Galit ang Dalagang Ito sa Ama Niyang Ilang Taon nang Hindi Nagpapakita sa Kaniya; Ikagugulat Niya nang Marinig ang Katotohanan
Sa pagdiriwang ng pangalawang anak ni Abel na si Sofia ay ‘di niya inaasahang matagpuan doon ang matagal niya nang hinahanap na anak sa una niyang asawa.
“Maya? Ikaw ba talaga ‘yan, anak? Naku! Ang laki-laki mo na at kamukhang-kamukha mo ang Mama mo,” bungad ni Abel.
“P-Papa?” nagtatakang tanong ni Maya.
Hindi niya na natuloy pa ang mga nais niya pang itanong sapagkat may ginang na tumawag sa kaniyang ama sa ‘di kalayuan at tinawag na rin siya ng kaniyang bisor.
“Honey! Tara na sa stage. Kakantahan na natin si Sofia ng happy birthday song,” wika ni Stella na asawa ni Abel.
“Maya, ano pa bang ginagawa mo diyan? Marami pang pagkain na kailangang ilabas sa hall,” sambit naman ng bisor ni Maya.
“Sorry po, sir. Susunod na po ako diyan,” tugon ni Maya.
Sinubukang pigilan ni Abel si Maya sapagkat nais niya pa itong makausap ngunit tumanggi ito at sinabing, “Totoo ngang may ibang pamilya ka na kaya hindi mo na kami binalikan ni Mama.”
“Ano? Hindi ‘yun ganoon, anak,” wika ni Abel.
“Sige na ho, hinahanap na kayo ng bagong pamilya niyo. Ako naman, kailangan ko nang magtrabaho,” sambit ni Maya bago iwan ang kaniyang ama.
Agad na bumalik sa pagtatrabaho si Maya habang si Abel naman ay pinuntahan na muna sina Stella at Sofia upang ipagpatuloy ang programa.
Noong natapos na ang pagdiriwang ay agad na hinanap ni Abel si Maya upang muling makausap subalit napag-alaman niya na nagpaalam pala ito na maagang uuwi. Dahil dito ay sinubukan na lamang niyang alamin ang tirahan at numero ng kaniyang anak ngunit hindi ito ibinigay sa kaniya. Ang naibigay lamang sa kaniya ay kung saang unibersidad ito nag-aaral nang kumbinsihin niya ang bisor nito.
Kinabukasan ay agad na pinagtanungan ni Abel ang kaniyang anak sa unibersidad. Inabangan niyang matapos ang klase nito bago nilapitan upang makausap.
Noong nakita ni Maya si Abel ay agad na sumama ang kaniyang mukha. Nagalit siya rito kung bakit ito habol nang habol sa kaniya ngayon samantalang iniwan naman sila nito ng kaniyang ina noon. Nilabas niya ang sama ng loob niya sa kaniyang ama lalo na ang hindi man lang nito pagpunta sa libing ng kaniyang ina.
“Napahamak si Mama sa pagliligtas sa akin sa sunog noon. Hindi siguro ‘yun mangyayari kung kasama ka namin noon. Siguro parehas mo kaming maliligtas ni Mama at buo pa rin ang pamilya natin ngayon. Kaya lang, wala ka. Iniwan mo kami para sa pangalawang pamilya mo. Biruin mo, pinagtakpan ka pa ni Mama noon. Ang sabi niya, nagtatrabaho ka lang sa malayo kaya hindi ka makauwi,” pahayag ni Maya.
“Totoong pinagtakpan ako ng Mama mo kung nasaan talaga ako noon pero hindi dahil sa may ibang pamilya ako,” kontra ni Abel.
“N-nawala ako sa inyo noon d-dahil… n-nakulong ako sa kasalanang hindi ko naman ginawa. Natagalan bago ko napatunayan na wala akong kasalanan. Pero pagkalayang-pagkalaya ko ay agad akong umuwi ng bahay at doon ko na nalaman ang nangyari sa inyo ng Mama mo,” bunyag ni Abel na kabadong-kabado sa pag-amin.
Nagulat at lumambot ang puso ni Maya nang malaman niya ang nangyari sa kaniyang ama pero nang sabihin nito na hinanap siya nito ay hindi niya ito pinaniwalaan. Para sa kaniya, kung talagang hinanap siya nito ay matagal na silang nagkita at nalaman nito ang mga pinagdaanan niya.
Dahil dito ay isinalaysay niya sa kaniyang ama ang nangyari sa kaniyang buhay sa pagkawala ng kaniyang ina. Sinabi niya na ang Lola niya na ang kumupkop sa kaniya noon. Ngunit nang mawala na rin ito buhat nang magkasakit ay pinagpasapasahan na siya ng mga kamag-anakan niya sa ina hanggang sa napunta siya sa kaniyang Tita Mommy Cecile na nagmahal at nag-alaga sa kaniya na parang tunay na anak.
“Cecile? Kay Ate Cecile na taga San Juan ka nakatira ngayon? Pero nung pinuntahan ko siya noon, ang sabi niya sa akin ay hindi ka raw niya napigilang umalis dahil gusto mo raw magsolo upang hindi ka na maging pabigat kahit kanino. Ikinaila ka niya sa akin?” nagtatakang tanong ni Abel.
“Hindi ho ‘yan gagawin ng Tita Mommy ko,” wika ni Maya.
“Kung ganoon, magharap-harap tayong tatlo,” mungkahi ni Abel.
Pagkarating nila sa bahay ni Cecile ay agad itong nagulat nang makita ang mag-ama na magkasama.
“Ate, akala ko ho ba’y wala sa inyo ang anak ko?” tanong ni Abel.
“A-anong ginagawa mo rito? Hindi ba’t may bago ka na uling pamilya? Sila na lang ang intindihin mo. Pabayaan mo na si Maya sa akin,” kinakabahang sinabi ni Cecile.
Dahil dito ay pinaliwanag ni Abel ang nangyari kung paano sila nagkagustuhan ni Stella. Isinalaysay niya na noong nakalaya siya at naghahanap ng trabaho noon ay tanging si Stella lamang ang nagtiwala at tumanggap sa kaniya sa trabaho. Tumulong din ito sa kaniya na hanapin si Maya kaya naman natunton niya ang mga kamag-anakan ng ina ni Maya na nag-alaga sa kaniya hanggang sa umabot siya kay Cecile ngunit itinago nito ang kaniyang anak.
“Tita Mommy, talaga pong hinanap pala ako ni Papa? Alam niyo po kung gaano ako katagal na naghintay na balikan ako ni Papa noon. Bakit niyo po ginawa ‘yun?” tanong ni Maya.
“Patawarin mo ko, anak. Natakot kasi ako na mawala ka sa akin. Nakuwento ko naman sa’yo noon na araw-araw akong nagdasal sa pagdating ng anak na kagaya mo sa buhay ko matapos akong mangilang-ulit na nak*nan,” saad ni Cecile.
“Pakiusap, Abel, ‘wag mong ilayo sa akin si Maya. Itinuring ko na siya na parang sariling anak ko,” wika ni Cecile.
“Ate, wala akong balak na ilayo siya sa’yo. Malaki ang pasasalamat ko sa pag-aalaga mo sa kaniya ng ilang taon, na naging ina ka para sa kaniya. Pero sana hayaan mo rin akong magpaka-ama sa kaniya,” sambit ni Abel.
Sa pag-uusap nilang iyon ay nagkalinawan silang tatlo. Patuloy pa rin na Tita Mommy ang ituturing ni Maya kay Cecile habang binigyan niya rin ng pagkakataon si Abel na magpaka-ama muli sa kaniya.
Sinama siya nito sa bago nitong pamilya – kina Stella at Sofia – na malugod siyang tinanggap lalo na’t umpisa pa lamang ay alam na ni Stella ang sitwasyon ni Abel at matagal na rin nitong ikinukuwento kay Sofia ang tungkol sa kaniya na matagal na nilang hinahanap.
Mula noon ay naging maayos na ang relasyon ni Maya sa kaniyang ama kahit na matagal silang nagkawalay. Patuloy nilang sinusubukan na bawiin ang mga taong nawala sa kanila sa bawat araw na nagdaraan.