Binalewala ng Lalaking Ito ang Pangaral ng Kaniyang Asawa; Pagsisisihan Niya ang Mangyayari sa Kanilang Anak
Pagkauwi ni Gael sa kanilang tahanan ay agad niyang niyakap at hinalikan sa pisngi ang kaniyang anak na si Gia. Noong nakita ito ng kaniyang asawa ay agad siyang sinita nito.
“Honey naman eh! Hindi ba’t ang sabi ko sa’yo eh maligo ka muna bago lumapit sa anak natin kapag galing ka sa labas? At saka teka lang, bakit parang amoy alak ka?” tanong ni Megan.
“Uminom lang kami ng kaunti ni Pareng Dennis sa kanila,” tugon ni Gael.
“Ano?! Hindi ba’t nilalagnat siya?! Honey naman! Baka madali tayo ng virus niyan,” sambit ni Megan.
“Virus agad? Hindi ba puwedeng ordinaryong sakit lang? Pagkainom niya nga ng gamot, nawala agad eh,” depensa ni Gael.
“Kahit na. Hindi natin masabi ‘yun eh. Mabuti pa rin ‘yung nag-iingat tayo para sa anak natin na hindi pa puwedeng bakunahan,” paalala ni Megan.
Napilitan na lamang si Gael na sumang-ayon sa sinabing iyon ng kaniyang asawa upang hindi na humaba ang kanilang usapan. Sinunod niya na lamang ito na maligo na muna sa gabing iyon.
Ilang araw ang nakalipas at narinig ni Megan ang ilang ulit na pagbahing ni Gael. Humingi rin ito sa kaniya ng tisyu at gamot kaya nakumpirma niyang may sipon ito.
“Wala lang ‘to, alam mo naman ang panahon ngayon,” agad na depensa ni Gael sa asawang masama ang tingin sa kaniya bago umalis ng bahay.
Sa paniniwalang iyon ay naging kampante pa rin si Gael. Gaya ng kaniyang nakagawian ay agad pa rin siyang sumasalubong sa kaniyang anak ng yakap at halik sa pisngi nito sa tuwing siya ay uuwi ng bahay.
Natigil lamang ito nang pinauwi siya mula sa trabaho at hindi pinapasok nang dahil sa kaniyang ubo. Maaari lang umano siyang makabalik uli sa trabaho kapag gumaling na siya at nakapagpakita ng negatibong resulta sa test.
Nang dahil dito ay agad na humiwalay ng kuwarto sa kaniya si Megan at pinagbawalan siyang lumabas ng kanilang kuwarto hangga’t hindi pa lumalabas ang kaniyang resulta.
“Praning ka na naman! Kaunting ubo lang ‘to eh. Wala lang ‘to,” wika ni Gael.
“Kaya ka nga hindi pinapapasok sa trabaho dahil isa ‘yan sa mga sintomas ng virus eh. At saka hindi ako praning, marunong lang akong mag-ingat, dahil kawawa ang anak natin kapag parehas tayong nagkasakit,” paliwanag ni Megan.
Kinabukasan ay biglang sinipon ang kanilang anak na tumuloy sa ubo at pagkakaroon ng lagnat. Kasabay nito ay ang paglabas ng resulta ng test ni Gael na nagsasabing siya ay positibo sa kumakalat na sakit na ikinabahala ni Megan. Dahil dito ay agad na ipinaalam ng ginang ang kondisyon ni Gia sa doktor nito at niresetahan ng mga gamot.
Ngunit sa tatlong araw na gamutan sa bahay ay hindi pa rin bumubuti ang kalagayan ni Gia lalo na’t nawalan pa ito ng ganang kumain, kaya naman napilitan na si Megan na dalhin sa ospital ang kanilang anak.
Hindi ito naging madali sapagkat punuan na ang mga ospital at hindi na makatanggap ng mga bagong pasyente. Ngunit sa kaniyang pagpupursigi ay natanggap sila sa ospital sa isang malayong lungsod.
Doon ay isinailalim sa iba’t-ibang mga test si Gia at napag-alaman na malala ang kundisyon niya nang dahil sa pagiging positibo niya sa virus gaya ng kaniyang ama. Ngunit hindi gaya ng sa kaniyang ama na maaari lamang magpagaling sa bahay, siya ay kailangang manatili sa ospital upang magamot ang matindi niyang pneumonia.
Nang mabalitaan ito ni Gael ay labis siyang nagsisi sa kaniyang kapabayaan. Kung inisip lang sana niya ang kaligtasan ng kaniyang anak na hindi pa nababakunahan at kung sinunod lang sana niya ang mga sinabi ni Megan ay hindi sila aabot sa ganitong sitwasyon. Nagsilbing leksyon ito para sa kaniya na ayaw niya nang maranasan pa uli, lalo na ng kaniyang mag-ina.
Sa kabutihang palad, makalipas ang isang buwan ay naging maayos ang kalusugan ni Gia sa ospital hanggang sa nakauwi na sila sa bahay. Malaki man ang ginastos ng mag-asawa sa ospital at kahit na nagkabaon-baon sila sa utang ay hindi nila ito ininda mailigtas lang ang kanilang anak.
Mula noon ay naging mas maingat na si Gael lalo na tuwing siya ay nasa labas upang hindi siya makapag-uwi ng sakit sa kanilang tahanan. Sa tuwing siya ay uuwi sa kanilang bahay, iniiwasan niya na muna ang kaniyang mag-ina. Siya ay agad na dumidiretso sa kanilang banyo upang maligo at makapaglinis ng mga gamit niya na galing sa labas. Prayoridad na niya ngayon ang kaligtasan at mabuting kalusugan ng kaniyang pamilya.