“Lyka, nais kong malaman mo na dahil sa mababang marka na nakuha mo noong nakaraang taon ay hindi ka makakatanggap ng scholarship sa susunod na pasukan.”
Paulit-ulit na naririnig ni Lyka sa kanyang isipin ang mga katagang ito, na malungkot na ibinalita sa kaniya ng kanilang prinsipal. Tahimik siyang naglalakad pauwi na tila malalim ang iniisip. Hindi niya alam kung paano sa sasabihin sa kanyang nanay ang malungkot na balita.
Si Lyka ay panganay sa apat na anak ni Aling Melda. Siya ay maagang namulat sa kahirapan, maaga rin na sumakabilang-buhay ang tatay nito kaya si Aling Melda na lang ang nagta-trabaho para sa kanila.
Para kay Lyka, ang pagkakaroon lang ng scholarship ang makakatulong sa kanya upang makatapos ng pagaaral. Buong araw ginugugugol ng kaniyang ina ang oras sa pagtratrabaho para lamang makapagbigay ng suporta sa kanilang pag aaral. Si Aling Melda ay isang cook sa isang karinderia malapit sa kanila. Maliit man ang kita, ngunit malaki naman ang kanyang pagmamahal at pangarap na makatapos ang kanyang mga anak sa pag-aaral.
Kaya lubos ang kalungkutan ang naramdaman ni Lyka ng malaman niya na hindi na siya makakakuha pa ng scholarship.
Nang makauwi sa bahay, nang tangkang babanggitin na sa ina ang malungkot na balita, agad itong sinalubong ng kanyang ina.
“Anak,” malungkot na bati ng kanyang nanay.
“Bakit ‘nay?” sagot ni Lyka.
“Anak, nagbawas ng tao sa karinderia at isa ako sa natanggal. Ka-kailanganin muna natin magdoble tipid habang naghahanap ako ng bagong trabaho at pagkakakitaan,” wika ng ina.
Dahil sa narinig na balita mula sa kanyang nanay, nagdesisyon si Lyka na hindi na lang muna niya sasabihin ang tungkol sa kanyang scholarship. Inisip niya na baka magdulot ito ng lubos na kalungkutan sa kanyang ina, lalo na ngayon at nasa isang pagsubok sila.
“Ayos lang ho iyon ‘nay, maari naman ako humanap ng mga part-time job para makatulog din po ako sa inyo,” sabi ni Lyka sa kanyang ina.
“Salamat anak at nandiyan ka palagi. Napakaswerte ko talaga sa iyo,” wika naman ng ina.
“Ako po ang swerte ‘nay, dahil mula noon hanggang ngayon ay nagsisikap ka para maitaguyod mo kaming magkakapatid,” wika ito sabay yakap sa kanyang ina.
“Ikaw po ang NayTay namin. Nanay na, tatay pa!” dagdag pa nito.
Nagpatuloy ang mga araw, at tuluyang hindi na nasabi ni Lyka sa kanyang ina ang tungkol sa nawala niyang scholarship. Ayaw na niya itong mag-alala pa sa kanya.
“Bahala na. Lubos na mag-aalala sa’kin si nanay pag sinabi ko pa yung tungkol sa pag-aaral ko. Kakayanin ko ‘to. May opening naman doon sa shop ng kaibigan ko, susubukan kong magtrabaho habang nag-aaral,” ani Lyka.
Habang nasa bakasyon ay nagtrabaho muna ito bilang sales staff sa isang mall. Masugid siyang nagtrabaho para maka-ipon ng pera para makapasok siya sa eskwela. Matagumpay naman itong nakapag-enroll at pinagpatuloy ang pagtatrabaho. Minsan pa nga ay nag-aabot pa ito ng pera sa kanyang nanay para pangdagdag sa panggastos nila.
Nagpatuloy ang mga buwan, at tuluyan ng hindi nasabi ni Lyka sa kanyang ina ang lihim. At patuloy din niya itinaguyod na magtrabaho upang maka-ipon ng pera pang-aral. Sa umaga ay pumasok siya sa eskwelahan. Sa gabi ay nagtu-tutor siya sa mga batang nasa elementarya, mga anak ng mga kapitbahay o kakilala. Minsan ay tumatanggap siya ng bayad para tulungan o gawan ng research paper ang mga kapwa estudyante niya.
Kahit na alam ni Lyka na mali ang kanyang naging desisyon na hindi sabihin sa ina, ang nangyari ay pinagpatuloy niya pa rin ito. Kahit na nakakapagod ay alam niya nakakatulong siya sa kanyang ina dahil hindi na siya ito inaalala, at kahit papaano ay nakakapagbigay ito ng tulong sa kanila.
Isang araw na linggo ay nagkita ang prinsipal nila Lyka at ang kanyang ina.
“Magandang umaga po Ginang Reyes. Kamusta ho kayo?” bati ni Aling Melda.
“O Melda, ikaw pala ‘yan. Mabuti naman ako. Ikaw ba?” bati rin ng prinsipal sa kanya.
Nagkwentuhan ang dalawa habang sabay na namamalengke. Nang biglang mabanggit ng prinsipal ang tungkol kay Lyka.
“Napakatatag mo Melda at nagagawa mo pa rin na kumayod nang kumayod para lang sa iyong mga anak. Kaya labis na lang din ang panghihinayang ko nang mawalan si Lyka ng scholarship,” wika ng prinsipal.
Nagulat si Aling Melda sa kanyang narinig. Hindi niya alam ang isasagot. Nagkunwari na lang ito na may nalalaman sa nangyari at agad ding tinapos ang pamamalengke, nais na rin niyang makauwi agad para makausap ang anak hingil sa nangyari.
Nang makauwi ay galit na galit niyang tinawag si Lyka. Labis ang sama ng loob nito dahil nagsinungaling sa kanya ang kanyang anak.
“Lyka, pumarito ka! Nagkita kami ni Ginang Reyes at nabanggit niya sa akin na matagal ka na raw na walang scholarship?!” pagalit na tanong ni Aling Melda.
Nagulat si Lyka sa narinig. Nalaman na ng kanyang ina ang kanyang pinakatatagong lihim.
“Opo ‘nay, patawad po at hindi ko sinabi sa inyo,” sagot ni Lyka.
“Anak naman! Paano mo nagawang pagsinungalingan ako ng ganito?!” pasigaw nitong sabi sa anak.
“Pumapasok ka pa ba?! Ano, nagtatambay ka na lang?! Anong pumasok sa isip mo para paglihiman mo ako ng ganito anak?!” naiiyak na sabi ng nanay nito.
“Nay, pumapasok po ako. Nagta-trabaho po ako para makapasok po sa eskwelahan,” paliwanag ni Lyka.
Patuloy na nagpaliwanag si Lyka, ngunit dahil sa labis na sama ng loob ng kanyang ina ay halos tila wala itong naririnig o naiintindihan sa anak. Sa labis na galit ay pinalayas niya ang kanyang anak. Hindi niya lubos maisip na pinaglihiman siya ng kanyang anak at parang niloko siya nito.
Ayaw man umalis ni Lyka at nais pa sanang magpaliwanag sa kanyang nanay ay hindi na talaga siya nito pinakinggan. Itinulak ni Aling Melda si Lyka palabas ng kanilang bahay.
Tumuloy muna si Lyka sa bahay ng kaniyang kaibigan. Samantalang kahit na nag-aalala na si Aling Melda sa kanyang anak ay tiniis niya ito, labis talaga ang sakit na naramdaman niya na hindi nagsabi ng totoo ang kanyang anak.
Lumipas ang dalawang araw at hindi pa rin nagkikita ang mag-ina. Nais na sana ni Lyka na umuwi sa kanila ngunit baka lalo lang sumama ang loob ng nanay nito.
Napadaan naman si Aling Melda sa siang maliit na mall, maya-maya ay nasulyapan niya ang anak na nagta-trabaho doon. Nakatayo at masipag na nag-aalok ng paninda nito sa mga dumadaan. Suot-suot pa nito ang pamasok sa eskwela na sapatos.
Pinagmasdan niya ang kanyang anak at naluha ito sa awa, na nakalimutan niyang pakinggan ang anak at basta na lamang itong pinalayas. Naawa ito dahil kinailangan nitong magtrabaho pa para lang makapag-aral. Hindi niya mabigay bilang isang ina, ang pangunahing pangangailangan ng kanyang mga anak.
Matagal na pinagmasdan ni Aling Melda ang anak na nagta-trabaho. Lalapit sana ito ngunit sunod-sunod ang pagdating ng mga mamimili. Nagpasya na itong umuwi. Nang makauwi naman ay may babaeng nag-aabang sa bahay nila. Namukhaan ni Aling Melda na isa ito sa kanilang mga kapitbahay.
“Aling Melda, nandiyan ho ba si Lyka? Marami po kasing pagsusulit ang aking mga anak bukas, kung pwede po siyang maaga na pumunta sa bahay para maaga niyang maturuan,” sabi ng babae kay Aling Melda.
“Wala siya rito eh, pero ipapatext ko na lang sa kapatid niya para masabihan siya,” sagot ni Aling Melda.
Hindi mawari ni Aling Melda ang kanyang nararamdaman, matapos niya kasing magalit nung nakaraang araw sa anak ay hindi man lang niya ito pinakinggan. Labis ang awa niya at bilib sa kanyang anak. Bilib ito dahil kahit nawalan ito ng scholarship ay patuloy itong nagsikap at naging madiskarte para matustusan ang pag-aaral ng hindi umaasa sa kanya. Awa, dahil hindi biro ang dami ng trabaho na ginagawa nito para sa isang estudyante. At isa pa, bilang ina ay hindi niya magawang matustusan ang kanyang mga anak para hindi na nila kailanganin pang magtrabaho sa murang edad.
Noong panahon na ‘yon ay wala siyang ibang inisip kundi ang anak na si Lyka. Kaya agad-agad ay pinuntahan niya ito sa bahay ng tinutuluyang kaibigan.
“Lyka, may naghahanap sa’yo,” tawag ng kaibigan ni Lyka ng tignan kung sino ang kumakatok sa pinto.
Lumbas agad si lyka at nakita ang kanyang ina.
“Anak, umuwi na tayo. Miss ka na namin,” wika ng ina.
Mangiyak-ngiyak na lumabas si Lyka.
“Nay, patawarin niyo ako kasi hindi po ako nagsabi ng totoo sa inyo. Patawarin niyo po ako sa paglilihim ko po sa inyo na nagmistulang panloloko ‘nay. Patawarin mo ako ‘nay na hindi ko po napag-igi ang aking pag-aaral kaya nawalan po ako ng scholarship,” umiiyak na sinabi ni Lyka sa kayang ina.
“Anak, wag mo ng isipin ‘yon. Labis nga ang paghanga ko sa iyo, anak. Dahil kahit na wala ang tulong ni nanay, ay nagawa mo pa rin makapagpatuloy ng pag-aaral. Pasensiya ka na anak at hindi gaano masagana ang ating buhay, kaya kinakailangan mo pang magtrabaho. Kahit na ganoon anak ay pinagmamalaki kita sa lahat,” naiiyak na sabi ni Aling Melda.
Umuwi na si Lyka sa kanila at nagpatuloy sa pag-aaral at pagtatrabaho. Si Aling Melda naman ay nagsikap lalo para matulungan ang anak kahit man lang sa pagbaon-baon nito sa eskwela.
Lumipas din ang dalawang taon at nakapagtapos na rin ng kolehiyo si Lyka at kasalukuyang nagta-trabaho sa isang malaking kompanya. Nagsilbing inspirasyon kay Lyka ang lahat ng bagay na dinanas at pinaghirapan niya noon, at gagamitin niya ito bilang sandata at lakas para sa mga haharapin niyang pagsubok sa hinaharap kasama ang kanyang ina.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!