Bigla na Lamang Hindi Nagparamdam ng Nobyo ng Babae; Napaiyak Siya nang Malaman ang Tunay na Dahilan
Unti-unti nang namamaalam ang araw noon, nagbabadya ng panandaliang pagkukubli sa pagsapit ng gabi. Nakaupo lamang si Janna mula sa kanilang terasa habang ninanamnam ang natitirang init ng sinag ng araw noong oras na iyon.
Napaisip siya ng bahagya, “ilang taon na nga rin ba ang nakalipas? Tatlo? Apat?”
Apat na taon mula nang huli niyang makita ang sinisintang si Ace. Apat na taon na ang nakalipas, subalit tila ba ay sariwang-sariwa ang mga pangyayari nang sila’y magkahiwalay. Maaring magkalayo man ang kanilang lugar, pero hindi ang damdamin.
Katatapos lamang ni Janne ng kolehiyo noon nang magpasyang mangibang bansa ni Ace. Inaya niya si Janna, subalit tumanggi ito dahil kailangan ng mag-aalaga sa na-stroke niyang tatay at ang ibang kapatid naman niya ay hindi pa tapos sa pag-aaral.
Naintindihan naman ng binata ang rason ng nobya kaya’t pumayag naman din siya. Nangako pa siya na araw-araw silang magpapalitan ng mensahe at magtatawagan. Pero ilang panahon lang ang lumipas, bigla na lamang naputol ang kanilang komunikasyon, hanggang sa tuluyan nang umabot ito ng apat na taon.
Hayskul noong unang magtagpo ang landas nina Ace at Janna. Isa si Ace sa pinakamalalapit na kaibigan ng dalaga. Ilang taon din muna silang nanatiling magkaibigan bago pa tuluyang nauwi sa pag-iibigan. Dahil sa mga maliliit na tuksuhan ng mga kaibigan, uusbong pala ang isang matamis na pagtitinginan.
“Nako! Tigilan ninyo nga ako! Pag tropa, tropa lang dapat,” laging bukambibig ni Janna noon.
Noong una kasi ay hindi niya lubos maisip na iibig sa kanya ang kaibigan. Pangalawa, hindi rin naman siya sigurado kung may nararamdaman nga ba ito para sa kanya, pero di naglaon ay nagtapat din naman ng dadamin si Ace.
Sa ilang panahong panliligaw ni Ace ay unti-unti din naman siyang nabibigyang halaga ng dalaga. Unti-unti niya itong napapangiti sa mga simpleng paraan, gaya ng pagbati sa umaga at matatamis na ngiti na tila ba ay may mga sinasabi.
“Tumigil ka na sa panliligaw mo sa’kin, Ace,” saad ng dalaga.
“B-bakit? Akala ko ba ay ayos na tayo? Bakit biglang nagbago ang ihip ng hangin?” nag-aalalang sagot ng lalaki.
“Eh sa gusto ko nang tumigil ka na, bakit ba?”
“Bina-basted mo na ba ako, Janna?” tanong ng binata na napapakunot na ang noo.
“Hindi,” tipid na sagot ng dalaga.
“O eh ano?” tanong muli ni Ace.
“Tumigil ka na sa panliligaw, kasi sinasagot na kita!” nakangiting sabi noon ni Janna.
Iyan ang mga matatamis na alaalang palaging binabalikan ni Janna noong panahong magkasintahan pa sila ni Ace. Naging gawi na niya ang magbalik-tanaw sa nakaraan tuwing palubog na ang araw.
“Janna! Yung cellphone mo kanina pa tumutunog! Nabingi ka na ba diyan?” sigaw ng ina ng dalaga.
Agad namang napatayo ang dalaga at nagmadali kunin ang cellphone niya na nakapatong sa lamesita sa salas. Agad niyang pinindot ito bago pa man matapos ang tawag.
“H-hello?” hinihingal niyang bati.
“Hi, Janna…” mahinang tugon ng nasa kabilang linya.
“Sino po ito?” tanong niya. Hindi niya alam kung may problema pa ang kanyang cellphone o sadyang garalgal lamang ang linya ng kausap niya.
“Si Ace ‘to, Janna.”
Bigla namang nabuhayan ng dugo ang babae, ngunit tumahimik lamang siya upang pakinggan ang sasabihin ng dating kasintahan.
“Patawarin mo ako Janna, kung hindi ko nagawang magparamdam o magpakita lamang sa’yo sa loob ng apat na taon. Maaari ba tayong magkita? Gusto sana lamang kitang makausap,” pakiusap ng lalaki.
“Saang lugar ba tayo magtatagpo?” mahinang tanong ng dalaga.
“Sa park kung saan tayo laging tumatambay ng college. Magkita tayo doon sa coffee shop na nakatayo doon. Nandoon na ako ng alas kuwatro ng hapon, inaasahan ko ang pagdating mo, Janna,” saad ni Ace bago pa tuluyang pinutol ang usapan.
Kinabukasan ay agad naman nag-ayos si Janna. Naghahalong kaba at kasabikan ang kanyang nadarama. Huminga siya ng malalim ay nakangiting nagtungo sa coffee shop sa lugar na pinag-usapan.
Labis-labis na ang kasabikan niyang makita, makausap at muling mayakap ang tanging lalaking minahal niya. Ilang sandali pa ay natanaw naman na niya ang isang lalaking nakatalikod ng bahagya . Malapit na sana siya noon nang bigla itong lumingon at magtagpo ang kanilang mga mata.
“Ace!” nakangiting bati ng dalaga. Sinuklian naman din ito ng isang magandang ngiti ng lalaki.
“Janna,” bati ni Ace.
Tumakbo si Janna at saka yumakap ng mahigpit sa lalaki. Para bang bata na sabik na sabik na muling makita at mayakap ang ina na nawalay ng matagal na panahon. Gumanti din naman ng isang mahigpit na yakap sa kanya ang lalaki.
“Bakit ngayon ka lang nagpakita? Ang tagal na panahon din kitang inintay. Sa wakas at magkakasama na tayong muli!” may kaunting pagtatampong sabi ni Janna.
“Patawarin mo sana ako, Janna,” bakas naman sa mukha ng lalaki ang biglaang pagbabago ng ekspresyon sa kanyang mukha. Ang mga mata at labi na kaninang nakangiti ay bigla na lamang napalitan ng pag-aalala.
Maya-maya ay may batang nasa tatlong taong gulang naman ang lumapit sa lamesa kung saan nakaupo ang dalawa, “daddy, karga!” sigaw ng batang lalaki kasunod ang isang magandang babae na mayroon dalang mga kape.
Biglang natahimik si Janna at napatulala. Hindi niya magawang magsalita dahil nauutal-utal siya habang nagbabadyang pumatak ang mga luha. Ito ay ang mga eksena na kahit walang paliwanagan ay kaya nang bumuo ng isang usapan.
“Hon, doon lang muna kami ni baby sa kabilang table ha?” pagpapaalam ng magandang babae habang nakangiti. Sinuklian naman ito ng isang tango ni Ace.
Ilang sandali lamang ay naramdaman na ni Janna ang pagtulo ng maiinit na luha galing sa kanyang mata at pababa sa kanyang mga labi. Lasang-lasa niya ang pait ng mga luhang ito, mapait pa sa kapeng nasa harapan niya.
Hindi siya makaimik dahil bawat buka ng kanyang bibig ay siya namang pagpatak ng kanyang mga luha. Bawat patak ng luha ay para bang kutsilyong tumatarak sa kanyang dibdib. Wala siyang ibang maramdaman kundi ang sakit sa sugatan na niyang puso.
“I’m sorry, Janna. Ang totoo niyan, kaya hindi ko nagawang magpakita sa’yo ng ilang taong ay dahil hindi ko talaga alam kung paano ako haharap sa’yo,” pahayag ng lalaki habang umaagos ang luha galing sa kanyang mga mata.
“Sana ay sinabi mo kaagad. Nag-intay ako ng matagal Ace,” saad ng dalaga.
“Hindi ko alam kung saan ko sisimulang ipaliwanag ang lahat, pero natagpuan ko ang kaligayahan sa ngiti ng aming anak. Alam kong malaki ang naging kasalanan ko sa’yo, Janne, kaya humihingi ako ng kapatawaran.
Alam kong masasaktan ka sa ginawa kong ito, pero dapat lamang na malaman mo ang totoo. Sana ay dumating ang araw na mapatawad mo ako sa kamaliang nagawa ko. Nagkaleche-leche ang buhay ko sa abroad noon, tanging si Janice lamang ang bukod tanging tumulong at tumanggap sa akin.
Ginusto kong tawagan ka pero nawala ang mga pera pati na ang cellphone ko. Hanggang sa dumating ang araw na di ko namamalayang nahuhulog na pala ang loob ko sa babaeng kumupkop sa akin.
At ngayong biniyayaan na kami ng anak, mas labis na ang kaligayahan ko lalo na sa tuwing ngingiti ang anak ko, pero hindi ko kayang maging maligayang tunay, gayong alam kong may isang taong nasasaktan dahil sa akin.
Lubos akong nagpapasalamat sa pagmamahal na ibinigay mo sa akin, Janna, pero kailangan na rin nating pakawalan ang ating nakaraan. Patawad…” napakahabang paliwanag ng lalaki.
Nakita ni Janna ang ibang saya sa mata ni Ace habang minamasdan nito ang naglalarong anak, kaya’t hinawakan niya ang kamay ng lalaki sa huling pagkakataon at pinilit na ngumiti habang tumutulo ang luha.
“Gusto ko lang naman ay makita kang masaya, Ace. At ngayon, sapat na sa akin na malaman na may nagdadala na ng bagong ngiti galing sa’yong mga labi. Magiging masakit man, pero kaligayahan ko ang malamang masaya ka na.
Siguro ito lamang din ang iniintay ko. Ang magkaroon ng pagtatapos ang love story natin. Magiging okay din ako balang-araw. Salamat dahil naging totoo ka sa nararamdaman mo.
Ngayon ay magagawa ko nang umusad dahil nagkaroon na ng kasaraduhan ang maliit nating magpakailanman,” tugon ni Janna.
Tumayo siya at patakbong lumabas ng coffee shop. Masakit, napakasakit na pangyayari na kailangan niyang tanggapin. Ilang gabi din siyang lumuluha at nagtatanong, ngunit alam naman na din niya ang kasagutan, hindi sila itinakda para sa isa’t isa.
Isang hapon habang muling nakaupo sa labas ng kanilang bahay ay muli niyang sinariwa ang matatamis na kahapon sa huling pagkakataon. Unti-unti nang lumulubog ang araw at muling sasapit na naman ang gabi.
“Tama na rin siguro na muli kaming nagtagpo. Siguro ay kailangan talaga ito upang maihanda kong muli ang aking puso para sa bukas na darating,” nakangiti niyang bulong sa kanyang sarili.
‘Di man sila ang itinadhana para sa isa’t isa, nasaktan man siya ng higit pa sa sobra-sobra, kahit papaano ay natutunan naman niya ang mag-intay at matikman ang katotohanang napakasarap pa rin ang umibig.
Darating din ang panahon na maghihilom at tuluyang gagaling ang puso niyang nag-aaral kung paano ang magpatawad. Ang kanyang damdaming pinalungkot ng gabing madilim ay muling ngingiti sa pagsapit ng kinabukasan na taglay ang bagong pag-asa, na muling magbubukas ang kanyang puso at iibig sa tamang taong nakalaan para sa kanya.