Ibinebenta sa Napakamurang Halaga ang Kilalang Tatak ng Face Masks na Ito; Natuklasan ng Babae ang Dahilan Kung Bakit
Sa dami ng nangangailangan ng face masks sa lugar ni Lizelle ay bigla itong nagkaubusan kaya naman minabuti niya nang humanap online nang mapagbibilhan nito.
Sa kaniyang pagtitingin-tingin ay nakita niya ang brand ng face mask na parati niyang ginagamit na mas mura ang halaga kaya naman agad niyang pinuntahan ang mismong page nito. Laking gulat niya nang makitang panay mabababa ang rating nito at hindi rin kagandahan ang mga reviews ng mga produkto nito.
Nang dahil dito ay nagkaroon siya ng pag-aalinlangan na umorder dito. Ngunit dahil kailangan niya nang makabili ng face masks ay pinagkatiwalaan niya na lamang ang brand na ito na parati niyang ginagamit.
“Kilala at subok ko na rin naman ang brand ng face masks na ‘to. Siguro naman ay hindi ako magkakaproblema rito. Marahil ‘yung mga nagbigay ng mabababa at pangit na reviews ay mga simpleng reklamo lang na napalaki ng buyer,” ang sabi ni Lizelle sa kaniyang sarili bago umorder at nagbayad ng kaniyang binili.
Makalipas ang dalawang araw ay dumating na ang mga inorder na face masks ni Lizelle. Natuwa siya sa mabilis na pagkakadeliver nito sa kaniya ngunit pagbukas niya ng kahon ay bigla siyang napasimangot.
Bumulaga sa kaniya ang isa sa mga supot nito na may butas. Nung nakita niya ang laman nito ay napuna niyang manipis ito kumpara sa brand ng mask na iyon na nabibili niya sa kanilang lugar. At nang inusisa niya ito ay napansin niyang pigtas na ang mga tali nito para sa tainga.
Dahil dito ay nangamba siya sa iba pang mga supot na inorder niya kaya agad niya rin itong tiningnan. Nanlumo siya nung makita na kagaya ito ng unang supot na mayroong mababang kalidad.
Sa pagkabahala ni Lizelle ay muli niyang tinignan ang page ng seller na ito at mas tinutukan ang mga review nito. Nung isa-isahin niya ito ay nakita niyang pare-parehas sila ng mga reklamo gaya niya patungkol sa mababang kalidad nito. Kaya naman hindi na nag atubili si Lizelle na magreklamo sa opisyal na website ng brand ng face mask na ito.
Nang replyan siya nito ay nabunyag na peke umano ang nabili niyang mga face masks at hindi umano konektado sa kanilang kumpaniya ang page ng seller na pinagbilhan niya. Nagpasalamat din ito sa kaniya sapagkat nalaman nilang may namemeke ng kanilang mga produkto at tiniyak nila gagawa sila ng legal na hakbang upang hindi na muling makapanloko ang seller na ito.
Sa tulong ni Lizelle at ng iba pang mga nabiktimang buyers bilang makakapagpatunay ng pamemeke ng seller na ito ay nagsampa ng reklamo ang kumpaniya laban sa seller na ito na nagngangalang Marco.
Nagpain sila ng operasyon para kay Marco noong may isang nagpanggap na buyer na bibili ng bultuhan sa mismo nilang pabrika. Doon ay nahuli nila sa akto ang seller at kinumpiska ang mga makinarya na gamit nito sa pamemeke ng face masks at ng iba pang mga produkto.
“Ano ‘to? Bakit niyo ba ito ginagawa sa amin? Naghahanapbuhay lang naman kami. Bakit niyo ba kami pinipigilang magnegosyo? Ang lagay ba eh kayo na lang ang puwedeng magnegosyo at yumaman?” pangenguwestiyon ni Marco habang pinoposasan ng mga pulis.
“Wala naman hong pumipigil na mag negosyo kayo eh. Ayos lang naman na magnegosyo kayo. Basta ‘yung legal, ‘yung kumpleto sa papeles, ‘yung sarili niyong produkto. Hindi ‘yung namemeke pa kayo!” saad ng isa sa mga pulis.
“Sa totoo lang, since may mga makinarya na kayong ginagamit sa paggawa ng mga masks at iba’t-ibang mga produkto eh sana gumawa na lang kayo ng sarili niyo na may magandang kalidad. Kung ginawa niyo siguro ‘yun eh baka mas kumita pa kayo at mas lumago pa ‘yung negosyo niyo,” sambit ng isa pang pulis.
Hindi nakapagsalita si Marco sa mga sinabi sa kaniya ng mga pulis. Napaisip siya at napagtanto niya na may punto ang mga ito. Bigla siyang nagsisi sa kaniyang ginawa. Kung ginawa niya lang sana ang tama at ang legal na pagnenegosyo ay baka mas umasenso pa siya at hindi hahantong sa ganito ang kaniyang buhay.
Sa ngayon ay wala nang magagawa pa si Marco kundi pagbayaran ang kaniyang kasalanan sa kulangan. Habang si Lizelle naman ay natutong maging mapanuri sa mga binibili niya online at mag-ingat sa mga sellers na maaring nanloloko lamang upang makapanlamang sa kapwa.