Tinakbuhan ng Dalaga ang Utang Niya sa Mabait na Matanda, Mas Masakit ang Naging Balik ng Kapalaran sa Kanya
Kilala si Mang Julio bilang isang matulungin at mapagmalasakit na kapitbahay, sa tuwing mayroong mga nangangailangan sa kanilang lugar ay madalas na sa kaniya sila lumalapit.
Mag-isa na lamang siyang naninirahan sa kaniyang tahanan mula ng pumanaw ang kaniyang asawa at mangibang bansa naman ang kaniyang anak na si Jacob.
“Pa, nagpadala na po ako ng pera para pang-allowance niyo. Patingnan niyo na rin po sa doktor yang ubo niyo, parang nung isang Linggo ko pa iyan naririnig ah.” wika ng lalaki sa telepono.
“Salamat anak, wag ka masyadong mag-alala, medyo lumalamig lang talaga ang klima ngayon kaya madalas akong inuubo.”
“O siya mag-ingat kayo diyan papa. Tumawag lang po kayo ‘pag may kailangan kayo.” bilin ni Jacob.
Kinabukasan habang nagdidilig si Mang Julio ng kaniyang mga halaman ay dumating ang kaniyang kapitbahay na si Rose. Isang dalaga na mag-isa ring naninirahan malapit sa kanilang bayan.
“Mang Julio, pasensya ka na ang aga kong mang-istorbo.” bungad niya.
“O Rose, magandang umaga sa iyo. May kailangan ka ba?”
“Kasi manghihiram ho sana ako ng pera, dalawang buwan na akong hindi nakakabayad sa kuryente. Huwag po kayong mag-alala, sa susunod na Linggo babayaran ko rin.”
“Ah ganun ba, ay may naitatabi naman akong pera dito kaso ay pampacheck up ko sana ito nito ng ubo ko. Ibalik mo nalang sa akin ha.” sabay abot niya ng pera.
Ipinangako ni Rose na ibabalik niya ang salapi sa lalong madaling panahon at inasahan naman iyon ng matanda. Ngunit isang buwan na ang lumilipas ay hindi pa rin nagpapakita sa kaniya si Rose.
“Aling Pasing, nakita niyo ba si Rose?” tanong ni Julio sa naglalako ng paninda.
“Ang balita ko ay isang buwan na siyang wala, sabi ng kaniyang kapitbahay ay nanirahan na raw sa Maynila. Bakit mo ba naitanong?”
“Ganun ba? Ang totoo niyan ay pinahiram ko kasi siya ng pera. Gagamitin ko sana iyon para magpacheck up, pero di na siya bumalik.”
Tuluyan na ngang tinakbuhan ni Rose ang kaniyang utang sa matanda, wala siyang kaalam-alam sa naging epekto noon kay Mang Julio.
“Mang Julio! Tulungan niyo kami! Si Mang Julio walang malay!” sigaw ng binatilyong naglilinis ng kaniyang hardin.
Agad nilang isinugod ang matanda sa ospital ngunit huli na ang lahat. Idineklara ng doktor na dead on arrival ang pasiyente at hindi na ito maisasalba pa. Nang mabalitaan naman ni Jacob ang sinapit ng ama ay nagmadali siyang umuwi. Sa lamay ay nakausap niya si Aling Pasing.
“Sinabihan ko siya noon na magpatingin sa doktor dahil lumalala ang kaniyang ubo, hindi niya naman sinunod.” wika ng lumuluhang si Jacob.
“Iho, may sasabihin sana ako, nakausap ko kasi ang papa mo. Nasabi niya sa akin na hiniram ni Rose ang perang pampacheck up sana ng papa mo, ang kaso ay tinakbuhan siya nito at nagtungo na sa Maynila.”
Labis itong ikinagalit ni Jacob at hinalughog ang dating tirahan ng babae upang alamin kung saan ito maaring nagpunta. Isang sulat mula sa tiyahin ni Rose ang kaniyang nakita at nakalagay doon ang address na tinitirahan nito. Nang mailibing ang kaniyang ama ay pumunta siya roon upang hanapin ang babae. Ma-swerte namang natagpuan niya agad ang kinaroroonan nito.
“Hi miss. Pwede ko bang mahingi ang numero mo?” wika niya sa waitress na si Rose.
Namula agad ang babae dahil isang napakagwapong lalaki ay humihingi ng kaniyang numero, agad niya iyong ibinigay sa estrangherong nagpakilala bilang si Mateo. Mula noon ay naging madalas na silang magka-text.
“Hi Rose, kamusta ang ang araw mo?”
“Okay naman, ikaw?”
“Sakto lang, hindi kasi kita nakita eh.”
“Bolero!”
Hanggang sa isang araw ay opisyal ng niligawan ni Mateo si Rose, wala namang patumpik-tumpik na sinagot ng babae ang lalaki.
“Babe, saan mo ako dadalin sa 1st monthsary natin?” tanong ni Rose.
“May surprise ako sayo babe, hintayin mo lang.”
Nangiti naman si Rose sa wika ng nobyo, at nang dumating na ang kanilang monthsary ay pinaghandaan niya ito. Sinundo siya ni Mateo sa kaniyang tirahan at piniringan ang mata, pinasakay siya nito sa kotse at tahimik na pinaghintay sa mahabang biyahe.
“Nandito na tayo babe, o dahan dahan sa pagbaba.” wika ni Jacob habang inaalalayan siya sa pagbaba.
“Ano ba ito ang lamig naman.” sagot niya.
HInawakan ni Mateo ang kamay ng nobya at sinamahan sa paglalakad. Hindi naman makapaghintay si Rose sa sorpresang inihanda ng kaniyang nobyo.
“Babe, okay na pwede mo ng tanggalin ang piring mo.” ayon kay Jacob.
Tinanggal ito ni Rose at laking gulat niya nang makitang sila ay nasa sementeryo, nakaharap siya sa puntod na mya sariwang mga bulaklak at kinilabutan siya nang makita ang pangalan doon ni Mang Julio.
“Mang Julio.”
“Tama ka Rose, siya nga pala ang papa ko na tinakbuhan mo gamit ang perang para sana sa kaniyang pagpapagamot. Ako naman si Jacob, ang nag-iisa niyang anak.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Yung inutang mong pera na hindi mo binayaran, naalala mo? Para yun sa pagpapa-check up ni papa, pero dahil hindi ka nagbayad ay nag-agaw buhay siya at pumanaw! Tingnan mo Rose! Tingnan mo ang ginawa mo sa papa ko.”
Anumang paliwanag ni Rose ay hindi siya pinakinggan ng lalaki. Lumuhod man siya sa harap nito ay hindi ito nagpatinag. Iniwanan siya ni Jacob sa sementeryo, sa wakas ay naiganti na nito ang amang pumanaw.
Hindi na siya muling nagpakita pa kay Rose at bumalik na sa kaniyang buhay sa ibang bansa. Habang si Rose naman ay habambuhay na nagsisisi sa kaniyang ginawang kasalanan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.