Nagkahiwalay ang Mag-Asawa Nang Dahil sa Ina ng Lalaki; Dahil Nga Rin Ba sa Kaniya Kaya Sila Magkakabalikan?
Ipinakasal ng mga magulang ni Faith ang kanilang anak sa kasintahan nitong si Rico nang malaman nilang nabuntis nito ang kanilang anak. Dahil dito ay pareho silang nahinto sa pag-aaral. Si Faith, upang malayo sa kahihiyan sa kanilang unibersidad, habang si Rico naman ay hindi na sinuportahan sa pag-aaral ng kaniyang ina sa sama ng loob nito dahil hindi siya sang-ayon sa maagang pagpapakasal ng kaniyang anak.
Matapos nito ay pinabukod sila ng kanilang mga magulang upang mas matuto silang mabuhay bilang mag-asawa na siya namang naging mahirap para sa kanilang dalawa na wala pang gaanong alam sa buhay.
Kahit na ganoon ay pilit na kinaya ng dalawa. Agad na naghanap ng trabaho si Rico upang matustusan ang kanilang pangangailangan habang si Faith naman ang tumutok sa mga kailangan nila sa bahay.
Nagawa nilang mairaos ang bawat araw sa kanilang pagtutulungan ngunit isang malaking dagok ang kanilang ikinaharap noong makunan si Faith.
Sa kanilang pagdadalamhati ay dinalaw sila ng ina ni Rico na si Mama Catalina upang kumustahin ang kalagayan ng kaniyang nag-iisang anak na lalaki.
“Faith, ano ba ‘to? Paano kayo nakakatira sa ganito kagulong bahay?!” bulyaw ni Mama Catalina.
“Pasensiya na po, Mama. Aayusin ko na lang po agad,” sambit ni Faith na masama ang pakiramdam.
“Kundi pa ako dadating, hindi ka pa maglilinis ng bahay,” singhal nito bago tingnan ang kaldero.
“Wala ka pa bang niluluto para sa gabihan ng anak ko? ‘Yung anak ko pagod na pagod ‘yun sa trabaho tapos ikaw na hihila-hilata lang eh hindi pa makapag-ayos at makapagluto para sa anak ko?” pangunguwestiyon pa ni Mama Catalina.
Dahil sa pangyayaring ito ay napagdesisyunan ni Mama Catalina na manatili sa kanilang bahay upang masigurong naaasikaso ni Faith ang kaniyang anak.
Sa kaniyang pananatili roon ay puro mga kamalian lamang ni Faith ang kaniyang nakikita kaya naman sa tuwing pumapasok sa trabaho si Rico ay madalas niya itong hinahamak at minamaltr*to. Parati niyang kinukumpara at niyayabang ang kaniyang sarili bilang maalaga sa asawa at masinop sa bahay. Madalas niya ring kinakausap si Rico nang sarilinan upang pintasan si Faith na noong umpisa ay pinagtatanggol pa ni Rico ngunit bandang huli ay unti-unti na ring pinaniwalaan.
Gayunpaman, pinili ni Faith na magpasensiya sa kaniyang biyenan. Nanahimik na lamang siya at sinunod ang mga kagustuhan nito.
Ngunit isang gabi, hindi niya na ito nakayanan. Sinubukan niyang ipagtanggol ang kaniyang sarili na minasama naman ni Mama Catalina.
“Aba’y sumasagot ka na ngayon sa akin?! Kung tutuusin, ikaw ang sumira ng kinabukasan ng anak ko. Kung hindi mo siya nilandi at kung hindi ka nagpabuntis, eh ‘di sana arkitekto na siya sa Maynila ngayon! Hindi ‘yung inuutos-utusan lang siya sa maliit na opisina para lang may maipakain siya sa batugan niyang asawa!” bulyaw ni Mama Catalina bago sugurin ng panghahampas at pananabunot ang kaniyang manugang.
Sa pagsubok na iwasan at depensahan ni Faith ang sarili ay natabig niya ang kaniyang biyenan na napaupo sa sahig. Sakto ang pagdating ni Rico na nasaksihan ito kaya naman agad na nagsumbong si Mama Catalina sa kaniya, “Anak! Buti nakauwi ka na! Nakita mo na ngayon kung ano ‘yung sinasabi ko sa’yo noon? Kung paano ako tratuhin ng asawa mo rito kapag wala ka?”
Nanlaki ang mga mata ni Rico sa pagkagulat na may halong galit sa nangyari sa kaniyang ina. Kinumpronta niya si Faith na nauwi sa pag-aaway hanggang sa napagdesisyunan nilang maghiwalay.
Makalipas ang limang taon ay marami nang nagbago sa buhay ni Rico. Muli siyang pinag-aral ni Mama Catalina matapos nilang maghiwalay ni Faith upang hindi niya na maalala pa ang dating asawa kaya naman isa na siyang arkitekto ngayon sa Maynila.
“Anak, kumusta ka na? Baka naman masyado kang nagpapaka-busy diyan sa mga project mo ah. Wala ka pa bang girlfriend? Para naman sana eh may nag-aalaga na sa’yo diyan,” wika ni Mama Catalina.
“Mama, alam mo namang ayaw ko na pag-usapan ‘yan,” sambit ni Rico.
“Bakit? Hanggang ngayon ba’y hindi mo pa rin nalilimutan si Faith?” tanong ng ina.
“Sige na po, kailangan ko nang magtrabaho,” ang sabi ni Rico bago babaan ang ina.
“Bakit nga ba kasi hindi ka pa mag-girlfriend? Anyway, baka ito magustuhan mo. Balita ko kasi chicks daw ‘yung head interior designer natin sa project ngayon eh. Sobrang ganda, halos lahat ng lalaki sa project, mga architects, engineers, workers, as in lahat talaga nagkakagusto sa kaniya. Kaya lang, ni-isa wala siyang pinatulan eh. Well, actually, ‘yun ‘yung challenge dun ‘di ba?” saad ng katrabaho ni Rico.
Maya maya ay may natanaw silang papalapit na magandang babae. Pagkadating nito sa kanilang harapan ay agad itong nagpakilala sa kanila, “Hi! I’m Faith Dela Rosa, the head interior designer of this project. I hope I’m not yet late for the meeting.”
Nagulat at napatunganga si Rico nang mamukhaan ang babae, “F-Faith?”
“Y-yes. And you are?” natanong nito sa pagkagulat.
Nagtaka si Rico sa inasal na iyon ni Faith na para bang hindi sila dating mag-asawa ngunit sinakyan niya na lamang ang nais nito, “Architect Rico Mendez.”
“Nice meeting you, architect. Shall we start the meeting?” ang sabi na lang ni Faith.
Matapos ang kanilang meeting ay agad na humanap ng tiyempo si Rico upang makausap nang sarilinan si Faith. Dito ay napagkasunduan nilang ilihim sa lahat ang dati nilang relasyon upang mapanatili nila ang pagiging propesyonal sa isa’t-isa.
Pinilit nilang iwasan ang isa’t-isa. Ngunit dahil sa kanilang trabaho ay kailangan nilang madalas na magkita at magkasama. Nang dahil dito ay unti-unting nagkalapit muli ang loob nila.
Mas umigting ang nararamdamang pagmamahal at pangungulila ni Rico sa dating asawa nang pagselosan niya ang mga engineers na pumoporma kay Faith. ‘Di niya naiwasang ipakita ito kay Faith at ipahayag ang kaniyang totoong nararamdaman.
“Paano mo nagagawang makipagngitian sa mga lalaking ‘yun sa harap ko?!” tanong ni Rico.
“Bakit ba? Wala naman akong ginagawang masama!” pagtataka ni Faith.
“Nasasaktan ako na hindi na ako ang nakakapagpangiti sa’yo nang ganoon ngayon. Nasasaktan ako kasi mahal pa rin kita. Mula noon hanggang ngayon, wala akong ibang minahal na iba kundi ikaw lang!” pag-amin ni Rico.
“Talaga ba? Eh bakit hindi mo man lang muna inalam ‘yung buong nangyari sa amin noon ng Mama mo? Bakit hindi mo man lang pinakinggan ‘yung mga paliwanag ko sa nangyari noon? Kung talagang mahal mo ko, bakit hinayaan mong mawala ako sa’yo?” pangunguwestiyon ni Faith.
Naputol ang kanilang pag-uusap nang may biglang kumatok sa kanilang opisina at nagpapasok sa ina ni Rico na siya nilang ikinagulat.
“Anong ginagawa mo rito?! Nandito ka na naman ba para sirain ang buhay ng anak ko ngayong maayos na uli ang buhay niya? Umalis ka dito!” ang sabi ni Mama Catalina habang pinagtutulakan si Faith na lumabas ng pintuan.
Sinubukan ni Rico na pigilan ang kaniyang ina ngunit minabuti na lamang din ni Faith na iwan silang dalawa. Kaya naman nang makalabas na siya ay agad na kinausap ni Rico ang kaniyang ina. Pinaliwanag niya ang posisyon ni Faith sa kanilang proyekto at ang kasunduan nila na hindi ipaalam sa mga katrabaho ang kanilang nakaraan.
Hindi makapaniwala si Mama Catalina na ang dati niyang manugang na minamaliit niya lamang noon ay may magandang posisyon na ngayon sa industriya. Ngunit kahit na ganoon ay nagbabala siya sa kaniyang anak na layuan ang dating asawa.
Makalipas ang isang linggo ay muling pumunta si Mama Catalina sa construction site ng proyekto nina Rico. Sa paghahanap niya sa kaniyang anak ay nadisgrasya siya roon nang magkaroon ng problema sa isang parte ng gusali.
Agad siyang isinugod sa ospital.
Pagmulat ng kaniyang mga mata ay agad niyang hinanap si Rico ngunit wala ito roon. Ang tanging nakita niya lamang sa kaniyang tabi ay si Faith.
“Nasaan ang anak ko? Bakit ikaw ang nandito? Inaalam mo ba kung mabubuhay pa ba ako o mawawala na sa mundong ito? Umalis ka rito!” singhal ni Mama Catalina.
Sa pagwawalang iyon ng ginang ay lumabas na lamang si Faith ng silid. Kasabay nito ay may pumasok na nars at ipinaliwanag nito na si Faith ang kasama niya sa ambulansiya patungo sa ospital. Sinabi rin nito na binigyan din siya ng dugo nito nang kinailangan niyang masalinan dahil marami ang dugong nawala sa kaniya.
Hindi makapaniwala si Mama Catalina na ginawa iyon ni Faith para sa kaniya. Napaisip siya hanggang sa muli siyang nakatulog sa sobrang pagod sa nangyari sa kaniya.
Noong nakita ito ni Faith ay muli siyang pumasok ng silid upang bantayan ang dating biyenan habang wala pa si Rico.
Sa kaniyang pagbabantay ay nakatulog na rin siya at sa kalaliman ng gabi ay si Mama Catalina naman ang nagising at nakita siya sa tabi.
Sa pagkakataong ito ay hindi na siya nagwala pa bagkus ay puno siya ng pagtataka kung bakit patuloy pa rin siyang inaasikaso ng dati niyang manugang na hindi naman niya tinrato nang maayos kailanman.
Kinabukasan, nang makarating na sa ospital si Rico ay agad na kinausap ni Mama Catalina ang dalawa. Nagpasalamat siya sa mga mabubuting ginawa sa kaniya ni Faith. Humingi rin siya ng kapatawaran rito sa naging masamang pagtrato niya rito mula noong sila ay nagkakilala pa lamang. Inamin niya sa kaniyang anak ang totoong nangyari sa kanilang nakaraan at humingi siya ng kapatawaran sa pagkasira nilang mag-asawa nang dahil sa kaniya. Pinakiusapan niya si Faith na balikan ang kaniyang anak na hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin siya.
Nang dahil doon ay nagkaayos silang tatlo. ‘Di nagtagal ay muling nagkabalikan sina Rico at Faith dahil sa matindi pa rin nilang pagmamahalan para sa isa’t-isa. Sa pagkakataong ito ay naging maayos na ang trato ni Mama Catalina kay Faith. Minahal niya na rin ito at itinuring bilang sarili niyang anak.