Inday TrendingInday Trending
Mabilis Maniwala at Magtiwala ang Kasambahay na Ito; Ikagugulat Niya nang Malaman na Naloko Siya ng Kaniyang Nobyo para sa Pakay Nito sa Bahay ng Kaniyang mga Amo

Mabilis Maniwala at Magtiwala ang Kasambahay na Ito; Ikagugulat Niya nang Malaman na Naloko Siya ng Kaniyang Nobyo para sa Pakay Nito sa Bahay ng Kaniyang mga Amo

Sa pag-alis ng mag-asawang Bustamante para sa kanilang bakasyon ay naiwan ang dalawang kasambahay nila na sina Manang Alma at Simang sa kanilang tahanan.

Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang bakasyon ay biglang nagpaalam si Manang Alma na umuwi sa kanilang probinsiya dahil sa biglaang pagkawala ng asawa nito sanhi ng isang aksidente. Pinahintulutan naman ito ng mga amo.

“Simang, ayaw sana kitang iwan dito mag-isa pero mas kailangan ako ngayon doon sa amin. Siguro naman kahit paano eh may alam ka na rito sa Maynila. ‘Wag kang basta-basta magtitiwala kahit na kanino rito. Iba ang mga tao rito sa kinalakihan mo sa probinsiya mo. Lagi mong isarado ang mga bintana at pintuan, lalo na ang gate ikandado mo ‘yun sa gabi. At ‘wag kang magpapapasok ng kahit na sino. Basta mag-iingat ka rito ah,” nagmamadaling bilin ni Manang Alma bago umalis.

Sinunod naman ito ni Simang kaya naman noong nagpumilit na makipagkita ang kaniyang nobyo na si Tomas ay nakipagtagpo na lamang siya sa labas ng bahay na kaniyang pinagtatrabahuhan. Doon ay nagawa nilang tumambay at magkuwentuhan buong maghapon sapagkat wala naman siyang ibang kailangang gawin bukod sa bantayan ang bahay sa pag-alis ng kaniyang mga amo.

Naulit ang pagdalaw na ito ni Tomas kay Simang kinabukasan noong nalaman nito na mag-isa lamang siya roon dahil nasa bakasyon ang mga pinagsisilbihan niya. Sa pagkakataong ito ay napilitin siya na patuluyin ang nobyo sa loob ng bahay noong nakaramdam ito ng pagkahilo. Pinagpahinga niya ito sa kaniyang silid at nang umayos na ang pakiramdam nito ay nagulat na lamang siya na naglilibot na ang kaniyang kasintahan sa bahay ng kaniyang amo.

“Mahal! Kumusta na ang pakiramdam mo? At saka anong ginagawa mo rito? Hindi talaga kasi ako puwedeng magpapasok ng ibang tao rito eh,” sambit ni Simang.

“Naku, hinahanap kasi kita kanina tapos naligaw na ako pabalik sa kuwarto mo. Grabe naman kasi, ang laki pala talaga ng bahay ng mga amo mo. At mukhang mamahalin din ang mga gamit nila rito,” wika ni Tomas.

“Oo kaya nga hindi ko basta maiwan ‘tong bahay eh,” tugon ni Simang.

“Eh paano ka naman pala rito? Paano ang mga pangangailangan at mga gastusin mo habang wala sila?” tanong ni Tomas.

“Nag-iwan naman sila Ma’am at Sir ng pera para sa mga gastusin sa bahay at kung may anumang biglang mangyari na ‘di inaasahan, kaya okay lang ako rito. ‘Wag ka nang mag-alala. Tara na doon sa kusina. Ipinaghanda kita ng makakain. Baka kaya ka nahilo kasi gutom ka na,” pag-aya ni Simang kay Tomas.

Pagkatapos kumain ay agad ring pinauwi ni Simang ang kaniyang kasintahan upang makapagligpit na. Matapos niyang magsarado ng mga bintana, pintuan at magkandado ng gate ay tumungo na siya sa kaniyang silid upang matulog.

Kinabukasan, ginising si Simang ng sunud-sunod na tawag mula sa ‘di niya kilalang numero. Pagkasagot niya nito ay nagpakilala ito bilang nars sa isang ospital.

“Ito ba si Simang, ‘yung kasambahay nila Mr. and Mrs. Bustamante? Naaksidente kasi ‘yung mag-asawa sa sasakyan nila kaya narito sila ngayon sa ospital. Bago sila mawalan ng malay ay pinatawag nila ako sa’yo para ipaalam ang kanilang kondisyon at pinag-uutos din nila na kailangan mong magdala ng pera rito para maoperahan sila. Hindi sila maooperahan hangga’t hindi sila nakakapagbayad kaya bilisan mo na bago pa mahuli ang lahat para sa mga amo mo,” nagmamadaling saad ng nars sa kabilang linya.

Sa taranta ni Simang ay agad siyang nagpalit ng damit at kinuha ang perang ipinatabi sa kaniya ng kaniyang mga amo. Agad siyang umalis ng bahay upang magtungo sa ospital. Ngunit sa kasamaang palad, bago pa siya makarating sa ospital ay may humablot ng kaniyang bag kung saan nakalagay ang pera para sa kaniyang mga amo.

Sinubukan niyang habulin ito ngunit sa bilis nitong tumakas ay hindi niya na ito nasundan pa kaya naman humingi na lamang siya ng tulong sa mga pulis.

Sa kabilang banda, habang namomroblema si Simang para sa nawalang pera sa kaniya at para sa kaligtasan ng kaniyang mga amo ay sinamantala naman ng grupo ni Tomas na pagnakawan ang bahay ng mga among pinagsisilbihan niya. Sila ay nagpanggap na mga tauhan ng lipat-bahay upang hindi mabahala ang mga kapitbahay nito.

Maya-maya ay dumating ang sasakyan ng mag-asawang Bustamante na wala naman pala talaga sa ospital. Hininto nila ang kanilang sasakyan sa malapit nang makita nila ang grupo ng mga naghahakot ng mga gamit nila papalabas ng bahay.

Sa kanilang pagtataka at pagkagulat ay agad nilang tinawagan si Simang na siyang kinagulat nito nang marinig ang kanilang mga boses. Nang malaman nila ang nangyari ay agad silang tumawag ng mga pulis.

Sa mabilis na pagresponde ng mga pulis ay nahuli si Tomas at ang mga kasamahan nito. Nasaksihan ito ni Simang sa kaniyang pag-uwi na hindi makapaniwala sa ginawa ng kaniyang nobyo. Namukhaan niya rin doon ang isa sa mga humablot ng kaniyang bag.

Dahil dito ay nabawi ng mag-asawang Bustamante ang mga nakuhang pera, alahas, at mga kagamitan nila. Napakulong nila sina Tomas at ang mga kasamahan nito habang si Simang, bagamat napatunayan na hindi siya sangkot sa panloloob at pagnanakaw ng kaniyang nobyo ay natanggal pa rin sa trabaho dahil sa pagpapasok niya ng ibang tao sa bahay ng kaniyang amo nang walang pahintulot na nagdulot ng malaking problema para sa mag-asawa.

Labis na pinagsisihan ni Simang ang kaniyang mga nagawa. Nagsilbing leksyon ito para sa kaniya na mas maging maingat at ‘wag basta basta magtitiwala sa mga taong kakikilala niya pa lamang lalo na’t nasa ibang lugar siya.

Advertisement