Inday TrendingInday Trending
Sanay sa Mabulaklak na Pakikipag-usap ang Tiyuhin Kanino Man Ito Makipag-usap; Nagkasira Sila ng Pamangkin na Direkta at Makatotohanan Kung Magsalita

Sanay sa Mabulaklak na Pakikipag-usap ang Tiyuhin Kanino Man Ito Makipag-usap; Nagkasira Sila ng Pamangkin na Direkta at Makatotohanan Kung Magsalita

Napagdesisyunan ng mag-aamang sina Aldo, Celeste, at Maya na magpatayo ng restawran upang mapalago ang retirement bonus na natanggap ng kanilang ama. Sa kanilang pagpaplano ay kumokonsulta ang amang si Aldo sa kaniyang kapatid na si Pancho sapagkat mas may alam ito sa pagpapatakbo ng mga negosyo.

Hindi naman ito naging problema para kay Pancho. Bukal sa loob niya at masaya naman niyang ibinabahagi ang mga kaalaman niya sa kaniyang kapatid. Kung tutuusin ay napakarami niyang mga suhestiyon na sinabi rito ngunit hindi ito masang-ayunan ng mag-aama. Karamihan kasi sa mga ito ay para sa pangmalakihang mga negosyo na hindi tumutugma sa balak nilang ipatayong simple at maliit na restawran lamang muna.

Dahil masyado nang sangkot si Pancho sa ipapatayo nilang negosyo na halos maya’t-maya itong nakikipag-usap sa kanila tungkol dito ay hindi na makatanggi si Aldo sa mga sinasabi ng kaniyang kapatid. Hindi niya maamin dito na hindi talaga siya sang-ayon sa karamihan ng mga suhestiyon nito.

“Aldo, ang gawin mo dito sa restawran mo, doon sa likod, gawin mong maliliit na function rooms. Para kung may mga gustong mag meeting, make-cater mo ‘yung mga small businessman. Tapos dito sa labas, ‘yung common dining area mo at kitchen area. Bale, gagawin mong open kitchen style ‘yung restaurant mo para sure hit! ‘Yan ‘yung gusto ng mga tao ngayon eh. ‘Yong nakikita kung paano hinahanda ‘yung pagkain na iseserve sa kanila,” mungkahi ni Pancho sa kaniyang kapatid.

“Mukhang maganda nga ‘yun, Kuya,” pagsang-ayon ni Aldo.

“Oo! Maganda talaga ‘yun! Pero siyempre kapag ganoon, dapat mahuhusay ‘yung mga chef na kukunin mo. At ang mga pagkain na iseserve niyo eh ‘yung mga magagandang klase. Hindi pupwede ‘yung mga cheap na pagkain,” saad pa ni Pancho.

“Naku! Kuya! Maraming salamat sa mga tinutulong mo sa amin dito,” ang sabi na lang ni Aldo na hindi makatanggi sa kaniyang kapatid.

Nang mabalitaan ito ni Celeste na panganay na anak ni Aldo ay agad niyang kinausap ang kaniyang ama. Ayon dito ay tuloy pa rin ang orihinal na plano nila ng simple at maliit na restawran lamang ang ipapatayo. Hindi lang umano ito makatanggi sa kaniyang kapatid kaya sinang-ayunan niya na lang uli ito.

“Eh bakit hindi niyo pa po kasi sinabi nang diretsahan kay Tiyo Pancho na hindi talaga ‘yun ang gusto niyo? Paano po kapag pumunta siya dito tapos makita niya na iba ‘yung pinapagawa niyo sa napag-usapan niyong dalawa?” tanong ni Celeste sa kaniyang ama.

Hindi na nakasagot pa si Aldo sa tanong ng kaniyang anak sapagkat biglang nag-ring ang selpon ni Celeste.

Tinawagan siya ng kaniyang Tiyo Pancho upang ipaalam sa kaniya ang napag-usapang plano nila ng kaniyang ama. Ngunit, kabaligtaran sa ginawa ng kaniyang ama na sumang-ayon lamang dito pero hindi ito balak sundin ay naglakas-loob si Celeste na sabihin ang katotohanan sa kaniyang tiyuhin lalo na’t naawa na ito sa malaking oras na ginugugol nito upang makatulong sa kanilang negosyo na hindi naman sinusunod ng kaniyang ama.

“Tito, hindi po kasi ‘yun ‘yung napag-usapan namin ni Papa ngayon. Bale, ordinaryong restaurant lang po muna kasi talaga ang balak namin. ‘Yung simple lang po. Hindi po ‘yung may function rooms at open kitchen…” ang sabi ni Celeste.

Hindi pa natatapos ni Celeste ang pagpapaliwanag niya nang maayos sa kaniyang Tiyuhin ay bigla siyang pinutol sa pagsasalita nito at nag-iba ang tono ng pananalita nito, “So? Ano ba talaga? Nasasayang lang pala ‘yung oras na binibigay ko diyan. Nung kausap ko ang Papa mo, sabi niya ayos naman.”

“Sige, ganito na lang, let’s not waste each other’s time. ‘Yung akin naman ay mga suggestions lang. Kung ayaw mo, okay lang. It’s up to you. Bahala na kayo,” pahayag ni Pancho kay Celeste bago babaan ito ng telepono.

Mula noon ay iniiwas na ni Aldo si Celeste sa kaniyang kuya upang hindi na mas uminit pa ang pakikipag-usap nila sa isa’t-isa.

Nagbago na rin ang pakikitungo ni Pancho kay Celeste. Hindi niya na ito kinakausap sa sama ng loob niya rito sapagkat inisip niya na ang pamangkin niya lamang ang kontra sa mga suhestiyon niya at sumayang sa kaniyang oras.

Kaya naman tanging si Maya na bunsong anak ni Aldo na lamang ang kinakausap at mas pinapaboran ni Pancho ngayon. Sa tuwing may kailangan siyang ipagawa at ipaasikaso para sa sarili niyang mga negosyo ay tanging sa kaniya na lamang siya humihingi ng tulong.

Isang araw, nang may hindi nagawa si Maya sa mga pinapaasikaso sa kaniya ng kaniyang Tiyo Pancho ay agad siyang tinawagan nito at inalam ang nangyari.

“Pasensiya na po, Tiyo Pancho. Hindi ko pa po kasi nakokontak si Ate para sa mga pinapagawa niyo. Baka po busy pa po siya sa trabaho niya,” paliwanag ni Maya.

“Ha? Bakit kailangan mo pa ang ate mo? Hindi ba’t dati mo naman nang ginagawa ang mga ‘yan?” pagtataka ni Pancho.

“Naku! Hindi po! Wala po akong alam dito. Ever since po eh si ate po talaga ang nag-aasikaso ng lahat ng mga pinapagawa niyo. Ako lang po ‘yung pinapakausap ni Papa sa inyo dahil po roon sa nangyaring pag-uusap niyo ni ate noon. Pero, sana po maisip niyo na wala naman po talagang masamang intensiyon si ate. Ayaw niya nga pong masayang ang oras niyo noon kaya nga po sinabi niya sa inyo ‘yung katotohanan na hindi masabi-sabi ni Papa sa inyo noon,” pagbubunyag ni Maya.

Ikinagulat ni Pancho ang sinabing ito ni Maya kaya naman agad niyang kinausap si Aldo tungkol dito. Nakumpirma nga na walang kasalanan sa kaniya si Celeste at hindi dapat sumama ang loob niya nang sabihin nito ang katotohanan sa kaniya noon.

Dahil dito ay agad na kinausap ni Pancho nang personal si Celeste at humingi ng paumanhin sa maling inasal niya noong huli silang nag-usap sa telepono. Malaki rin ang pasasalamat niya dahil kahit na naging masama ang pagtrato niya rito ay tahimik pa rin siyang tinulungan nito sa mga kailangan niya sa kaniyang mga negosyo.

Nang matapos ang pag-uusap nila ay muling nagkaayos ang samahan nilang mag-tiyuhin at patuloy silang nagtulungan upang palaguin ang kanilang mga negosyo.

Advertisement