Inday TrendingInday Trending
Hindi Sinasadyang Makita ng Babae na Nakaguhit ang Larawan Niya sa Aklat ng Lalaki, May Nagtatagong Istorya Pala sa Likod ng Larawang Ito

Hindi Sinasadyang Makita ng Babae na Nakaguhit ang Larawan Niya sa Aklat ng Lalaki, May Nagtatagong Istorya Pala sa Likod ng Larawang Ito

High school pa lamang ay labis na ang paghanga at pagkagusto ni Mitch kay Philip. Madalas pag mayroong pagpapangkat sa klase, ay palagi niyang pinipili na makagrupo si Philip. Hindi niya alam, subalit parang kaybilis mahulog ng loob niya dito.

Madalas ngang sabihin ni Philip sa kanya na “Mabait ka, matalino, maganda at mahinhin,” na siya naman kinakikilig ng dalaga. Gustong-gusto niya kapag pinupuri siya ng binata.

Magaling gumuhit ng mga larawan si Philip, kaya’t tuwang-tuwa ang kanyang mga guro sa tuwing ito’y guguhit sa klase. Isang araw ay naiwanan ng binata ang kanyang sketchpad sa loob ng silid-aralan, na nakita naman ni Mitch.

Dahan-dahang binuklat ni Mitch ang sketchpad at sobrang namangha siya nang makita ang kanyang mukha na nakaguhit doon. Ibang kilig ang kanyang nadama dahil sa nakita.

Maya-maya ay dumating si Philip sa silid-aralin na pawis na pawis at tila ba nagmamadaling makapunta roon.

“M-Mitch, isa ka sa cleaners ngayon di ba? Baka nakita mo yung sketchpad ko? Naiwan ko ata kasi dito kanina,” hingal na tanong lalaki.

Nagpanggap naman si Mitch na hindi niya alam kung nasaan ito at nagtihimik na lamang tungkol sa nakita. Inilihim na lamang niya na nakita niya ang kanyang mukha na nakaguhit doon.

“Hindi eh. Baka nandyan lamang iyon, hanapin mo lang,” utos ng dalaga.

Hinayaan na lamang ni Mitch na maghanap si Philip. Inilagay niya iyon sa kahon sa lamesa ng guro, na siya naman ding agad na nahanap ng lalaki. Hindi maiwasan ng babae na mapangiti habang nangangarap na mapasakanya din ang pag-ibig ng lalaki.

Ngunit isang araw ay nabalitaan na lamang niya na may nobya na si Philip. Ang masakit pa doon ay kaibigan niya ang kasintahan ng lalaking tinitibok ng kanyang puso.

Hindi niya maiwasang mapaluha sa nalaman ngunit naging mabuting kaibigan pa rin naman siya kay Philip at sa nobya nito. Madalas kapag nag-aaway si Philip at ang nobya nito, si Mitch pa ang nagiging tulay upang magkabati sila.

“Mitch, baka pwede mo namang ibigay ‘to kay Jinky,” pakiusap ng lalaki habang iniaabot kay Mitch ang isang pulang rosas at sulat.

“S-sige,” tugon ng babae habang kinukuha ang munting regalo ni Philip para sa kasintahan.

Masakit man ay kailangan niyang tanggapin na hanggang doon na lamang siguro ang ganap niya sa buhay ni Philip, hanggang sa kaibigan na lamang siguro talaga. Wala siyang ibang magawa kundi maging masaya na lang para sa lalaking iniibig.

Lumipas ang mga panahon, ngayon ay kolehiyo na sila. Nanatiling kaibigan pa rin naman si Mitch kay Philip at buong puso pa rin siyang nakasuporta sa mga ito.

Sinubukan ng dalaga na ibaling na lamang sa iba ang nararamdaman para sa kaibigan at baka sakaling matagpuan na niya ang lalaking para sa kanya pag ginawa niya ito.

Nagkaroon siya ng nobyo sa unang pagkakataon at kahit papaano ay naging masaya siya pero hindi maikakaila na mayroon pa ring puwang sa puso niya para kay Philip. Sadyang may lugar doon para lamang sa isang lalaking iniibig niya ng sobra.

Isang araw ay tumawag sa kanya si Philip, lasing na lasing ito at tila ba’y galit na galit din.

“Bakit Mitch ha?! Bakit!?” galit na tanong ng binata.

“Anong nangyari? May problema ba?” naguguluhang sagot naman ng dalaga.

“Bakit may nobyo ka na? Bakit hindi mo kaagad sinabi sa akin ha?!”

“Teka, bakit Philip? Ano ba talagang problema? Bakit ka nagagalit?” muling tanong ng babae.

Hindi naman na sumagot si Philip at ibinaba na ang telepono. Naiwan namang naguguluhan si Mitch sa mga nangyari. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang ang galit ni Philip nang malaman na mayroon na siyang nobyo.

Ilang linggo ang lumipas ngunit walang paramdam sa kanya ang lalaki. Hindi ito tumatawag o nagtetext man lang, at hindi rin niya nakakasalubong sa kolehiyong pinapasukan.

Hindi naman din nagiging maganda ang relasyon ni Mitch sa kanyang nobyo. Masyado itong pabaya sa pag-aaral at nagiging seloso na hindi naman nagustuhan ng dalaga. Sinubukan niyang ayusin pa ngunit sa hiwalayan din naman nauwi ang una niyang relasyon.

Nasaktan siya ngunit mabuti na rin na ganon, dahil parang niloloko naman na din niya ang kanyang sarili. Alam naman niya kung sino talaga ang tinitibok ng kanyang puso hanggang ngayon, walang iba kundi si Philip.

Isang araw ay nabalitaan na lamang niya na nagkalabuan si Philip at ang nobya nito. Nagkahiwalay daw ngunit hindi niya alam kung ano ang naging matinding dahilan. Gustuhin man niyang itanong ngunit sadyang hindi na siya pinapansin ni Philip.

Pagkatapos ng anim na buwan ay tumunog ang kanyang cellphone at laking gulat niya na si Philip ang tumatawag.

“Hi Mitch, pwede ba akong humingi ng pabor?” tanong ng lalaki.

“Oo naman. Ano bang pwede kong magawa para sa’yo?”

“Pwede mo ba akong samahan? May ipapakuwadro lamang ako na larawan ngayon. Sobrang importante lang kasi nito sa akin,” wika naman ng binata.

“Okay sige. Magkita na lamang tayo mamaya,” masiglang tugon naman ng dalaga.

Naisip ni Mitch na baka iginuhit nito ang dating nobya at ipapakuwadro ng lalaki ang larawan upang gawing regalo sa babae, bilang handog na rin siguro para magkabalikan silang dalawa.

Nang makarating ang babae sa nasabing lugar ay napansin niyang nakaupo doon si Philip. Hawak-hawak nito ang nakabalot sa dilaw na papel na isang larawang nakakuwadro na.

“Late na ba ako?” tanong ni Mitch.

“Hindi, you’re just in time,” nakangiting sagot naman ni Philip.

“Ah eh bakit tapos na kaagad iyan?” tanong muli ng dalaga habang nakatingin sa hawak ng binata.

“Last week ko pa kasi ito dinala dito, ngayon ko pa lang kukunin,” sagot ng lalaki.

“Ah eh, ano pang silbi ko dito? Tapos naman na pala,” natatawang saad ng babae.

Tumayo si Philip at lumapit sa kanya habang inaabot ang nakabalot na larawan. Laking gulat ni Mitch nang makita ang larawan niya na iginuhit ni Philip noong high school pa lamang sila.

“Pasensya ka na, ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob pero matagal ko nang gustong ibigay ito sa iyo,” saad ng binata.

“Salamat, napakaganda ng pagkakaguhit mo,” tugon naman ng dalaga.

“Matagal na kitang gusto Mitch ngunit natatakot lamang ako na masira ang pagkakaibigan natin ‘pag nalaman mo. Pero mahal kita Mitch, high school pa lamang tayo. Patawarin mo ako kung ngayon ko lamang nasabi pero noong malaman ko na mayroon ka nang kasintahan ay sobrang nasaktan ako.

Nagkalabuan kami ni Jinky at nagkahiwalay, subalit mabuti na iyon dahil ayoko naman siyang lokohin, gayong ikaw talaga ang tinitibok ng puso ko. Sana ay mabigyan mo ako ng pagkakataon upang iparamdam sa’yo ang pagmamahal ko,” pagtatapat ng binata.

Bahagyang naluha naman si Mitch sa narinig, “hindi ko akalaing darating ang araw na ito. Parang panaginip lamang, ngunit sobrang saya ko sa mga narinig ko. Matagal na din kitang mahal, Philip. At itong larawan na ito ay nakita ko na rin noong high school pa tayo.

Hindi ko na nasabi sa’yo ngunit sobrang galak ang naramdaman ko nang nakita ko ito. Nasaktan lamang din ako noong nalaman ko na nobya mo na ang kaibigan ko pero mahal kita. Kaya sinuportahan ko ang bagay na makagpapasaya sa’yo, kahit na masakit para sa akin,” pag-amin naman din ng dalaga.

“Hayaan mong itama ko ang mga naging pagkakamali ko noon, ikaw ang gusto kong makasama Mitch, ang maganda mukha mo lamang ang tanging larawan na nakaguhit sa aking puso,” saad ng lalaki.

Lumapit siya sa dalaga at saka ito hinalikan sa noo, pababa sa ilong hanggang makarating sa mapupulang labi. Napapaluha naman ang dalaga dahil pangarap lamang niya ang pagmamahal ng binata ngunit ngayon at abot-kamay na niya ito.

Ang buong akala ng babae ay hindi siya magugustuhan ng pinakamamahal na lalaki ngunit nakaguhit na pala sa puso nito ang kanyang larawan noon pa man. Naging mabait na kaibigan siya kahit na nasasaktan noon ngunit labis na galak pala ang kapalit nito ngayon.

Advertisement