Malaki ang Pinagbago ng Dalaga Matapos Siyang Ipagpalit ng Dati Niyang Nobyo sa Ibang Babae; Matatauhan Siya Nang Dahil sa Isang Bidyo
Matapos ipagpalit si Trixie ng kaniyang dating kasintahan na si Jolo sa ibang babae nang mahuli niya ang panloloko nito ay naging magulo na ang kaniyang buhay. Parati niyang iniisip kung bakit at paano iyon nagawa sa kaniya ng dating kasintahan hanggang sa kinukuwestion niya na ang sarili niyang halaga.
Sa sama ng kaniyang loob at sa paghahangad na makakalimot ay mabilis siyang napapasama sa kahit sino sa mga kaibigan niya na mag-aya upang pumarty. Dahil dito ay halos gabi-gabi siyang lasing at hindi makabangon kinabukasan para pumasok sa trabaho hanggang sa natanggal siya sa trabaho.
“Bez, gising! Baka ma-late ka na naman sa trabaho mo niyan. Gising na!” ang sabi ni Cheska habang niyuyugyog sa pagkakatulog si Trixie.
“Bez naman eh, kakatulog ko pa lang! At saka mula ngayon hindi mo na ako kailangang gisingin pagkauwi mo mula sa trabaho kasi wala na akong trabaho! Tinanggal na nila ako! I’m a free woman!” pagmamalaki ni Trixie na may tama pa ng alak.
“Ano?! Bakit parang ang saya mo pa na nawalan ka ng trabaho?” tanong ni Cheska.
Nginitian lang siya ni Trixie habang nakapikit.
“Palibhasa madali ka lang napapadalahan ng pera ng mga magulang mo sa States eh. Matulog ka na nga lang. Ang hirap mong kausap ‘pag ganyang lasing ka eh,” sambit ni Cheska.
Kinahapunan, nang magising na si Trixie at matino na ang kaniyang pag-iisip ay muli siyang kinausap ni Cheska. Pinagsabihan siya nito tungkol sa mga ginagawa niya na nakakasira sa kaniyang sarili matapos siyang iwan ni Jolo. Pinakiusapan siya nito na subukan nang mag move on nang paunti-unti at ayusin ang buhay.
Pinilit naman siyang pakinggan ni Trixie ngunit gumawa ito ng paraan na malihis ang kanilang pag-uusap sapagkat hindi pa ito handa sa mga sinasabi ng matalik na kaibigan. Inaya siya nito na mamasyal na lamang silang dalawang single sa araw ng mga puso upang hindi sila parehas na malungkot. Sinang-ayunan naman agad ito ni Cheska sapagkat alam niyang kapag hindi niya sinamahan ang kaibigan ay maglalasing na naman ito sa bar.
Pagsapit ng araw ng mga puso ay namasyal ang matalik na magkaibigan gaya ng napagkasunduan nila. Ngunit ‘di inaasahan na makita nila roon si Jolo at ang babaeng pinagpalit nito kay Trixie na si Daisy.
“Ang kakapal ng mga mukha ng mga ‘tong maging masaya at magtawanan pagkatapos ng ginawa nila sa akin,” sambit ni Trixie bago lapitan ang dalawa.
Sinubukang pigilan ni Cheska si Trixie ngunit hindi niya ito naawat. Pagkalapit nito kina Daisy ay agad nitong hinablot ang buhok ng dalaga at sinampal.
“Haliparot ka! Mang-aagaw!” bulyaw ni Trixie.
Ikinagulat ni Jolo ang ginawang iyon ni Trixie. Sa kaniyang galit ay hinatak niya ito sa lugar na may kaunting tao upang kausapin.
“Ano sa tingin mo ‘yung ginawa mo? Nakakahiya ka!” nagpipigil ng galit na sinabi ni Jolo.
“Nakakahiya? Bakit hindi mo tanungin ‘yung sarili mo kung anong ginawa mo sa akin para magkaganito ako? Ako pa ba talaga ‘yung dapat mahiya?” maluha-luhang pangunguwestiyon ni Trixie.
“Yes, mali kami and we are very sorry sa nagawa namin sa’yo. Alam kong mahirap pero sana matanggap mo na hindi na tayo ngayon. Sana’y hayaan mo na kami. Ayaw na namin ng gulo,” pakiusap ni Jolo.
“Ang kakapal ng mukha niyo na hilingin ‘yan matapos niyo akong lokohin!” galit na pagkakasabi ni Trixie bago iwan si Jolo sa labis na pagkadismaya.
Dahil sa nangyaring iyon ay nasira na ang lakad ng matalik na magkaibigan kaya naman pinili na lamang nilang umuwi. Kinausap ni Trixie si Cheska at ihinayag niya ang lahat ng sama ng loob niya kay Jolo at kung gaano siya nasasaktan sa ginawa nito sa kaniya.
“Then stop acting like a loser! Sa ginagawa mo, pinapatunayan mo lang na tamang ipinagpalit ka niya sa babaeng ‘yun!” saad ni Cheska.
Nagulat si Trixie sa sinabing iyon ng matalik niyang kaibigan kaya hindi siya nakapagsalita.
“May nakapag-video ng ginawa mo kanina at nag-viral agad sa social media. Tingnan mo nga ‘yung sarili mo diyan, tapos alalahanin mo ‘yung dating ikaw. Ganyang klaseng tao ba talaga ang gusto mong maging? Nang dahil sa lalaking ‘yan, sisirain mo ang buhay mo nang ganyan? Bakit hindi mo na lang kaya ayusin ang buhay mo at ipakita sa kaniya kung anong nawala sa kaniya?” pangaral pa ni Cheska bago iwan ang matalik na kaibigan upang makapag-isip.
Pinanood ni Trixie ang video at bigla siyang natuahan. Napagtanto niya kung gaano kasama at kalaki ang pinagbago niya. Hindi niya nagustuhan kung anong klaseng tao siya ngayon kaya naman hinangad niyang baguhin ito at magbalik sa dati niyang pagkatao.
Alam niyang hindi ito magiging madali lalo na’t hindi pa naghihilom ang sugat at sakit na natamo niya mula sa dating kasintahan kaya naman minabuti niyang magpakalayo-layo. Nagtungo siya sa Amerika sa poder ng kaniyang mga magulang at doon sinubukang magsimula muli.
Makalipas ang ilang buwan, sa tulong ng kaniyang mga magulang ay naayos ni Trixie ang kaniyang buhay at muli siyang nakabangon na siyang ikinatuwa ni Cheska na patuloy na sumusubaybay sa kaniya kahit nasa malayo ito. Habang si Jolo at Daisy naman ay naghiwalay din nang umibig sa ibang lalaki ang dalaga.