Nagpasya ang Babaeng Tuldukan na Lamang ang Buhay Niya Matapos Saktan ng Isang Lalaki; Isang Pangyayari Pala ang Magpapabago ng Kanyang Isipan
Isang OFW si Ryzza sa Singapore at nagtatrabaho bilang isang consultant. Habang nagtatrabaho sa ibang bansa ay naiwan naman sa Pilipinas ang kanyang kasintahan na si Benjie. Walong taon na sila ng kanyang nobyo at naging maganda naman ang takbo ng kanilang relasyon.
Simula nang maulila ay tanging si Benjie na lamang ang naging pamilya ni Ryzza. Sa katunayan, ito rin ang naging rason upang makipagsapalaran siya sa ibang bansa. Napakarami nilang pangarap na gustong matupad. Ang pagpunta ni Ryzza sa Singapore ang nakikita niyang susi sa katuparan ng kanilang mga pangarap.
Taong 2013 noon, sabik na sabik nang umuwi ng Pilipinas si Ryzza upang surpresahin ang nobyo. Halos umapaw ang kanyang mga bagahe sa dami ng mga binili niyang pasalubong para dito.
Mga mamahaling pabango, damit, at mga gadgets. Dagdagan pa ng mga masasarap ng tsokolate at pagkain. Bitbit din niya ang kanyang mga naipon na pera, kasabay ang pag-asa ng kanilang bagong panimula.
Sa kanyang pag-uwi ay ibang Benjie ang sumalubong sa kanya. Siya pa ang nasorpresa nang madatnan niyang may ibang babae itong kinakasama sa mismong bahay na naipundar nila.
“Anong ibigsabihin nito ha? Mga walanghiya kayo! Ang kakapal ng mga mukha niyo!” sigaw ni Ryzza.
“Magpapaliwanag ako, Ryzza. Nalungkot lamang ako nang umalis ka kaya hindi ko sinasadyang mambabae,” paliwanag naman ni Benjie.
“Ano? Nalungkot ka? May choice ka naman na sumunod sa akin sa Singapore, hindi ba? Ang kakapal ng mukha niyo para gawin sa akin ito!” isang mag-asawang sampal ang ibinigay ng babae sa kanyang kasintahan.
Sobrang sakit para sa kanya ang pagtaksilan ng taong minahal at pinagkatiwalaan. At mas lalong nagpabigat ng kanyang nararamdaman ang malaman na nabuntis pala ng kanyang nobyo ang babaeng kinasama nito habang siya’y nasa ibang bansa.
Hindi na niya alam ang kanyang gagawin. Labis na sakit ang kanyang nadarama. Gulong-gulo ang isip niya at parang gusto na lamang niyang magwala. Noong araw na iyon ay pinalayas niya si Benjie at ang babae nito.
Ilang linggo siyang nagkulong at nagmukmok sa looban ng kanyang bahay. Hanggang sa isang araw ay nahismasmasan na rin siya. Naubos na ang mga luha niya at napagod na rin siya sa paghagulgol.
Sa kanyang pag-iisa, araw-araw siyang dinadalawa ng kalungkutan. Isang gabi ay naisip na lamang niyang tapusin na ang lahat. Wala na siyang pamilya at wala na rin naman ang taksil niyang nobyo. Siguro, mas mabuti kung talikuran na lamang din niya ang buhay na tila wala nang halaga.
Kinaumagan ay umalis sila agad at nagtungo sa isang hardware sa mall upang bumili ng isang makapal na lubid. Buo na ang kanyang desisyon na tapusin na ang kanyang noong araw na iyon.
Tulala siyang pumasok ng hardware at tila ba lutang na lutang ang isipan. Hindi niya namalayang siya na pala ang kasunod sa pila.
“Ma’am, kayo na po ang next,” pagtawag sa kanya ng lalaking nasa cashier.
“Ah sorry. Magkano ito?” tanong niya.
“Aanhin ninyo ang makapal na lubid na ito ma’am?” pag-uusisa ng lalaki.
“Baka kasi maisipan kong isabit ang sarili ko sa kisame, kaya mabuti na yung siguro. Kaya wag ka nang maraming kwento diyan at baka ikaw ang isabit ko!” inis na tugon naman ni Ryzza.
Napalunok na lamang ang lalaki sa cashier at nagmadaling ibinalot ang lubid. Wala naman nang pakialam si Ryzza sa mga nakakarinig sa kanya. Tatapusin naman na niya ang paghihirap niya ng araw na iyon, kaya hinayaan na lamang niya ang mga nakakarinig.
Pagkalabas ng mall ay agad siyang sumakay ng taksi at nagtungo pauwi. Nang magbabayad na, at saka lamang niya napansin na wala sa kanya ang kanyang pitaka. Dahil sa sobrang lalim ng iniisip ay hindi niya matandaan kung saan niya ito naiwan. Mabuti na lamang at mayroon siyang natirang pera sa loob ng kanyang bag upang makabayad.
Ang dami-dami na nga niyang iniisip, dumagdag pa ang lintik niyang wallet. Nakapaloob pa naman doon ang kanyang ATM card, mga pera at iba pa niyang mga ID.
“Lilisanin ko naman na din ang mundong ito, ano pa bang silbi ng mga iyon? Donasyon ko na iyon sa makakapulot. Sana lamang ay sa mabuting kamay at sa nangangailangan ito mapunta,” mahinang sabi niya sa kanyang sarili.
Inihanda na niya ang lubid at isinabit na sa kisame. Kumuha na rin siya ng silya na tungtungan niya. Napakalakas ng kabog ng kanyang dibdib na halos mailuwa na niya ang kanyang puso.
“Gusto ko nang tapusin ang paghihirap na ito. Kakayanin ko ito,” pagkumbinsi niya sa kanyang sarili.
Ipinulupot na niya ang lubig sa kanyang leeg at saka pumikit, nang sisipain na sana ang silya ay bigla naman siyang napautot sa sobrang kaba. Malakas ito at lumalagapak, dahilang para mapatigil siya saglit at matawa.
“Baliw ka na talaga Ryzza. Baliw ka na talaga…” tumatawa, ngunit naluluha niyang sabi sa kanyang sarili.
Muli, binuo niya ang desisyon na tapusin na ang buhay. Desidido na siyang muli na ipagpatuloy ang masamang balak. Sa pagkakataong ito ay wala nang makapipigil pa sa kanya.
Pumikit na lang muli siya habang nakapulupot ang makapal na tali sa kanyang leeg. Hahakbang na sana siya sa silya kung saan siya nakatungtong nang bigla namang may kumatok sa kanyang pintuan.
“Tao po! Tao po!” pagtawag ng isang lalaki.
“Abala naman itong lintik na ‘to. Alam nang nag mo-moment yung tao, tapos aabalahin ako,” inis niyang sabi.
“Ma’am? Nandiyan ho ba kayo?” muling sigaw ng lalaki.
“Wala! Nagpatiwakal na! Umalis ka na diyan! Ayoko ng kausap!” galit na tugon ni Ryzza.
Dumungaw ang lalaki sa binatana at laking gulat niya nang makitang nagbibigti ang babae sa loob.
“Nako ma’am! Huwag ninyo pong ituloy iyan! Kasalanan sa Diyos ang gusto ninyong gawin,” sabi ng lalaki.
“Sige, iparinig mo pa sa mga kapitbahay! Umalis ka na nga diyan. Masyado mo na akong naaabala,” wika naman ng babae.
Hindi naman na nagpapigil pa ang babae at humakbang na siya sa silya upang maisagawa na ang plano. Nagmadali naman ang lalaking baklasin ang pintuan ng bahay upang sagipin siya.
Saktong paghakbang niya mula sa silya ay panandalian siyang nasabit sa kisame bago ito tuluyang makalas, dahilan para siya ay bumagsak. Hindi naman niya inaasahang masasalo siya ng lalaki kaya’t bumagsak siya dito. Napapikit na lamang ang babae.
Sa kanyang pagmulat ay nakita niyang nakapatong siya sa ibabaw ng isang matipuno at gwapong lalaki. Namumula ang mukha nito at bakas na nasaktan sa nangyari. Tumayo naman agad si Ryzza at nagpagpag.
“Ano ba kasing ginagawa mo, miss? Bakit ka ba nagbibigti?” tanong ng lalaki.
“Wala nang kwenta ang buhay ko. Wala na lahat ng taong minamahal ko. Alam mo? Ayos na sana ang lahat eh, nang-abala ka lang. at saka bwisit na kisameng ito, marupok pala!” inis na sabi niya.
“Huwag mong sayangin ang buhay mo dahil lamang sa nalulungkot ka at nag-iisa ka. Maganda ka at marami pang magyayari sa buhay mo, hindi mo dapat sayangin ang pagkakataon na mabuhay.
Hindi mo ba naiisip na ang daming tao ang nag-aagaw buhay ngayon at dumadalangin na sana ay madagdagan pa ang panahon na ilalagi nila sa mundo? Tapos ikaw, sasayangin mo lang? Huwag ganon!” paliwanag pa ng lalaki.
Napaluha naman ang dalaga sa kanyang narinig. Humagulgol siya ng sobrang lakas dahil sa labis na sakit at kaguluhan sa isip na nadarama. Lumapit sa kanya ang lalaki at saka siya niyakap ng mahigpit. At sa pagkakataon ito, muling nakaramdam si Ryzza ng kapayapaan sa mahigpit at mainit na yakap ng binata.
“Ayos lamang iyan. Teka, eto nga pala ang pitaka mo. Naiwanan mo nung minsang tinarayan mo yung lalaki sa hardware,” pahayag ng lalaki habang inaaabot ang pitaka.
Nagpakilala ang lalaki bilang si Mark. Isang OFW din pala siya at nagkataong nakasabay niya si Ryzza sa pagbili noon sa hardware. Dinala niya sa simbahan ang dalaga upang doon ay magdasal at humingi ng tawad sa planong pagkuha ng sarili niyang buhay.
Magmula ng araw na iyon ay parati siyang dinadalaw ni Mark upang kumustahin. Mas naging malapit sila sa isa’t isa at kalaunan nama’y nagkapalagayan sila ng loob. Hindi naging madali ang pinagdaanan niya, pero sa tulong ng binata ay kinaya niyang malampasan ang lahat ng ito.
Sa muling pagbubukas niya ng kanyang puso ay isang pag-ibig na hindi inaasahan ang pumasok doon. Dahil kay Mark, nagkaroon siya ng rason upang ipagpatuloy ang buhay, lalo na ngayong malapit na niyang iluwal ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan.