Kabutihan ng Kalooban
Isa itong maulang araw at mahuhuli na sa trabaho si Jessica, naglalakad pa ito papuntang opisina. Sa kaniyang paglalakad ay nakakita siya ng isang matandang pulubi – gusgusin ito, gula-gulanit ang damit, at mahaba na ang buhok. Lahat ng kasabay ng babae na maglakad ay iniiwasan ang pulubi dahilan sa ayos nito. Taliwas sa mga reaksiyon ng ibang naglalakad sa bangketang dinaraanan ni Jessica ay tumigil ito at nilapitan ang matandang pulubi.
Isinilong ni Jessica sa kaniyang payong ang matanda na noo’y basang basa sa ulan at saka marahan nitong tinapik ang balikat ng pulubi.
“Ayos lang ho ba kayo?” tanong ng babae at saka hinubad ang suot nitong jacket. Ibinigay niya ito sa matanda at saka niya ito tinulungang tumayo mula sa malamig na kinauupuan nito.
Tiningnan ng matandang pulubi si Jessica na tila ineekasmin ang itsura nito – maputi ang balat, maayos ang damit, at hindi maipagkakailang may isang marangyang pamumuhay.
“Bitiwan mo ako’t umalis ka na!” pagtataboy nito sa babae sa pag-aakalang katulad lamang ito ng ibang mga taong nang aalipusta sa tulad niyang busabos.
Hindi sinunod ni Jessica ang sinabi ng matanda, sa halip ay ngumiti ito at saka magalang na itinanong sa pulubi kung nagugutom ito.
“Hindi. Kagagaling ko lang sa almusal kasama si mayor,” sarkastikong tugon nito sa babae ngunit hindi nito natanggal ang ngiti sa kaniyang mga labi. Hinawakan ni Jessica ang braso ng matanda at sinubukang akayin ito.
“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo ha?” pagalit na tanong ng matanda habang hinihigit ang kaniyang braso.
“Ma’am, may problema ho ba?” sambit ng isang pulis na papalapit sa direksiyon ni Jessica at ng pulubi.
“Wala ho, kuya. Tinutulungan ko lang ho si tatay. Pwede ho ba tulungan ninyo ako?” tugon ng babae na siyang ikinagulat ng pulis.
“Ah ma’am, Ambo ho ang pangalan ng lalaking ito. Ano ho bang pakay ninyo sa kanya?” nagtatakang tanong nito.
“Eh dadalhin ko lang ho sana d’yan sa malapit na restawran para kumain, saka umuulan ho eh. Basang-basa na ho siya rito,” magalang na tugon ni Jessica habang inaakay nila ng pulis papalapit sa restawran ang matanda.
“Nahihibang ka na ba ha?” pasigaw na sambit ng matanda habang papasok na sana sila ng naturang restawran. “Hindi ako papasok diyan! Boss, pakawalan niyo na ho ako, wala naman ho akong ginawang masama,” dagdag pa nito at saka tila nagpupumiglas mula sa pagkakahawak ng pulis.
“Alam mo Ambo, minsan ka lang makakakain nang masarap eh sunggaban mo na,” pabirong tugon ng pulis sa pulubi.
Matapos ang mahaba-habang pakiusapan ay pumayag na ring sumama ang pulubi sa loob ng restawran.
Nang makapasok sila’t makapuwesto sa isa sa mga lamesa ay biglaang lumapit ang manager. “May problema ho ba, boss?” tanong nito. “Ginugulo ho ba kayo ng lalaking ito?” dagdag pa nito habang dinuduro-duro ang pulubi.
“Wala naman…” tugon ng pulis. “Tinulungan ko lang si ma’am na dalhin si Ambo rito para kumain,” dagdag pa nito habang itinuturo si Jessica.
“Naku! Sa iba na lang kayo kumain, malas sa negosyo ‘yang lalaking ‘yan!” pagalit na sambit nito habang nandidiring nakatingin sa matandang pulubi.
“Ngayon naiintindihan mo na kung bakit ayokong pumasok rito?!” sambit ng matanda habang nakatingin kay Jessica. “Hindi ko naman talaga kagustuhang mapunta rito,” dagdag pa nito.
Bumuntong hininga si Jessica at saka magalang na humarap sa manager ng restawran. “Mawalang galang na ho sir, eh sa pagkakaalam ko ay alam ninyo ang korporasyon na nakatayo sa kanto ng kalye na ito?”
“Aba siyempre alam ko,” pabalang na pagsagot ng manager. “Dito sila nagpapa-reserve ng dining hall kapag nagmi-meeting sila minsan sa isang linggo,” buong pagmamalaki nito kay Jessica.
“Eh siguro ho malaki ang kinikita ninyo kapag nagmi-meeting sila rito?” pag-uusig ni Jessica sa manager ng restawran.
“Eh ano namang pakialam mo roon, ha?” pagtataas nito ng boses at saka humalukipkip.
“Dahil ako ho ang presidente ng kumpanyang iyon,” walang halong pagmamataas na sambit ni Jessica habang inaabot ang calling card sa manager. Napahiyang tinanggap ng manager ang iniaabot niyang calling card.
“Sir, gusto niyo ho bang magkape?” tanong ni Jessica sa pulis na tumulong sa kaniya.
“Huwag na ho ma’am, naka-duty ho kasi ako,” tugon nito.
“Take out nalang ho, para pasasalamat lang sa pagtulong ninyo sa akin,” sambit ng babae.
“Oh sige ho, ma’am. Maraming salamat ho,” nakangiting pagpapasalamat ng pulis at saka na dali-daling umalis ang manager upang kumuha ng kaniyang kape.
Matawa-tawa ang pulis sa ginawa ni Jessica sa manager ng restawran dahil hindi nito intensiyong ipahiya talaga ang manager. Tadhana na lamang atang mapahiya ito nang dahil sa pag-uugali niya.
Nang madala na ang kape ay nagpaalam na rin ang pulis at saka ito bumalik sa kaniyang trabaho – naiwan naman si Jessica at ang matandang pulubi sa loob ng restawran.
“Hindi n’yo na ho ata ako naaalala, Mang Ambo…” panimula ni Jessica na siya namang ipinagtaka ng pulubi.
“Ako ho ‘yong babaeng pinakaiin ninyo ng libre nung nagta-trabaho pa ho kayo rito, naalala ninyo, walang-wala ako no’n at nagtanong pa ako kung pwede bang magtrabaho ako kapalit ng pagkain. Pero dahil hindi pwede yon ay ikaw na lamang ang nagbayad ng kinain ko. Hindi ko na ho kasi kayo nahanap nung magsimula ako sab ago kong negosyo kaya nang magkaro’n ako ng oras ay ipinagtanong-tanong ko ho kayo. Hindi ko naman ho alam na iba na pala ang may-ari ng lugar na ito at lahat ng dating empleyado ay pinalitan na,” malungkot na pagkukwento ni Jessica.
“Naaalala na nga kita,” sambit ng matanda at saka lumiwanag ang mukha nito. “Maraming salamat at naaalala mo pa ako,” maluha-luhang dagdag pa nito.
“Hindi ko ho kayo malilimutan, Mang Ambo. Isa ho kayo sa mga dahilan kung bakit ako nagsikap nang mabuti sa buhay,” nakangiting tugon ni Jessica. “Siya nga ho pala, ito ho ang business card ko. Pakiusap dumaan ho kayo sa kumpanya ko, sigurado akong may trabaho kaming maibibigay sa inyo roon. Pwede rin hong i-advance ko ang unang suweldo niyo para panimula,” dagdag pa nito na siyang lalong ikinatuwa ng matanda.
“Salamat hija, maraming salamat. Paano ba kita mababayaran sa lahat ng ito?” tanong ng matanda na noo’y lumuluha na.
“Wala ho, Mang Ambo. Ako pa nga ho ang dapat magpasalamat sa inyo dahil dinala ho kayo ng Diyos sa buhay ko. Kung hindi dahil sa inyo ay hindi ako magkakaroon ng lakas ng loob na magpatuloy pa at magsikap upang makaahon sa kahirapan,” sambit nito.
Tila isang milagro sa buhay ni Mang Ambo ang pagdating ni Jessica, ngunit para sa babae, ito ay karapat-dapat na kabayaran lamang para sa nagawa nito sa buhay niya.
Images courtesy of www.google.com
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.