Inday TrendingInday Trending
Iniidolo ng Bagong Empleyado ang Kaniyang Bisor Hanggang sa Halos ay Mahigitan Niya na Ito; Biglang Mag-iiba ang Pakikitungo Nito sa Kaniya

Iniidolo ng Bagong Empleyado ang Kaniyang Bisor Hanggang sa Halos ay Mahigitan Niya na Ito; Biglang Mag-iiba ang Pakikitungo Nito sa Kaniya

Bilang bagong gradweyt at baguhang empleyado sa isang kumpaniya ay wala pang gaanong alam sa totoong buhay si Penelope. Dahil dito ay mas lalo niyang ninais na matuto lalo na sa una niyang trabaho.

Dito niya nakilala ang kaniyang bisor na si Ma’am Amelia na hinangaan niya nang makasalamuha niya ito sa trabaho. Nasaksihan niya kasi kung gaano ito kahusay sa mga ginagawa nito roon at sa maayos na pamamalakad nito sa kanila.

“Napakagaling talaga ni Ma’am Amelia. Kitang-kita kung gaano niya kaalam ang pasikot-sikot ng trabaho niya. Gusto ko rin maging kagaya niya balang araw,” pahayag ni Penelope sa kasamahan nila sa trabaho.

Mula noon ay tiningala na ito ni Penelope at ginawang inspirasyon para mas paghusayan pa niya ang kaniyang trabaho. Ninais niyang sundan ang mga yapak nito kaya naman parati na lang buo ang atensiyon niya sa tuwing nagsasalita at may tinuturo ito sa kanila. Lahat ng ipagawa nito ay agad niya ring sinusunod.

Dahil dito ay nakagiliwan din ni Ma’am Amelia si Penelope sa kaniyang determinasyon at kasipagan kaya naman mas tinutukan niya ang pagtuturo rito.

Hindi naman siya binigo ng dalaga sapagkat naging mahusay na empleyado ito sa kanilang departamento noong nagtagal. Napansin din ng ibang mga managers at ng mismong boss ang kakayahan ng dalaga kaya naman puro papuri ang natatanggap nito mula sa kanila.

“Good job, Penelope! Kahit isang taon ka pa lang dito sa kumpaniya eh nakikitaan na kita ng kahusayan at leadership skills sa trabaho. Ipagpatuloy mo ‘yan at malayo ang mararating mo rito sa kumpaniya natin,” papuri ng boss nilang si Mr. Salazar.

“Baka nga mahigitan mo pa agad ang bisor mong si Amelia sa kahusayan mo eh,” sambit naman ng isa sa mga manager.

“Naku! Maraming salamat po sa mga papuri pero wala po ako ngayon dito kung hindi dahil kay Ma’am Amelia. Siya po ang nagturo sa akin ng lahat ng alam ko rito sa kumpaniya kaya malaki po ang pasasalamat ko sa kaniya,” saad ni Penelope.

Noong nakarating kay Ma’am Amelia ang labis na papuri ng mga managers at ng mismong boss nila na si Mr. Salazar kay Penelope ay bigla siyang nangamba na masapawan nito sa kaniyang posisyon na matagal niyang nakamtam at inalagaan.

Dahil dito ay biglang nagbago ang pakikitungo ni Ma’am Amelia kay Penelope. Hindi niya na ‘to tinuturuan at tinutulungan sa trabaho gaya ng dati bagkus ay parati niya na itong kinagagalitan sa mga kaunting pagkakamali ng dalaga.

“Bakit ganiyan ang gawa mo? Akala ko ba magaling ka? Bakit hanggang ngayon eh hindi mo pa rin maayos ‘yan? Hindi ba’t ilang ulit ko nang tinuro ‘yan sa’yo?!” bulyaw ni Ma’am Amelia kay Penelope.

Bukod pa roon ay ginawa ni Ma’am Amelia ang lahat upang mas magustuhan siya ng kanilang mga managers at ni Mr. Salazar kahit na nagmumukha na siyang utusan na lamang ng mga ‘to. At noong naging malapit na siya sa mga ‘to ay siniraan niya na si Penelope sa kanila dahilan upang hamakan na rin siya ng mga ‘to at patuloy na mapahiya sa kanilang kumpaniya.

“Penelope, I think I judged you too early. Gaya ka rin pala ng iba, sa umpisa lang magaling,” saad ng isang manager na dating pumuri kay Penelope.

Sa nangyaring ito ay pinanghinaan ng loob si Penelope. ‘Di niya akalain na biglang magiging ganoon na lamang ang trato sa kaniya ng mga kasamahan niya sa trabaho, lalo na ni Ma’am Amelia na siyang iniidolo niya. Dahil dito ay hindi niya na makita ang halaga niya sa kumpaniya at nang mawalan na siya ng dahilan upang manatili pa roon ay naghanap siya ng bagong kumpaniya na malilipatan.

Sa kaniyang paghahanap ay patuloy pa rin siyang nagtrabaho kasama sina Ma’am Amelia. Tiniis na lamang niya ang masamang pagtrato sa kaniya roon at ginawa pa rin niya ang lahat ng makakaya niya upang paghusayan ang kaniyang trabaho.

‘Di nagtagal ay natanggap siya sa ibang kumpaniya na may parehas na posisyon kagaya ni Ma’am Amelia ngunit may mas mataas na sahod kaysa rito. ‘Di gaya ng dati niyang bisor na naging malapit man sa mga nakatataas ay ‘di naman tumaas ang posisyon at sahod nito. Bagkus ay tila ba naging personal na utusan pa nila ito na halos bente kwatro oras ay kailangang alerto ito para sundin ang anumang iutos ng mga managers at pamilya ni Mr. Salazar. Iyon na marahil ang karma ng ginang.

Advertisement