Pinagbintangan ng Ginang ang Kahera Nila na Nangungupit sa Tindahan; Magugulat Siya Nang Malaman Kung Sino Talaga ang Kumukuha ng mga Ito at Kung Saan Ito Napupunta
Nitong mga nakaraang buwan ay napapansin ni Aling Minda sa kaniyang pag-iimbentaryo na may mga nawawala siyang mga de lata at pagkain sa kaniyang convenience store. Dahil kakaunti lamang ito ay inisip niya na lang na maaring nalusutan sila ng mangungupit o maaari ding nagkamali lamang sila sa pagbibilang kaya naman pinalampas niya ito.
Ngunit hindi ito nagtapos doon sapagkat habang tumatagal ay mas dumarami ang nawawalang pagkain sa kanilang paninda. ‘Di tuloy naiwasan ng ginang na mag-isip ng ‘di maganda sa nag-iisa niyang empleyado na si Cherry na kahalili nila ng kaniyang anak sa pagbabantay ng tindahan. Naalala niyang mayroon itong matinding pangangailangan sa pagkakasakit ng ina nito na kasalukuyang nasa ospital.
“Cherry, kumusta na pala ang Nanay mo? Nahihirapan siguro kayong magkakapatid sa sitwasyon niyo ngayon,” sambit ni Aling Minda.
“Umaayos naman na po ang lagay ni Nanay at kinakaya pa rin naman po naming magkakapatid. Nagtutulong-tulong na lang po kaming lahat,” tugon ni Cherry.
“Mabuti naman kung ganoon. Basta kung may kailangan ka, magsabi ka na lang ha?” saad ni Aling Minda na nagpapahiwatig sa dalaga upang humingi na lang ito ng tulong imbes na mangupit sa kanilang tindahan.
Sa pagbabakasakaling iyon ni Aling Minda ay hindi niya na inaasahang mawawalan pa uli sila ng mga paninda. Ngunit nagkamali siya, sapagkat mas dumami pa ang mga nawalang de lata at pagkain nang mga sumunod na linggo.
Dahil dito ay hindi na siya nakapagtiis pa at kinausap niya na si Cherry tungkol dito. Ipinaalam niya sa dalaga ang tungkol sa dumaraming mga nawawala nilang paninda nitong mga nakaraang buwan at ang hinala niya rito.
“Naku Ma’am! Hindi ko po kayang gawin ‘yon. Maniwala po kayo sa akin. Wala po akong kinukuhang kahit na ano dito sa convenience store ninyo,” depensa ni Cherry.
“Gusto rin sana kitang paniwalaan at mukha ka namang mabait. Kaya lang, tatlo lang naman tayo dito ng anak kong nagsasalitan sa pagbabantay. Alangan namang pagnakawan namin ang sarili naming negosyo. At saka kung dahil naman ‘yon sa mga iilang kustomer na kaduda-duda at malikot ang kamay ay napakarami naman nung nawawala. Madali natin ‘yong makikita at mapipigilan kung nagkataon,” pahayag ni Aling Minda.
Pilit na itinanggi ni Cherry ang bintang na iyon ni Aling Minda ngunit nahirapan siyang kumbinsihin ito na paniwalaan siya kaya naman tinanggal siya nito sa trabaho.
Kinabukasan, pagkabalik ng anak ni Aling Minda na si Alfred mula sa isang linggong bakasyon ay napag-usapan nila ang nangyari kay Cherry. Ikinagulat ito ng kaniyang anak. Pinabulaanan nito na pinagnanakawan sila ni Cherry at agad itong humingi ng dispensa sa ina.
Inamin ni Alfred na siya ang dahilan kung bakit nagkukulang ang imbentaryo nila sa mga tinapay, de lata, noodles at iba pang mga pagkain. Imbes umano na itapon ang mga malalapit nang mag-expire pero hindi pa talaga sirang mga pagkain ay pinamimigay niya ito sa mga taong kalye na pumapasok sa kanilang tindahan na nanghihingi ng tulong bago pa ito mag-expire.
“Pasensiya na po, ‘Ma. Noong una po kasi, nalimutan ko talagang sabihin sa inyo. Tapos noong mga sumunod, noong hindi niyo naman na po hinanap ‘yong mga kulang, akala ko po ay ayos lang sa inyo since malapit na rin naman ang expiration date ng mga ‘yon. Kaso nitong mga nakaraan hindi ko po napansin na naparami na po pala ‘yong mga napamigay ko. Sorry po,” paliwanag ni Alfred.
“Naku, anak, maganda naman pala ang intensiyon mo. Kaya lang sa susunod naman magsabi ka para hindi tayo nagkakaproblema ng ganito. Nakakahiya tuloy kay Cherry na napagalitan ko at tinanggal sa trabaho,” sambit ni Aling Minda.
Matapos noon ay agad na pinuntahan ni Aling Minda si Cherry sa tahanan nito upang personal na humingi ng kapatawaran sa kaniyang pagkakamali. Bilang likas na mabuti ang dalaga ay madaling naayos ang kanilang ‘di pagkakaunawaan.
Muling nakabalik si Cherry sa kaniyang trabaho sa convenience store nina Aling Minda. Dinagdagan rin ng ginang ang kaniyang sahod at buwan-buwan na rin siyang nakakatanggap ng food packs mula sa maliit na proyekto ni Alfred. Sinuportahan kasi ni Aling Minda ang ginagawa ng anak na pagpapamigay ng mga paninda nila sa tindahan na maaayos pa bago ito mag-expire sa mga taong nangangailangan.
Hindi man kalakihan ang kanilang napapamigay at kahit kakaunti lang ang kanilang natutulungan ay malaki pa rin ang pasasalamat sa kanila ng mga taong nabibigyan nila.
Nasaksihan ito ng mga tao sa kanilang lugar na natuwa sa kanilang ginagawa kaya naman mas sinuportahan nga mga ito ang kanilang tindahan. Mas dumami ang tumangkilik sa kanilang convenience store na nagpataas ng kanilang kita.
Dahil dito ay nagawa nilang palaguin ang kanilang negosyo. Nakapagpatayo uli sila ng isa pang convenience store sa ibang lugar na pinagkatiwala kay Cherry bilang bisor at ipinagpatuloy nila ang maliit na proyekto ni Alfred na nakatutulong sa mga taong nangangailangan.