Inday TrendingInday Trending
Biyaheng Alas Tres ng Madaling Araw

Biyaheng Alas Tres ng Madaling Araw

*Beeeeeeep*

Tunog ng cellphone ni Paulo na siyang hudyat na may nagpa-book sa kaniya. Grab driver ang binata, at para pandagdag sa kaniyang pang araw-araw na panggastos ay pinasok nito ang pagiging driver.

Ang aga naman magpa-book nito pakiwari ni Paulo na napatingin sa orasan – alas tres na ng madaling araw at ang ingay lamang ng mga sasakyan ang maririnig sa kanilang lugar. Bagamat nakakaramdam ng kaunting antok ay hindi nito kinansela ang booking. Naghilamos ang binata, nag-ayos ng sarili at saka na pinuntahan ang address ng kaniyang magiging pasahero.

Huminto sa harap ng isang mataas na gusali ang lalaki at saka tinawagan ang pasahero.

“Good morning po, nandito na po ako sa baba ng building…” sambit niya at saka sumagot ang boses ng isang babae.

“Kuya sandali lang po, bababa na po kami…” tugon nito.

Makalipas ang ilang sandali ay may paparating na dalawang tao sa kaniyang gawi – isang babaeng sa tantya niya ay nasa 30 pataas ang edad, at isang senior citizen na sa wari niya’y nasa 70 pataas ang gulang. Nang masiguro ni Paulo na ito ang kaniyang mga pasahero ay agad siyang bumaba mula sa kaniyang sasakyan at tinulungan ang mga itong magbitbit ng mga bag. Nang maisakay na niya ang mga bag sa compartment ng kotse ay saka na ito agarang sumakay. Didiretso na sana sa pagmamaneho ang binata nang mapansin niyang ang nakasakay lamang sa likurang upuan ay ang matanda.

“Salamat sa pagtulong sa pagbibitbit ng mga gamit ko, hijo,” may panginginig sa boses ng matanda ngunit halata ang kagalakan nito sa ginawa ng binata.

“Wala hong anuman, lola. Eh, palagi ho kasing pinapaalala sa akin ni mama na ituring ko ang mga pasahero ko na parang nanay ko rin,” nakangiting tugon nito. “Ah, pero lola matanong ko lang ho. Nasaan na ho ‘yung kasama ninyo kanina?” dagdag niyang may halong pagtataka.

“Ah ‘yon bang si Klaire? Kapitbahay ko ‘yon d’yan sa apartment, tinulungan niya lang ako na magtawag ng taxi. Akalain mo ‘yon, pwede na pala sa cellphone ninyo ang tumawag ng drayber,” kitang kita ang pagkabilib ng matanda sa kaniyang nalamang bagong teknolohiya. “Humayo na tayo, ako lang naman ang dapat mong isakay,” dagdag pa nito at saka na pinaandar ni Paulo ang makina ng kotse.

“Saan ho ba tayo, ‘nay?” tanong nito sa matandang babae.

“Maaari bang dumaan tayo sa main road?” sambit nito na siyang ipinagtaka ni Paulo.

“Naku, ‘nay eh trapik ho sa main road eh. Baka ho mahuli kayo sa pupuntahan ninyo,” may halong pag aalala ang boses ng binata.

“Huwag mong alalahanin ‘yon hijo, hindi naman ako nagmamadali,” tugon ng matanda at saka na dumiretso sa main road si Paulo. “Papunta kasi ako sa hospicio,” tila nag iba ang tono ng pananalita nito.

Napatingin si Paulo sa rear view mirror – tila naluluha ang matanda.

“Wala na akong natitirang pamilya…” panimulang pagkukwento nito. “Sabi ng doctor, hindi na rin daw ako magtatagal. Yumao na ang aking asawa, at hindi naman kami nabiyayaan ng supling. Wala akong mga kapatid dahil nag-iisa lamang akong anak ng aking mga magulang…”

Sa mga sumunod na oras ay nagpatuloy lamang sa pagmamaneho si Paulo. May mga pagkakataong itinuturo ng matandang babae ang mga lugar na parte ng kaniyang buhay – sa isang lumang gusali kung saan naging sekretarya siya ng may-ari ng isang lumang kumpanya, sa isang abandonadong lote na dati raw ay isang napakataas na gusaling paupahan kung saan sila tumira ng kaniyang yumaong asawa no’ng sila’y bagong kasal. Kung minsan ay ipahihinto ng matanda ang sasakyan sa harap ng isang gusali o abandonadong lugar at saka tititigan ito at mananatiling tahimik.

Nang pasikat na ang araw ay tila napabuntong hininga ang matanda. “Nakakapagod din palang pumasyal,” ‘ika niya at saka marahang tinapik ang braso ng binata.

“Halika na hijo, ihatid mo na ako sa aking destinasyon,” iniabot nito ang isang kapirasong papel at saka ito sinimulang tuntunin ni Paulo.

Nang makarating sa address ay ineksamin ng binata ang lugar – mababa ang gusali na parang isang tipikal na tahanan. Dalawang lalaking nars ang agad na lumapit sa kotse ni Paulo nang lumabas ito para pagbuksan ng pinto ang matanda – batid ng binata na inaasahan na nila ang pagdating nito. Nang makababa na mula sa kotse ang matandang babae ay agad na ibinaba ng binata ang mga gamit nito mula sa compartment ng sasakyan. Nang matapos siyang buhatin ito papunta sa may gate ay nakaupo na sa wheelchair ang matandang babae.

“Hijo, magkano?” tanong ng matanda habang binubuksan ang kaniyang pitaka.

“Huwag na ho, ‘nay,” tugon nito kasabay ng pagsenyas ng kaniyang kamay.

“Pero, naghahanapbuhay ka. Kailangan mo ito,” sambit ng matanda habang ibinibigay ang limang daang piso.

“Marami hong ibang pasahero d’yan,” tugon ni Paulo habang marahang itinutulak ang kamay ng matanda hudyat ng pagtanggi nito sa iniaabot na bayad. Napasinghap ng hangin ang binata at saka walang pag aatubiling niyakap nang mahigpit ang matanda.

“Maraming salamat, hijo. Napasaya mo ako sa maikling oras na ika’y aking kasama,” lalong humigpit ang yakap ng matanda at naramdaman ng binata na panandaliang naluha ito.

Nang matapos ang kanilang pagpapaalam sa isa’t isa ay dinala na ang matanda sa loob ng hospicio. Matapos ang pangyayaring iyon ay buong araw na hindi kumuha ng pasahero si Paulo. Emosyonal itong nagmaneho papunta sa bahay ng kaniyang ina. Nang makarating ay agad na niyakap ng binata ang kaniyang ina nang napakahigpit.

Sa panandaliang karanasang iyon kasama ang matandang babae ay napagtanto ni Paulo na dapat lalo niyang pahalagahan at mahalin ang kaniyang ina. Batid niyang hindi niya na mayayakap ulit ang ina kung mawala na ito.

Images courtesy of www.google.com

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement