Inday TrendingInday Trending
Isang Umaga ay Nakatanggap ng Text ang Babae Mula sa Hindi Kilalang Numero, Hindi Niya Inaasahan ang mga Nakita nang Ito’y Puntahan Niya

Isang Umaga ay Nakatanggap ng Text ang Babae Mula sa Hindi Kilalang Numero, Hindi Niya Inaasahan ang mga Nakita nang Ito’y Puntahan Niya

Isang malakas na kulog ang bumulabog sa mahimbing na pagkakatulog ni Carol. Dahan-dahan siyang bumangon sa kama at marahang hinawi ang kurtina sa bintana. Alas kwatro na ng madaling araw noon. May kaunting kadiliman pa ang paligid, ngunit parang hindi magpapakita ang haring araw ngayon.

Umihip ang malamig na hangin na tila ba humahalik habang dumadampi sa kanyang balat. Ibang-iba ang ihip nito ngayon. Malungkot ang kalangitan at nagbabadyang umulan. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at saka pinakiramdaman ang mga haplos ng malamig na hangin.

Bumalik siya sa higaan at sinubukan matulog ulit, ngunit isang malakas na tunog galing sa kanyang telepono ang gumising sa inaantok niyang diwa. Labis naman ang pagtataka niya dahil napakaaga naman para may magpadala agad sa kanya ng mensahe.

Binuksan niya ang mensahe, “Kumusta ka na?” ang nakalagay sa mensahe.

Hindi nakarehistro ang numero sa kanyang cellphone kaya’t minabuti niyang hindi na lamang ito pansinin. Nagkibit-balikat siya at saka binura ang mensahe. Bakit nga naman niya pag aaksayahan ang isang mensahe na hindi naman niya kilala kung sinong nagpadala.

Sinubukan niyang muling ipikit ang mga mata at sinubukang matulog, subalit isang katanungan ang pilit na bumubulabog sa inaantok niyang diwa. Kagaya ng biglaang paglamig ng panahon, ay bakit kaya ganoon na lamang din ang panlalamig sa kanya ng kasintahan niyang si Jerome.

Bakit nga ba biglang nagbago ang kanyang kasintahan? Isang beses sa isang linggo na lamang ito kung mag text sa kanya. Bihira na itong tumawag at hindi na rin nagagawa pang makipagkita sa kanya. Hindi naman sila nag-aaway at wala din naman silang hindi pagkakaintidihan, pero bakit kaya parang umiiwas ito sa kanya?

Bukod sa mga magulang ni Carol, tanging si Jerome lamang ang lalaking pinaglaanan niya ng buong pagmamahal at buhay. Wala na rin siyang ibang gugustuhin na makasama panghabang buhay kundi si Jerome lamang.

Mabait naman si Jerome at nagtataglay ng kaaya-ayang mukha. Para kay Carol, isang malaking biyaya ang kanyang kasintahan sa buhay niya. Lagi pa niyang ipinagmamalaki na hindi ito katulad ng ibang lalaki na magagawang mambabae at manloko.

Huminga siya ng malalim at saka sinubukan ipahinga muli ang utak sa dami ng iniisip, subalit muling tumunog ang kanyang cellphone, dahilan para muling magising ang kanyang diwa.

Mayroong mensahe na naman galing sa numerong hindi niya kilala. Tinitigan niya itong mabuti at nakita na ito rin ang kapares na numero na sa kanyang nagpadala ng mensahe kani-kanina lamang.

“Akala mo ba ang mala-anghel at napakabait niya? Akala mo dahil nasa’yo ay tapat na? Subukan mong imulat ang iyong mga mata upang makita ang katotohanan sa halimaw na nagtatago sa maskara na angel. Pinaaalalahanan lang kita, Carol!” nakasaad sa mensahe.

Nabahala naman si Carol sa nabasa at agad na sumagot, “Malaki ang tiwala ko sa aking kasintahan. Tiwala ang isang bagay na kinakailangan upang mapagana ang isang relasyon. Sino ka ba at bakit mo ako ginugulo?” tanong niya sa text.

Nakatitig lamang si Carol sa mga mensahe sa kanyang cellphone. Ayaw man niyang magpaapekto, ngunit tila ba ay may nais na iparating ang taong nagpapadala sa kanya ng mensahe.

Ilang minuto lamang ang lumipas at agad na sumagot ang di kilalang numero, “may tiwala ka nga sa kanya at mahal mo siya, pero sa tingin mo mahal ka rin niya at hindi talaga siya gagawa ng kahit anong mali? Gaano kalalim na ba ang pagkakakilala mo sa kanya?” sagot naman nito sa kanya.

“Sino ka ba talaga ha? Ano bang alam mo tungkol sa’kin at sa relasyon namin?” muling tanong naman ni Carol.

“Marami. May alam ako tungkol sa kanya, kaya pakiusap ko lang sayo, mag-ingat ka!” tugon naman ng hindi kilalang number.

Napalunok na lamang si Carol at nakaramdam ng pagkabahala sa mensahe ng hindi niya kilalang tao. Muli siyang lumapit sa may bintana at pinagmasdan ang bumubuhos nang ulan. Ano nga kaya ang ibigsabihin ng mga ito? Tanong na bumabagabag sa kanyang isip.

Naalala niya yung araw na tinanong niya si Jerome kung nais siya nitong pakasalanan, ngunit hindi niya inaasahan ang masakit na tugon ng kasintahan sa kanya. Hindi iyon ang inaasahan niyang sagot at hindi rin naman niya alam kung bakit ganoon na lamang ang pagbabago ng pakikitungo ng binata sa kanya.

“Mahal, kailangan ba tayo magpapakasal?” nakangiting tanong ni Carol.

“K-kasal? Ano ka ba naman Carol? Wala pa sa isip ko yung ganyang bagay,” tugon naman ni Jerome.

“Mahal kita, mahal mo ako. May sariling trabaho naman na tayo, di pa ba sapat yun para magkaroon ng dahilan para magsama na tayo?” malungkot na tanong muli ng dalaga.

“Darating din tayo diyan, pero sa ngayon, wala talaga akong balak na magpakasal,” malamig na tugon ng binata na labis namang ikinalungkot ni Carol.

Habang nagmumuni-muni ay bigla na namang tumunog ang kanyang cellphone. Napabalikwas siya ay muling tinignan ito. Isang mensahe na naman mula sa hindi kilalang numero. Nakalagay dito ang oras at lokasyon ng isang condominium.

“3pm Greenwood Condominium unit 710.”

Mahigpit namang hinawakan ni Carol ang kanyang cellphone. Nais ba ng taong ito na magtungo siya doon? May nais bang ipahiwatig itong taong ito sa kanya? Bumilis ang tibok ng kanyang puso subalit hindi niya maintindihan kung bakit.

“Hindi. Ayoko. Baka kung anong masamang mangyari sa akin pag pumunta ako doon,” bulong ng dalaga sa kanyang sarili.

Muli na namang tumunog ang kanyang cellphone, “lahat ng kasagutan sa katanungan mo ay matatagpuan mo sa address na ibinigay ko sa’yo. Nasa sa’yo na lamang kung nais mong malaman ang katotohanan na masisiwalat,” sabi ng hindi nakikilalang mensahero sa telepono.

Tama nga bang pumunta siya? Natatakot siya na mapahamak, subalit may parte sa kanya na nagtutulak na magtungo doon. Halo-halong emosyon ang kanyang nadarama. Inilapag niya ang cellphone at pinilit na lamang na matulog ulit.

Sa lalim ng kanyang iniisip ay hindi niya namalayang tuluyan nga siyang nakatulog. Nagising lamang siya ulit dahil sa malakas na buhos ng ulan. Nakakabingi ang malakas na tunog nito habang pumapatak sa kanilang bubong.

Malungkot, malamig at matamlay ang kapaligiran. Maihahalintulad sa nararamdaman niya ngayon. Alam niyang hindi dapat magtiwala sa taong hindi naman nakikilala, pero nabuo ang kanyang loob ng magtungo doon.

Alas tres ng hapon ay dumating siya sa lokasyong sinabi ng hindi kilalang numero. Nakatayo siya sa harap ng pintuan ng unit 710 ng condominium. Napahinga siya ng malalim at pinipilit na ikalma ang sarili. Nanginginig na kamay niyang kinatok ang pintuan.

Maya-maya ay bumungad sa kanya ang isang maputing babae na nakangiti, “Hi! Yan na ba yung pagkain na order ko?” tanong nito sa kanya.

Maya-maya lamang ay narinig niya ang isang pamilyar na boses ng lalaki, “Love, yan na ba yung pizza natin?” tanong ng lalaki habang papalapit sa may pintuan.

Laking gulat ni Carol nang makita ang nobyo na nakasuot lamang ng shorts kasama ang isang babae na parang kagigising lamang. Parang sumikip ang kanyang dibdib at nanlamig ang kanyang mga kamay. Hindi niya alam kung ano ang gagawin ngayon.

“J-Jerome? Anong ibigsabihin nito?” naluluha niyang tanong, “kailan pa? Kailan mo pa ako niloloko?”

“Carol?” gulat na tanong ni Jerome.

“Bakit mo nagawa ‘to Jerome? Kailan mo pa ako niloloko ha?!” pasigaw na tanong ng dalaga.

“9 months ago, Carol. Pasensya ka na, pero hindi na kasi ako masaya sa relasyon natin,” malamig na tugon ng lalaki.

Siyam na buwan? Siyam na buwan na pala siyang niloloko. Buong-buo ang tiwala niya sa kasintahan at ibinigay niya ang lahat-lahat dito, pero panloloko lamang pala ang isusukli nito sa kanya.

“Hindi sapat ang salitang hayop at walanghiya para ilarawan ang kagag*hang ginawa mo sa’kin, Jerome! Magsama kayo ng babae mo!” sigaw ni Carol at saka tumakbo palabas ng condominium.

Napaupo siya sa gilid ng kalsada sa harap ng Greenwood Condominium. Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang pagbuhos din ng kanyang mga luha. Napakasakit ng pangyayaring ito sa kanya. Hinayaan na lamang niyang hugasan ng ulan ang mapapait na luha galing sa kanya mga mata.

Umiyak siya ng umiyak hanggang sa masaid na ang kahuli-hulihang patak ng luha sa kanyang mata. Malakas pa rin ang buhos ng ulan subalit laking pagtataka niya na hindi na siya nababasa. Dahan-dahan niyang iniangat ang tingin at laking gulat niya nang makita ang ama na nakatayo. Dala-dala ang isang malaking payong.

“Hindi lahat ng akala mong mabait na tunay na mabait. May mga halimaw na nakasuot ng maskarang hitsurang anghel, anak,” saad ng kanyang ama.

“Tay, k-kayo po yung nagpapadala ng mensahe sa akin?” gulat na tanong ni Carol.

“Oo, anak ko. Ako nga iyon. Binuksan ko lamang ang iyong mga mata sa kung anong klaseng tao talaga ang lalaking iniibig mo,” tugon naman ng lalaki.

“Paano ninyo nalaman ang tungkol doon, tay?”

“Ako madalas ang nagde-deliver ng mga pagkain na kanilang binibili, anak. Sa ilang beses ko ginawa iyon ay aksidente kong nakita ang nobyo mo na kasama ang kanyang babae sa condo unit.

“Simula noon ay parati kong inaako ang pagde-deliver ng pagkain sa kanila. Doon ko nakompirma na ang nobyo mo nga ang kinakasama ng babaeng suki ng restorant na pinagtatrabahuhan ko,” paliwanag naman ng ama.

“Tay…” napaluha si Carol at tumayo. Kahit na basang-basa ay niyakap niya ng mahigpit ang kanyang ama.

“Isang walang kwentang lalaki lang ang nawala sa’yo anak, pero marami kaming lubos at tunay ang pagmamahal na ibinibigay sa’yo. Kaya huwag mo siyang iyakan. Makakakita ka pa ng mas maayos at mas tapat na mangingibig,” nakangiting pahayag ng lalaki.

Tumango lamang si Carol at pinunasan ang mga luha. Alam niyang ngayon lamang ang sakit na ito. Ngayon lamang magiging mapait ang lahat ng ito, pero darating ang araw na makakausad din siya at muling babalik ang matatamis na ngiti sa kanyang mga labi.

Dahil sa kanyang ama, nabuksan ang kanyang mga mata sa tunay na mundong ginagalawan niya. Ang kanyang ama ang sumagip sa kanya mula sa bitag ng maling pag-ibig. Naging masakit man, subalit mas mainam nang maramdaman ito kaysa harap-harapang lokohin ng lalaking pinag-aalayan niya ng puso at pag-ibig.

Advertisement