Pinili ng Babae na Maging Kabit ng Isang Pamilyadong Lalaki; Napaluha na Lamang Siya ng Minsang Sampalin Siya ng Reyalidad Dahil sa Maling Desisyon na Pinasok Niya
Mula nang umibig si Joy sa isang may asawa ay kanya ding tinalikuran ang pagiging isang relihiyosa. Sa dalawampu’t anim na taong nabuhay siya sa mundo, tanging ang Diyos lamang ang kilala niyang hindi nang-iwan sa kanya sa kabila ng mga nangyayari sa kanya.
Pero lahat ay nagbago nang makilala niya si Reynald. Isang pamilyadong lalaki na may halos sampung taon na tanda sa kanya. Tumalikod siya sa matuwid na daang tinatahak at naglakbay patungo sa daan ng pag-ibig na kahit na mali ay pinili niyang tahakin.
Noong una’y akala niya kaya niyang tanggapin ang lahat. Akala niya ay kaya niyang sikmurain ang pagiging pangalawa sa buhay ng isang lalaki at higit sa lahat, akala niya ay kayang hamakin ng pag-ibig ang lahat.
Hanggang isang araw ay natagpuan na lamang niya ang kanyang sarili na lumuluha habang nakaluhod sa loob ng simbahan. Hindi niya alam kung bakit o paano, pero isang araw ay sinampal na lamang siya ng reyalidad.
“Kaytagal na panahon na rin pala mula ng huli kitang nakausap ng puso sa puso. Matagal na panahon na din simula ng huli akong tumawag sayo. Ilang buwan na nga ba? Mali, taon na din ata.
Ang totoo, hindi ko na talaga maalala. Simula ng talikuran ko ang lahat ay tinalikuran ko na din maging ang pananampalataya ko. Pero alam kong nakatingin ka lamang sa akin, nakamasid at tinutulungan ako sa panahong kailangan,” mahinang sambit niya habang nakapikit.
Masakit mang aminin, pero ginusto niya lahat ng ginawa niya. Kaya lahat ng masasakit na bagay na dinaranas niya ngayon ay bunga lamang ng mga maling desisyong kanyang ginawa.
Halos dalawang taon na ang nakaraan nang unang magtagpo ang landas nila ni Reynald. Nasa isang bar siya noon habang magsaya, si Reynald naman ay nandoon upang panandaliang makalimot sa dinadalang problema.
“Pwede ba makiupo, miss?” tanong ni Reynald.
Tumango lamang si Joy habang iniinom ang tequila sa kanyang harapan. Nagpakilala sila sa isa’t isa at saka nagpalitan ng kanya-kanyang kwento. Magmula ng gabing iyon, tuluyang nabago ang katayuan ni Joy tungkol sa pagmamahal at paniniwala sa Maykapal.
Hindi niya kinukwestiyon ang Diyos, sadyang mas naging matindi lamang siguro ang oras at presensiya na ibinibigay at pinapakita sa kanya ng lalaki. Naging madalas ang pagtatagpo nila at nasundan pa ito ng nasundan.
Hanggang sa dumating na sila sa puntong hindi na nila napigilan ang patuloy na paglalapit at paglago ng init sa kanilang mga damdamin. Hindi na nila napigilan ang tukso. Masakit mang aminin, pero ang katotohanan ay si Joy ang tukso, isang napakalaking tukso para sa isang lalaki na may pamilya at tatlong mabubuting anak.
Sinubukan naman niyang pigilan ang lahat. Sinubukan niyang paglabanan pa ang nararamdaman, pero naging mahina siya. Nagpatalo siya sa bugso ng damdamin. Dahil sa bawat pagkakataong magkakaroon siya ng lakas na loob na kumalas, isang haplos at yakap lamang ni Reynald ay handa na siyang magpakatangang muli.
Tiniis niya ang tinanggap ang posisyon ng isang pagiging kabit. Isang number two sa lalaking minamahal. Maging ang paglilingkod sa Diyos ay tinalikuran niya upang ipaglaban ang pag-iibigan na una pa lamang ay mali na.
Kapag sila ay magkasama, pilit niyang itinatago ang sakit at ang luha na nagbabadyang kumawala galing sa kanyang mga mata sa tuwing tatawag ang mga anak o asawa ng lalaking minamahal.
“Mahal, nandito na ako sa tagpuan natin, nasaan ka na ba?” tanong ni Joy sa kausap sa telepono.
“Pasensya ka na mahal, nag-aya kasi ang asawa at mga anak ko na kumain kami sa labas ng sama-sama, kaya hindi ako makakarating. Teka lang, nandito na ang misis ko. Bawi ako ha?” tugon ni Reynals sabay baba ng telepono.
May mga panahong pinilit ni Joy na makinig sa mga kwento ng lalaki tungkol sa kanyang pamilya tuwing sila ay magkasama. Pinipilit din naman niyang maging masaya kahit na hindi nagagawang makarating ni Reynald sa pinag-usapang tagpuan dahil sa ibligasyon nito sa pamilya.
Sa tuwing magkakaroon ng pagkakataon na lumabas ay halos lokohin na ng babae na masaya siya sa tuwing mahahawakan niya ang kamay ng kasintahan sa mga nakaw na sandali. Nagpakamanhid siya sa lahat ng sakit dahil para sa kanya, lubos lamang siyang nagmamahal.
“Mahal mo ba talaga ako?” seryosong tanong ni Joy.
“Oo naman. Mahal kita syempre,” nangingiting sagot naman ni Reynald.
Sa mga panahong nagpalutang-lutang lamang ang dalaga sa dagat ng kadiliman, ay wala siyang ibang naisin kundi ang maanggihan man lang din ng konting pagmamahal. Isang taong uhaw na uhaw sa pagmamahal ng ibang tao.
Pinili niyang magbulag-bulagan para sa kakarampot na pagmamahal na itinatapon sa kanya ng lalaki. Masakit mang aminin, peor ang katotohanan ay isa siyang ahas, kabit at pangalawa lamang. Pero magkaganoon man, hindi naman siya nagpumilit na suklian ang kanyang pagmamahal.
T*nga, yan ang mas magandang itawag na lang daw sa kanya. Matagal na panahon din siya nagtiis at nagpakat*nga. Akala niya ay malakas na siya dahil napipilit niyang sikmuran ang lahat ng ito.
Hanggang sa nagkagipitan na. Isang araw ay aksidente silang nagkita-kita sa loob ng isang mall. Di naman sinasadyang nabati ni Joy ang lalaki. Ang hindi niya alam ay kasama pala ni Reynald ang asawa pati ang mga anak.
“Kumusta? Sinusubukan kitang i-text kagabi pero hindi ka sumasagot,” nakangiting bati ng babae.
Bago pa man makapagsalita si Reynald ay sumingit ang asawa nito, “Hon, anong mas okay, itong red o itong black na sapatos?” tanong nito sabay napatingin kay Joy, “sino pala siya?” tanong muli nito.
“Ah eh nagtatanong lang kung alam ko daw yung ATM dito,” tumingin naman ang si Reynald kay Joy, “o kaya naman miss, magtanong ka na lang sa mga saleslady o sa guard baka alam nila,” at saka ito ngumiti.
Napalunok naman si Joy na tila ba ay nabigla din. Alam niyang kailangan pero nasaktan siya nang magpanggap ang nobyo na hindi siya kilala. Sa di kalayuan ay pinagmamasdan niya ang mag-anak na masayang namimili ng mga gamit.
Pilitin man niyang ngumiti at magkunwaring masaya, pero sa pagkakataong ito, labis na ang sakit na kanyang nadarama. Wala nga pala siyang karapatan, dahil isang hamak na kabit lamang siya.
Umalis siya ng mall at naglakad-lakad. Hanggang sa napatingin na lamang siya at napansing nakatayo na siya sa loob ng simbahan. Napaluha siya ng sobra. Napaluhod siya at humagulgol ng sobra.
Sa isip-isip niya ay nagtatanong pa rin siya, “bakit nga ba ako nandito? Bakit ko tinitiis ang lahat ng sakit na ito? Bakit ko nga ba tinitiis ang konsensya ko gayong malaya naman talaga ako?”
Sa kanyang pagluha ay isang taimtim na dasal ang kanyang inalay. Panahon na siguro upang palayain niya ang sarili sa pagkakagapos ng inaakalang masayang pag-ibig. Panahon na siguro upang bumitaw sa isang bagay na nagdudulot lamang ng sakit sa kanya.
Matapos ng araw na iyon ay pinutol niya lahat ng namamagitan sa kanila ni Reynald, pero magkaganoon man ay sariwang-sariwa pa rin sa kanya ang sakit na idinulot ng maling desisyon.
Minsan ay dumarating siya sa puntong nais na niyang humimlay na lamang sa harap ni Reynald upang malaman nito ang labis na sakit na kanyang nadarama. Pero para saan pa gayong wala naman pala talaga itong pakialam sa kanya. Ginamit lamang siya para sa pansariling kaligayahan ng lalaki.
Bumalik siyang muli sa simbahan at doon nag-alay ng isang panalangin. Panalangin na dumudulog ng kapatawaran at kagalingan sa puso niyang nananatiling sugatan.
“Panginoon ko, sa kabila ng lahat ng ginawa ko Sa’yo, sa lahat ng ginawa ko sa aking sarili, mapapatawad Mo pa kaya ako? Titingin Ka pa rin ba sa akin? Sasabayan Mo pa rin ba ako sa lakbayin kong ito sa buhay na may ngiti?
Yayakapin Mo pa rin ba ako ng presensiya Mo sa tuwing ako ay manghihina? Kung oo, dalangin kong haplusin Mo ang puso ko labis na ang sakit. Isang pagkakataon na baguhin ang sarili ko lamang ang hinihiling ko, Diyos ko,” lumuluha niyang dasal.
Ilang buwan pa ang lumipas at unti-unti namang naghihilom ang sugat sa puso ni Joy. Lubos siyang nagsisi sa nagawang kamalian, at buong puso muling lumakad sa daan patungo sa kagustuhan sa kanya ng Maykapal.
Sa di inaasahang pagkakataon ay dumating sa buhay niya si Kevin. Isang lalaking buong puso na tinanggap ang lahat ng kanyang pagkakamali, isang lalaki na umaalalay sa kanya sa tuwing siya ay nanghihina, at ang tanging lalaki na nagharap sa kanya sa altar upang sumumpa na mamahalin siya panghabang buhay.
Sa katauhan ni Kevin sumagot ang Diyos. Ito ang tumulong sa kanya upang maituwid ang noong pagkakamali, at ito rin ang nagpatunay sa kanya na hindi hadlang ang pagkakamali para siya ay ibigin ng buong-buo.
Minsan ay talaga naliligaw tayo ng ating landas, pero idulog lamang natin ito sa Diyos at magtiwala sa plano Niya sa atin. Kung ang babaeng bayaran sa Bibliya ay nagawa niyang pagbaguhin, paano pa kaya tayong anak Niya na lubos din Niyang minamahal.