Pagtatangkaan Sanang Halayin ng Isang Lalaki ang Dalaga sa May Isang Madilim na Eskinita, Ngunit Bigla Siyang Natigilan nang May Makita Siyang Hindi Inaasahan
Bakasyon noon nang mapagpasyahan ni Maxine na umuwi sa kanilang probinsiya mula sa Maynila. Halos isang taon na din naman siyang hindi nakakauwi kaya labis ang pananabik niyang muling makita ang mga dating kaibigan, pinsan at mga kamag-anak.
Dahil sa labis na kasabikan ay inabot na ng gabi si Maxine sa pakikipagsaya at pakikipagkwentuhan sa mga dating kaibigan. Nang maramdaman nila na lumalalim na ang gabi ay nagpasya na din sila na pansamantalang maghiwa-hiwalay na muna.
“Ihahatid ka na namin, Maxine. Gabi na at napakadelikado na maglakad na mag-isa,” sabi ng isa niyang kabarkada.
“Ano ba kayo? Ang liit-liit lang naman ng baryo natin na ‘to. Wala naman sigurong mangyayari sa akin na masama. Tsaka ‘di ako takot mag-isa, kayang-kaya ko na ang sarili ko,” natatawang sagot naman ng dalaga.
Nagpumilit pa ang ibang mga kaibigan na ihatid siya subalit tinanggihan niya ito. Malapit lamang naman din ang kanilang tirahan mula sa bahay ng kaibigan kaya malakas ang loob niya na umuwi ngmag-isa. Ayaw naman na niya din maabala pa ang iba niyang kaibigan.
Naglakad na lamang siya pauwi at nilanghap ang masarap na simoy ng hangin. Ibang-iba talaga ang hangin sa probinsiya kumpara sa Maynila. Habang tinatahak ang kalye na napapalibutan ng malalaki at matataas na puno ay nag-alay ng isang panalangin si Maxine.
“Diyos ko, ilayo Ninyo po ako sa kapahamakan. Hayaan Ninyo po akong makauwi na ligtas sa aming tahanan. Pababain Ninyo po ang mga anghel Niyo sa langit upang ako’y samahan sa aking pag-uwi,” taimtim na dasal ni Maxine.
Sa isang madilim na eksinita sumuot ang dalaga upang mabilis na makarating sa kanilang tahanan. Kung kanyang tatahakin pa ang kabilang daan ay baka abutin pa siya ng sampu hanggang labing limang minuto ng paglalakad.
Lakas-loob na lamang niyang nilakad ang madilim na eskinita, nang makarating siya sa may kalagitnaan ay napansin niya ang isang lalaking naninigarilyo sa may matalahib na parte ng kalsada na para bang kanina pa siya inaantay.
Nakaramdam ng kung anong kaba ang dalaga. Muli, nanalangin siya ng taimtim para humingi ng proteksyon sa Poong Maykapal. Wala siyang ibang magagawa kundi patuloy na tahakin ang daan, dahil paniguradong makakahalata ang lalaki na siya’y natatakot kapag pinili niyang bumalik pa.
“Diyos ko, Kayo na po ang bahala. Sa Inyong mga kamay, alam kong ligtas ako sa kahit anong kapahamakan,” panalangin ng dalaga.
Pagkatapos noon ay may kung anong lakas ng naramdaman niya na nagmumula sa kanyang puso. Pakiramdam niya ay hindi siya nag-iisa sa madilim na daanang ito. Lakas-loob siyang nag diretso ng paglakad at nakahinga siya ng maluwag nang malampasan ang misteryosong lalaki.
“Salamat po, Panginoon ko,” pasasalamat ni Maxine nang ligtas siyang makarating sa bahay.
Kinabukasan ay isang nakagugulantang na balita naman ang kumalat sa baryo. Isang dalaga daw ang walang awang hinalay sa talabihan kung saan mismo naglakad si Maxine pauwi.
Tinutukan daw ng patalim at pinagsamantalahan ang babae kaawa-awang babae ilang minuto lamang matapos makalagpas ni Maxine sa kinatatayuan ng lalaki. Napaluha naman siya at nasabi sa sarili na maaring siya pala ang muntikan nang mabikta ng lalaki noong gabing iyon.
“Diyos ko, salamat po sa proteksyong ibinigay ninyo sa akin noong gabi, pero dalangin ko paghilom ng sugatang puso ng babaeng biktima dahil sa malagim na pangyayaring iyon sa kanya,” panalangin ni Maxine.
Nabalitang arestado daw ang ilang lalaki dahil suspek ang mga ito sa pananamantala sa isang dalaga. Bilang tulong sa biktima ay agad na nagtungo si Maxine sa presinto upang matulungang makilala ang tunay na salarin.
“Kaya ko pong tukuyin ang lalaking may sala sa ka-baryo ko. Napadaan din po ako noong gabing iyon sa eskinita kung saan nangyari ang lahat. Tandang-tanda ko pa po ang mukha ng lalaking nakatayo malapit sa damuhan noon,” saad ng dalaga sa mga pulisya.
“Kung ganoon hija, ay maari mo bang ikwento ang buong pangyayari? Ipapatawag naman lahat ng suspek mamaya at kung maaari sana ay matulungan mo kaming matukoy ang tunay na salarin,” pakiusap naman ng pulis.
Ikinuwento niya sa pulis ang lahat ng kanyang karanasan nang gabing iyon at buo ang loob niya at malinaw na malinaw pa sa kanyang memorya ang mukha ng lalaking nakita niya.
Mula sa piitan ng istasyon ng pulis ay pinalabas ang apat na lalaking naging suspek sa panghahalay. Isa-isa namang sinuri ni Maxine ang mga lalaki. Positibo niyang naituro ang lalaking nakita niya kagabi.
“Siya po ang lalaking nakita ko. Naninigarilyo po siya habang nakatayo sa may talahiban noon sa madilim na eskinita!” pagturo ng dalaga sa isang lalaki.
Wala naman nang magawa ang lalaki kundi ang aminin ang katotohanan tungkol sa krimeng ginawa. Inalok naman ng mga pulis ang dalaga ng isang pabuya, subalit magalang niya itong tinanggihan. Sapat na para sa kanya ang matulungan ang biktima.
Humarap ang isang pulis sa kriminal at tinanong ito, “may pagkakataon ka noong gawin ang masama mong plano sa dalagang nagsuplong sa iyo, dahil nag-iisa lamang siya noon, pero bakit ang dalagang sumunod sa kanya ang biniktima mo?” naguguluhang tanong ng pulis.
“H-hindi ko po siyang pwedeng galawin noon. Hindi naman po siya mag-isang naglakad sa eskinita kagabi. Paano ko magagawa iyon sa kanya kung may kasama siyang dalawang malalaki at matataas na lalaki sa dalawang tabi niya,” pag-amin naman ng kriminal.
Labis naman na ikinagulat ni Maxine nang marinig ito. Mag-isa lamang siyang umuwi ng gabing iyon, ngunit bakit tatlo silang nakita ng lalaki? Napadasal siyang muli at nagpasalamat, dahil alam niyang tinugon ng Diyos ang kanyang dalangin at nagpadala ng anghel upang bantayan siya at ilayo sa disgrasya.
Napakalaki talaga ng nagagawa ng panalangin sa ating buhay. Kaya sa tuwing makakaramdam tayo ng takot o dumadaan tayo sa matinding pagsubok, ugaliin natin na tumawag muna sa Ama natin sa langit upang humingi ng gabay at proteksyon sa anumang hamon ng buhay na ating tatahakin.