Hinanap ng Dalaga ang Inang Nang-iwan sa Kaniya sa Bahay-Ampunan Noong Bata pa Siya; Naliwanagan Siya Nang Magbalik ang Isang Alaalang Nabaon sa Limot
Isang araw ay biglang dinala ang limang taong gulang na si Lia ng kaniyang ina sa isang bahay na maraming mga bata. Nagpaalam ito sa kaniya na may bibilhin lamang sa tindahan at babalikan siya nito ngunit inabot na ng gabi ay hindi pa rin ito bumabalik.
Mula noon ay araw-araw nang hinihintay ni Lia na balikan siya ng kaniyang ina at gabi-gabi naman siyang umiiyak sa bahay-ampunan na pinag-iwanan sa kaniya. Parati siyang napapaisip at tinatanong ang sarili kung bakit iyon ginawa ng kaniyang ina hanggang sa nagdaan na ang isang taon at inampon siya ng mayamang mag-asawa.
Noong umpisa ay naiilang pa si Lia sa kanila, ‘di nagtagal, sa pagpapamalas ng pagmamahal sa kaniya ng mag-asawa bilang tunay na anak ay napamahal na rin siya sa kanila na parang mga tunay niyang mga magulang.
Makalipas ang ilang taon ay nagdalaga na si Lia hanggang sa nakapagtapos at nagtrabaho sa kumpaniya ng kinikilala niyang mga magulang, ngunit sa kasamaang palad ay bigla silang nawala sa kaniya nang dahil sa isang aksidente.
Sa kaniyang pangungulila sa kanila ay naalala niya ang ginawang pag-iwan sa kaniya sa bahay-ampunan ng sarili niyang ina. Dahil dito ay naisipan niyang ipahanap ito sa kaniyang tauhan upang masagot na ang matagal nang katanungan sa kaniyang isip kung bakit ito ginawa sa kaniya ng kaniyang ina. Nais niyang matuldukan na ang kaniyang mga agam agam at upang maging malaya na mula sa masakit niyang nakaraan.
“Sige po Ms. Lia, ipapaalam ko po agad sa inyo once na makakuha ako ng impormasyon tungkol kay Ofelia Concepcion,” saad ng kausap ni Lia sa kabilang linya.
Pagkakababa ni Lia ng telepono ay tumunog naman ang kaniyang doorbell. Pinagbuksan ito ng kaniyang kasambahay na si Manang Alba na huling araw na sa trabaho at sinalubong ang bagong kasambahay na nirekomenda nito.
Nang ihinarap ni Manang Alba kay Lia ang bagong kasambahay ay napatitig lang ito sa dalaga na maluha-luha pa.
“Good morning po. Kayo raw po si Manang Fely? Ako naman po si Lia. Nice meeting you po! Nabilin na raw po sa inyo ni Manang Alba ‘yung mga gawain dito sa bahay, tama po ba?” pagbati ni Lia.
Patuloy lang sa pagkakatitig si Manang Fely kay Lia at hindi makapagsalita kaya naman nagtaka ang dalaga.
“Uhmmm… Ayos lang po ba kayo?” tanong ni Lia.
“Ay naku, pasensiya ka na. Ang ganda niyo po kasi Ma’am,” saad ni Manang Fely.
“Naku! Lia na lang po ang itawag niyo sa akin. ‘Wag na Ma’am,” ang sabi ni Lia na nagpangiti kay Manang Fely.
Nagdaan ang isang linggo at maayos namang nakakapagtrabaho roon si Manang Fely. Magaan lang din ang kaniyang trabaho sapagkat halos buong araw namang wala roon si Lia. Napansin din niya na halos wala na rin itong oras kumain doon sa bahay dahil sa pagiging sobrang abala kaya naman isang araw ay naisipan niya itong ipaghanda ng kakaibang agahan.
“Lia, kumain ka muna ng agahan kahit kaunti. Parati ka na lang nalilipasan ng gutom,” pag-aya ni Manang Fely.
“Ayos lang po ako. Kahit kape na lang po Manang,” tugon ni Lia habang papuntang hapagkainan.
Pagkakita niya sa nakahain sa lamesa ay bigla siyang natigilan.
“Mga kakanin?” wika ng dalaga na napa-upo sa harap ng lamesa at napatitig.
“Sige kakain po ako nito kahit kaunti,” saad pa ng dalaga.
Pagkatikim ni Lia sa isa sa mga kakanin ay biglang tumulo ang kaniyang luha.
“B-bakit? May problema ba? Hindi mo ba gusto?” tanong ni Manang Fely.
“Gustong-gusto ko po nito. Parati po kasi akong pinaghahanda ni Mommy ng iba’t-ibang mga kakanin kahit noon pa. Binabaon ko pa nga po ‘yun noon sa school kahit nung nasa College na ako eh. Bigla ko tuloy na-miss si Mommy,” naiiyak na sinabi ni Lia.
“Mahal na mahal niyo sigurong mag-ina ang isa’t-isa,” sambit ni Manang Fely.
“Opo. Minahal niya kasi ako at inalagaan kahit hindi niya ako tunay na anak. Hindi gaya ng sarili kong ina na pinabayaan at iniwan lang ako sa bahay-ampunan,” saad ni Lia.
Hindi na nakasagot pa si Manang Fely sa sinabing iyon ni Lia kaya naman hinayaan niya na lamang itong enjoy-in ang pagkain ng agahan hanggang sa nakatanggap ito ng tawag.
“May nakuha kang pictures niya? Sige, sa office ko na lang titingnan at doon na lang din natin pag-usapan ‘yung ibang mga nalaman mo,” sambit ni Lia sa kausap niya sa kabilang linya.
Pagkarating niya sa opisina ay agad niyang kinausap ang kaniyang tauhan.
“Ms. Lia, mula nang pum*naw ang tunay niyong ama noon ay naging tindera na ng kakanin si Ofelia Concepcion. Mukha ring matapos noon ay nagkakilala sila ng Mommy mo. Kasi base sa napag-alaman ko sa mga matatagal niyo nang kapitbahay eh halos araw-araw siyang pumupunta sa bahay niyo noon na may dala-dalang mga kakanin,” pahayag ng kaniyang tauhan.
Ipinagtaka ito ni Lia ngunit bago pa siya makapagsalita ay natahimik siya nang ipakita ng kaniyang tauhan ang litrato ng kaniyang tunay na ina. Labis ang kaniyang pagkagulat nang makita niyang si Ofelia Concepcion na kaniyang ina at si Manang Fely na kasambahay niya ngayon ay iisa lamang!
Dahil dito ay biglang napauwi agad si Lia upang komprontahin si Manang Fely sa kaniyang natuklasan.
“Fely ho ba talaga ang pangalan niyo? Sinadya niyo ho ba talagang dito mamasukan sa akin, Ofelia Concepcion? Bakit? Para ano pa? Hindi ba’t iniwan niyo na ako sa bahay-ampunan noon?!” galit na pagkakasabi ni Lia habang siya ay maluha-luha.
“P-paano mo nalaman?” nagtatakang tanong ni Manang Fely.
“Bakit? Pagkatapos ng ginawa niyo sa akin noon biglang gusto niyo na lang uling magpaka-ina ngayon?” tanong ni Lia.
“Anak, patawarin mo ko. Hindi ko ginusto ‘yun. May dahilan ako kaya ko nagawa ‘yun,” sambit ni Manang Fely.
“Kahit ano pang dahilan niyo, hindi dapat iniiwan ng ina ang anak niya!” wika ni Lia.
“Patawarin mo ako. Kaya nga hindi ako tumigil hanggang sa mahanap kita. Sinubukan kong maging ina sa’yo kahit na nasa malayo ako,” saad ni Manang Fely.
“Alin po? ‘Yung pagdadala niyo ng kakanin sa bahay araw-araw? ‘Yun na ‘yun? Bakit hindi niyo man lang po ako binawi?” tanong ni Lia.
Biglang naiyak si Manang Fely. Ipinaliwanag niya kay Lia na sinubukan niya itong gawin ngunit nakiusap ang kinilala nitong ina na ‘wag siyang bawiin sa kanila sapagkat napamahal na sa kanila si Lia. Pinangakuan din siya ng mga ito na mas magiging maayos ang kinabukasan sa kanila ng kaniyang anak.
Kaya naman nang makita niya ang maayos at masayang buhay ni Lia sa piling ng mga umampon sa kaniya ay hinayaan niya na lamang ito. Nagmasid na lang siya sa malayo at ipinaramdam ang pagmamahal niya sa kaniya sa pagpapadala ng mga kakanin araw-araw. Hanggang sa isang araw ay nabalitaan niya ang nangyari sa mag-asawa kaya naman sa kaniyang pag-aalala na wala nang mag-aasikaso sa kaniyang anak ay hinangad niyang maalagaan ito kahit na bilang kasambahay lamang.
Hindi matanggap ni Lia ang paliwanag na iyon ni Manang Fely lalo na’t walang binanggit ang kaniyang ina sa dahilan ng pag-iwan nito sa kaniya sa bahay-ampunan na naging ugat ng kanilang paghihiwalay. Dahil dito at dahil naguguluhan pa siya sa kaniyang mga natuklasan ay hindi niya masabi kung dapat niya bang paniwalaan ang mga sinabi ng kaniyang ina. Dumagdag pa rito ang ilang taon na sama ng loob niya para rito kaya naman napagdesisyunan niyang paalisin sa bahay ang ginang.
Walang nagawa si Manang Fely kundi umalis ng gabing iyon upang hayaang makapag-isip isip ang kaniyang anak. Kinabukasan ay muli siyang bumalik sa bahay nito upang suyuin ito.
Hindi sana haharapin ni Lia ang kaniyang ina nang bigla siyang nakatanggap ng tawag mula sa kaniyang tauhan. Ipinaalam nito ang bago nitong natuklasan mula sa mga kapitbahay ng kanilang pamilya noon. Ayon sa mga ito ay halos araw-araw daw na sinasaktan ng kaniyang ama ang kaniyang ina noon. Ngunit noong isang beses daw ay muntik na rin daw siyang saktan ng kaniyang ama pero hindi ito nangyari sapagkat hinaharang umano ng kaniyang ina ang katawan nito upang hindi siya masaktan. Pagkatapos daw ng nangyaring iyon ay hindi na raw nila nakita ang pag-uwi niya sa kanilang lugar matapos siyang isama sa pag-alis ng kaniyang ina.
Biglang may pumasok na alaala kay Lia na matagal na nawala sa kaniyang isipan. Naalala niya ang mahigpit na pagyakap sa kaniya ng kaniyang ina habang umiiyak ito sa sakit ng hampas ng kaniyang ama noon.
Agad na natauhan si Lia at lumabas siya ng bahay upang kausapin ang ina.
“Naalala ko na po. Dahil po ba kay Tatay kaya niyo ako iniwan sa bahay-ampunan?” tanong ni Lia.
“Oo, anak. Kinailangan nating magkalayo para masigurado kong ligtas ka. Kasi pag hindi tayo naghiwalay, sigurado akong mahahanap tayo ng Tatay mo, saan man tayo magtago. Kaya kinailangan kong manatili sa kaniya hanggang sa huling hininga niya para masigurado kong hindi ka niya mahahanap at masasaktan. Sana mapatawad mo ako,” pahayag ni Manang Fely.
“Naiintindihan ko na po ngayon. Sorry po kung nagtanim ako ng sama ng loob sa inyo. Miss na miss ko po kayo,” wika ni Lia.
Dahil sa pangyayaring iyon ay naging malinaw na ang nangyari sa nakaraan nilang dalawa. Nagkaayos sila at nagsama bilang mag-ina mula noon. Ginawa nila ang mga bagay na hindi nila nagawa nang magkasama noon at binawi nila ang mga taong sila ay magkahiwalay.