Inday Trending

Inday Trending

Nakipaghiwalay ang Lalaki sa Kanyang Nobya Dahil Nakahanap Siya ng Mas Magandang Ipapalit Dito; Halos Madurog Naman ang Puso Niya nang Mabasa ang Lumang Diary Nito

Nakipaghiwalay ang Lalaki sa Kanyang Nobya Dahil Nakahanap Siya ng Mas Magandang Ipapalit Dito; Halos Madurog Naman ang Puso Niya nang Mabasa ang Lumang Diary Nito
HeartbreakingKarmaStories

Mag-aapat na taon nang kasintahan ni Czarina ang matipunong lalaki na si Jerick. Isang araw ay nagmamadaling bumangon ang dalaga upang katagpuan ang nobyo. Napaka-espesyal ng araw na ito para kay Czarina, kaya naisipan pa niyang isulat ito sa isang kwaderno na ginagawa niyang talaarawan.

“July 31, 2018

Labis ang kaligayahang nadarama ko ngayon lalo na sa magaganap na pagkikita namin ni Jerick mamaya. Sana ay matuwa siya sa napakagandang ibabalita ko,” masiglang isinulat ng dalaga sa kanyang kuwaderno.

Kinahapunan nang makarating sa isang restawran ay agad namang humalik ang dalaga at yumakap ng mahigpit sa kanyang nobyo.

“Jerrick, baby, may good news ako sayo!” masayang pagbungad ng dalaga.

“Actually, ako din may importanteng sasabihin sa’yo Czarina. Matagal ko na sanang gustong sabihin, pero hindi lang ako nabibigyan ng pagkakataon,” mahinang tugon naman ng binata.

“Ganun ba? Nako, sige, ikaw na muna ang mauna. Ano yung sasabihin mo?” nakangiting tanong ni Czarina.

Pansamantalang nanahimik ang binata. Huminga muna ito ng malalim at saka nagsalita, “I’m sorry, Czarina. I want to break up with you. Hindi na maatim ng konsensya ko na lokohin ka pa. Palihim akong nakikipagkita sa iba habang tayo pa.

Hindi na kasi talaga ko masaya sa relasyon natin. Sana ay mapatawad mo pa ako. Hindi mo deserve ang lalaki na katulad ko. Unti-unti nang naglalaho yung pagmamahal ko sayo. Patawad talaga,” mahinang pahayag ni Jerick.

“P-pero…” hindi naman na magawang magsalita ng dalaga dahil sa sakit na nadarama mula sa kanyang mga naririnig.

“Sorry, Cazrina. Tanging hiling ko lang sa’yo na palayain mo na ako. Makakatagpo ka din ng lalaking magmamahal ng tapat sa’yo. Hindi na talaga ako masaya sa kung anong meron tayo. I found happiness in someone else’s arms,” masakit na pag-amin naman sa katotohanan ng binata.

Huminga ng malalim si Czarina at pilit na ikinakalma ang sarili, “kung mahal mo talaga siya, sige, malaya ka na. Patawad kung hindi ako sapat para sa’yo. Sanay ay maging tunay kang maligaya sa piling niya,” mapait na pagkakasabi ng dalaha.

Tumayo at mabilis namang lumabas ng restawran ang babae. Dala-dala niya sa kanyang paglabas ang labis na sakit na naidulit ng dating kasintahan sa kanyang puso. Hindi na niya nagawang sabihin sa binata ang tunay na pakay niya. Nang makauwi naman ay ibinuhos niya sa kanyang talaarawan ang mapait na pangyayari.

“July 31, 2018 – 8pm

Labis ang ligayang nadarama ko kanina bago katagpuin ang aking nobyo, pero mapapalitan pala ito ng matinding kalungkutan ng ganoon lamang kabilis. Hindi ko man lang nasabi sa kanya ang maganda sanang balita.

Kung tunay siyang liligaya sa piling ng iba, siguro ay tama na pinalaya ko siya. Kung tunay na mahal niya ako, gagawa ang tadhana ng paraan upang ibalik kami sa piling ng isa’t isa, subalit kung hindi naman ay kailangan ko tanggapin ang mapait na katotohanang tuluyan na siyang mawawala sa akin.”

Halos dalawang buwan lamang ang lumipas nang aksidente niyang nakasulong si Jerick sa isang mall habang kasama nito ang babaeng ipinalit sa kanya.

“Uy, ikaw pala iyan. Kumusta ka na?” pagbati ni Jerick.

“Ayos naman ako. Ikaw kumusta ka?” pagbalik na tanong naman ni Czarina.

“Maayos naman din, pero teka nga, bakit bigla yatang bumagsak ang pangangatwan mo at nagiging maputla ang iyong mukha? Nagkasakit ka ba?” tanong naman ng binata.

“Baka siguro sa pagod ko lamang din sa trabaho. Baka nabigla lang din yung katawan ko,” malamig na tugon naman ng dalaga.

“Ah siya nga pala, this is Patricia, girlfriend ko,” pagpapakilala ng lalaki sa isang maputing babae.

“Hi Czarina, finally na-meet din kita. Thank you sa pagpapalaya mo kay Jer ha? Kundi dahil sa’yo, hindi matutuloy ang kasal namin next month. Sana makarating ka! Pwedeng maid of horror, este honor ka pala sa kasal namin,” sarkastikong saad ni Patricia na halatang inaasar ang kawawang si Czarina.

“Salamat. Wag kayong mag-alala, pupunta ako. Congratulations in advance na para sa inyo. I hope maging masaya kayo,” nakangiting sabi ni Czarina na pilit ikinukubli ang tunay na nararamdaman.

Hindi maitatanggi na labis ang sakit na nadarama ni Czarino nang tagpong iyon. Pakiramdam niya ay muling tinarakan ng saksak ang kanyang duguang puso. Isang malaking pagsubok ang magpiit ng luha at ipakitang ayos lamang siya habang kaharap ang dating nobyo at ang babaeng ipinalit nito sa kanya.

“September 28, 2018

Muling nag krus ang landas namin ni Jerick kanina. Napakasakit pa rin palang makita ang dating lalaking pinag-alayan ko ng wagas na pag-ibig kasama ang bagong babaeng mahal niya. Pero kailangan kong maging matatag. Kakayanin ko lahat ng pagsubok na ito,” pahayag ng dalaga sa kanyang talaarawan.

Dumating ang araw ng kasal ni Jerick at Patricia. Gaya ng ipinangako ni Czarina noon, lakas-loob siyang nagbihis ng maganda at nagtungo sa gaganaping kasal. Medyo mataas ang sinag ng araw noon at matindi ang init sa kapaligiran.

Habang tumatawid patungo sa simbahan ay nakakaramdam ng kaunting pagkahilo si Czarina. Nasa gitna siya ng kalsada ng biglang magdilim ang kanyang paningin. Huling natatandaan niya ay may isang malakas na busina ng sasakyan siyang narinig kasunod ang malakas na pwersang nagpatalsik sa kanya.

Nabunggo ng nagmamadaling sasakyan ang dalaga, dahilan para tumilapon siya at magpagulong-gulong sa gitna ng kalsada. Sakay ng sasakyang ito ang ikakasal na sanang si Jerick. Nabangga ng kanilang drayber ang dalaga. Agad namang bumaba ng sasakyan si Jerick at dumeretso sa ospital upang isugod ang walang malay na babae.

Habang nasa operating room si Czarina ay hindi mapakali si Jerick. Hindi na natuloy ang kanyang kasal dahil pinili niyang manatili sa ospital dahil sa labis na pag-aalala sa dating nobya. Maya-maya ay lumabas naman ang doktor at lumapit sa kanya.

“I’m sorry. We did everything we could to save her, pero grabe ang pinsalang tinamo niya sa katawan at napakaraming dugo na rin ang nawala sa kanya. It breaks my heart to say this, pero wala na po siya pati na ang batang dinadala niya sa sinapupunan,” malungkot na sabi ng doktor.

Hindi naman makapaniwala ang binata sa kanyang narinig. Ngayon lamang niya nalaman na nagdadalang-tao pala ang dating nobya at malamang sa malamang na siya ang ama ng pinagbubuntis nito.

Habang inaayos niya ang mga naiwang gamit ni Czarina ay napansin niya ang isang kwaderno. Binuksan niya ito at saktong sa pinakang huling pahina na may sulat siya napunta habang binubuklat.

“October 29, 2018

Malapit nang mag five months si baby! Pupunta ako ngayon sa simbahan upang dumalo sa kasal ng lalaking pinakamamahal ko at ng babaeng ipinalit niya sa akin. Nakakalungkot isipin na ito na ang huling beses na makikita ko siya.

Hindi man lang niya nalaman na dinadala ko sa sinapupunan ang magiging anak namin, pero nais kong maging masaya siya, kaya para kay baby ko, huwag kang mag-alala, hinding-hindi ka iiwan ni mommy gaya ng ginawa sa atin ni Daddy mo.”

Napatakip lang ng bibig si Jerick sabay bagsak ng mga luha sa kanyang mga mata. Ngayon ay pinagsisisihan niya ang ginawang pag-iwan noon sa kasintahan. Nawala na ang babaeng minahal niya, pati na rin ang dapat sanang magiging supling nila.

Magsisi man siya ngayon, ngunit huli na ang lahat. Naging padalos-dalos siya sa kanyang mga desisyon kaya’t hindi niya naisip na may malaking epekto pala ito sa mga mangyayari sa hinaharap.

More Stories