa akin sa palaruan. Marami tayong malalaro doon. Tiyak ko magugustuhan mo ‘yon,” pangungumbinsi ng ginang bago hawakan ang braso ni Chacha sa pag-aya nito.
“Ayaw ko pong sumama sa inyo. Bitawan niyo po ako,” pakiusap ni Chacha na may halong takot.
Nasaksihan ng matandang pulubi ang nangyayari kaya naman nilapitan niya ang dalawa.
“Anong ginagawa mo sa bata? Bitawan mo nga siya,” mahinahong pagkakasabi ng matanda habang inaalam pa niya kung kakilala ni Chacha ang ginang.
“Huwag ka ngang makialam dito. Pulubi ka lang. Anak ko ‘to,” tugon ng ginang.
“Hindi po totoo ‘yon. Lola, tulungan niyo po ako!” iyak ni Chacha habang pilit na tinatanggal ang pagkakahawak ng ginang sa kaniyang braso.
Sa taranta ng ginang ay bigla nitong binuhat si Chacha upang itakbo sa nakaabang nitong sasakyan. Dahil dito ay agad na pinigilan ng matandang pulubi ang ginang na maisama sa sasakyan ang bata at sumigaw ito ng tulong na kumuha ng atensiyon ng mga guwardiya ng paaralan at ni Ryan na papalabas na sa gate.
Nang mabawi ng matandang pulubi si Chacha ay sinubukan na lamang tumakas ng ginang kasama ang kakuntsaba nito sa sasakyan ngunit napigilan sila ng mga guwardiya sa tulong ng mga tanod na nagkataong nag-iikot-ikot sa mga panahong ‘yon. Sila ay nahuli at nakasuhan sa ginawa nilang iyon. Habang ang matandang pulubi naman ay labis na pinasalamatan nina Chacha, Ryan, at ng mga magulang nila matapos silang tawagan ng barangay.
Mula noon ay hindi na pinagbabawalan ni Ryan si Chacha na lapitan ang matandang pulubi bagkus ay tinutulungan niya na rin ito. Bukod sa kanila, nang mabalita sa buong eskwelahan ang nangyari ay hindi na kinatatakutan ng mga batang estudyante ang matanda. Inaabutan na din nila at ng kanilang mga magulang ng tulong ang matandang ito na isang taon na palang nawawala at hinahanap ng mga anak nito sa kabilang lungsod.
Sa tulong ng mga mamamayan sa kanilang lugar ay nakauwi na rin ang matanda sa kaniyang pamilya. Ipinagpatuloy rin nila ang kanilang natutuhan na tulungan ang kahit sino, anuman ang itsura o estado nito sa buhay. Dahil dito ay nagkaroon ng mas maayos at mapayapang komunidad ang kanilang lugar kung saan mayroong malasakit ang mga tao sa bawat isa.