Inday TrendingInday Trending
Kahit May Malubhang Karamdaman ay Tinupad pa rin ng Ama ang Pangakong Ilalakad sa Altar ang Pinakamamahal na Anak na Babae

Kahit May Malubhang Karamdaman ay Tinupad pa rin ng Ama ang Pangakong Ilalakad sa Altar ang Pinakamamahal na Anak na Babae

Ang ama ni Nikka na si Rolly ang nagturo sa kanya kung paano manalangin. Palagi silang laman ng simbahan upang ipagdasal ang kaligtasan ng ilaw ng tahanan na nagtatrabaho sa ibang bansa.

“Nikka, anak ko. Kung dumating man ang araw na subukin ang iyong lakas at pananampalataya, sana ay ipagpatuloy mo lamang ang pagkapit sa Diyos,” palaging paalala ng ama sa kanyang anak.

Simula nang mangibang bansa ang ina ay ang ama na lamang ni Nikka ang tumayong ama’t ina sa kanilang limang magkakapatid. Tanging si Nikka lamang ang nag-iisang babae kaya’t guwardiyado ito ng buong pamilya.

Hatid-sundo siya ng ama sa tuwing pumapasok sa eskwela. Tuwing may programa at mga aktibidades ay palaging naroon ang ama upang sumuporta sa anak. Tila ba isang prinsesa kung ituring nito si Nikka..

Si Rolly ang naging basehan ni Nikka ng isang mabuting lalaki. Para sa kanya ay wala nang mas hihigit pa sa pagmamahal at pag-aaruga ng ama sa kanya. Tunay na kahanga-hanga naman talaga kasi ang ginagawang sakripisyo ng lalaki para sa kaniyang mga anak at asawa.

Isang araw nang dumaan ang mag-ama sa simbahan ay nakasaksi sila ng seremonya ng kasal. Pumasok ang mag-ama at saka umupo sa may bandang likuran upang manood.

“Napakaganda naman po ng ikinakasal, tatay,” wika ng batang babae.

“Darating ang araw na ikakasal ka din anak at ilalakad kita patungo sa altar kung saan naghihintay ang masuwerteng lalaki na papakasalan ang nag-iisang prinsesa ko,” nakangiting saad naman ng ama.

“Basta tatay, pangako ninyo na sa kasal ko, ilalakad ninyo po ako papunta sa altar ha?” pakiusap naman ng bata.

“Oo naman anak, sisiguraduhin kong ako ang makakasama mo sa paglalakad,” ngumiti lamang ang lalaki at saka yumakap sa anak na babae.

Ilang panahon pa ang lumipas at isa nang ganap na dalaga si Nikka ngunit kapareho ng dati ay ang ama pa rin niya ang kanyang takbuhan sa tuwing iiyak dahil nasaktan. Kaya’t sa tuwing masasaktan ang dalaga dahil sa sawing pag-ibig ay tanging ama lamang niya ang kanyang nasasandalan.

“Mag-ingat ka sa lalaking pipiliin mong mahalin, anak. Humanap ka ng lalaki na may takot sa Diyos at may respeto sa’yo. Hanapin mo ‘yong may malaking puso at busilak na kalooban. Piliin mo ‘yong lalaking kaya kang ipaglaban at buhayin,” paalala naman ng ama.

“Opo, tay. Hindi ko lamang po talaga inaasahang sa ganito lamang matatapos ang lahat,” umiiyak na sagot ng dalaga.

“Ipagdasal mo lamang na ibigay sa iyo ng Diyos ang isang lalaking hinding-hindi ka sasaktan. Isa rin kasi iyon sa aking dasal. Nasasaktan ako tuwing nakikita kang nasasaktan,” saad pa ni Rolly.

Tila ba napakabilis ng panahon dahil ang munting prinsesa ni Rolly ay isa nang ganap na babae. Nakatapos na si Nikka ng kolehiyo at ngayon ay paalis na ito upang sumunod sa ina sa ibang bansa at doon ay magtrabaho.

Bumaha ng luha sa airport nang magpaalam na ang dalaga sa kanyang ama. “Mag-iingat po kayo palagi ‘tay, mahal na mahal ko kayo. Alagaan po ninyo ang inyong sarili habang wala ako,” pagpapaalam ng babae.

“Mag-ingat ka, anak ko. Basta para sa akin ay ikaw pa rin ang munting prinsesa ko,” pilit mang itago ng ama ang lungkot ngunit hindi makapagsisinungaling ang mga luhang umaagos mula sa kanyang mga mata.

Lumapit sa kanyang ama si Nikka at saka yumakap ng sobrang higpit, na sinuklian naman din ng mas mahigpit na pagyakap ng ama. Labis ang lungkot na kanilang nadarama dahil sa unang pagkakataon ay magkakahiwalay sila ng matagal.

Bitbit ang mga pangaral ng ama, nakipagsapalaran si Nikka sa ibang banda. Pinaghusayan niya ang trabaho sa ibang bansa. Kumayod siya ng sobra upang makaipon at makapagpadala ng pera sa pamilya sa Pilipinas. Lahat ng pagpupursigi ay inaalay niya sa amang kumalinga at nag-aruga sa kanya.

Isang araw ay isang malungkot na balita ang dumating sa Nikka. May malubhang sakit daw ang ama sa baga. Mabilis na bumagsak ang pangangatwan ng lalaki at madalas daw na walang ganang kumain.

Balita niya ay madali nang mapagod ang ama at hindi na masigla tulad ng dati. Labas-masok daw ito sa ospital dahil sa matinding karamdaman. Ang ama na dating malakas at madasalin ay parang kandilang unti-unti nang nauubos.

Mas kumayod pa ng doble si Nikka upang matulungan ang ama sa pagpapagamot sa malubhang karamdaman pero sa gitna ng pagod at kalungkutan ay doon niya nakilala si Robert, ang lalaking nagbukas sa puso ng dalaga sa pag-ibig.

Si Robert ay isang OFW din. Siya ang naging sandalan at taga-suporta ni Nikka habang nasa ibang bansa. At tulad ng ama ni Nikka, buong puso niyang inaalagaan ang babae. Minahal niya ito ng higit pa sa sobra-sobra.

Isang buwan bago sumapit ang araw ng pasko ay nagdesisyon si Nikka na umuwi ng Pilipinas upang magbakasyon. Nais niyang makasama ang ama at ayusin ang nalalapit na kasal sa nobyong si Robert.

Nang makauwi ay labis na sakit ang naramdaman ni Nikka nang masilayang muli ang ama. Bagsak na ang katawan nito at hirap na hirap sa kalagayan.

“Tay, nandito na po ako. Magpalakas ka ha? Kasi tutuparin mo pa yung pangako mo sa akin na ihahatid mo ako sa altar. Medyo malapit na yun tay, kaya magpagaling ho kayo kaagad,” wika ni Nikka habang nakaupo sa tabi ng ama.

Bumagsak ang mga luha ng ama at saka niyakap ang anak. Hindi niya magawang sumagot sa pakiusap ng anak, bagkus ay tinapik-tapik na lamang nito ang likod ng anak gamit ang magagaan at tila wala nang lakas na kamay.

Ipinakilala ni Nikka sa kanyang buong angkan ang lalaking papakasalan. Naging mainit ang pagtanggap ng pamilya niya dito dahil napakabait na tao ni Robert. Ang dahilan kung bakit ito nagustuhan ni Nikka, ay dahil nakikita niya ang repleksyon ng ama kay Robert.

Nais ni Nikka na makasal sa lalaking tulad ng kanyang ama. Nais niyang makasama ang lalaking mag-aalaga sa kanya at mag-iingat sa kanya hanggang sa sila’y tumanda, at higit sa lahat ay may prinsipyo at malaking takot sa Diyos.

Isang araw ay magkasama ang mag-ama habang nakatingin sa pumapatak na tubig galing sa malakas na ulan sa labas.

“A-anak ko…” huminga ng malalim ang matanda at pinipilit magsalita kahit na nahihirapan.

“M-masaya si tatay para sa’yo. Ngayon ay sigurado na akong mayroong mag-aalaga sa’yo pag ako’y wala na.”

“Tay naman. Wag naman ho kayong magsalita ng ganyan. Gagaling pa kayo tay, magiging malakas kayong muli at makikita pa ninyo ang inyong mga apo sa’kin,” nangingilid na luhang tugon ng anak.

“Nais ko lamang ay maging masaya ka anak. Ipinagdasal ko ang espesyal na lalaking magiging kabiyak mo. Hindi naman ako binigo ng Diyos. Alam kong magiging masaya ka anak,” wika ng ama habang nakayakap sa anak.

Ilang araw pa ang lumipas at lalo pang nanghina si Tatay Rolly. Habang papalapit ang araw ng kasal ay tila ba lalo itong pahina ng pahina. Ngunit kita sa kanyang mga mata ang kagustuhan pang mabuhay upang masilayan ang espesyal na araw ng anak.

Lumaban pa rin si Tatay Rolly na mabuhay at masaksihan ang araw na ito kung saan ikakasal na si Nikka. Kahit na hinahapo sa tuwing lumalakad ng malayo at kahit na bagsak na bagsak na ang katawan ay pinilit niyang ilakad sa altar ang anak.

“Maraming salamat tay,” wika ni Nikka habang naglalakad at kapit ng ama.

Bumalik lahat ng alaala nila ng kanyang ama noong siya’y bata pa. Ang paghahatid nito sa kanya sa eskuwela, ang mga pasalubong na lagi nitong bitbit para sa kanya at kung paano nito ipinangako ang mga nagaganap na ngayon, ang ihatid ang kanyang munting prinsesa sa altar.

Kahit na hinahapo at hingal na hingal sa kaunting paglakad ay pinipilit ni Tatay Rolly na ilakad ang anak. Isang nakakaiyak na tagpo sa simbahan. Lahat ng tao ay nag-iiyakan sa kanilang nakikita. Di na alintana ang karamdaman, basta matupad lamang ang pangako sa pinakamamahal na anak.

“Anak ko, masayang-masaya si tatay para sa’yo, lagi mong tatandaan na mahal na mahal na mahal ka ni tatay, at mananatili iyon panghabang buhay,” lumuluhang sambit ng ama.

“Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na ito tay, sobrang mahal na mahal ko po kayo,” sagot ng babae.

Isang madamdaming tagpo ang matupad ng ama ang pangako sa anak kahit na halos ubos na ang lakas nito dahil sa sakit na dumapo.

Isang taon pa ang nakalipas ay tuluyan na nga silang iniwan ni Rolly. Halos mapaluhod naman si Nikka sa sobrang sakit. Ang kanyang ama ay tuluyan nang sumuko, ngunit may kapayapaan naman sa kanyang puso dahil hindi na ito makakaramdam pa ng sakit at paghihirap.

Sa pagkakataong ito, si Nikka naman ang maghahatid sa kanyang ama patungo sa altar upang muling ibalik ang buhay na hiram sa Maykapal na lumikha sa atin. Tunay nga na hindi natin kontrolado ang ating buhay.

Kahit anong gawin nating paghahanda ay hindi natin madidiktahan ang guhit ng ating kapalaran. Magkagayon man ay lubos na nagpapasalamat si Nikka dahil biniyayaan siya ng napakabuting ama at asawa.

Kaya’t habang may pagkakataon pa ay yakapin at iparamdam natin sa ating mga magulang ang ating pagmamahal, bago pa mahuli ang lahat. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay mananatili silang malakas dahil darating ang araw na babawiin sa atin ang hiram nating buhay.

Advertisement