Inday TrendingInday Trending
Sa Panahon ng Kadiliman, Ang Bituin Ko’y Magniningning

Sa Panahon ng Kadiliman, Ang Bituin Ko’y Magniningning

Lumaki sa karangyaan si Sofia. Malaking mansion, magagarang sasakyan, maraming utusan, mamahaling mga damit at alahas. Lahat ng karangyaan ay tinatamasa niya at ng kanyang pamilya.

Ngunit sinong magkakaala na lahat ng iyon ay may katapusan pala? Bigla na lamang nalugi lahat ng kanilang negosyo at nalunod sila sa napakaraming utang. Naisangla din lahat ang kanilang mga pag-aari kaya naman walang kahit anong natira sa kanila.

Para bang hindi pa sapat ang paghihirap na kanilang kinakaharap dahil nagkasakit pa ang kanilang ama na siyang bumubuhay sa kanila.

“Sofia, anak, patawarin mo ang daddy kung naging bigo ako sa buhay. Patawad na naging ganito ang buhay niyo ng dahil sa kapalpakan ko. Patawarin mo ako anak,” puno ng emosyong saad ng ama.

Halatang labis na nahihirapan na rin ito. Hinawakan ni Sofia ang kamay ng nakaratay na ama, “Daddy naman, ano ba yang pinagsasasabi niyo? Kahit na naghirap man tayo ay okay lang sa amin. Ang importante ay buo pa rin ang pamilya natin. Kaya wag kang susuko. Hindi mo kami iiwan diba?” naluluhang sabi ng dalaga sa ama.

Ngumiti ng bahagya ang ama ni Sofia sa kanya. “Maraming salamat anak. Napaka-swerte ko at ikaw ang binigay na anak sa akin ng Diyos,” pinisil nito ang kamay ng anak, “ngunit anak, pagpasensyahan mo na kung hihingi ulit ako ng paumanhin sa iyo. Gustuhin ko pa mang lumaban, nararamdaman ko nang sumusuko na ang aking katawan.”

Hindi na napigilan ni Sofia ang kanyang mga luha. “Ikaw na ang bahala sa mommy mo at kay bunso ha? Wag mo silang papabayaan. Mahal na mahal ko kayo anak,” unti-unting pinikit ng ama ni Sofia ang kanyang luhaang mga mata.

Nag-aalala man sa kanyang pamilya ay alam niyang oras niya na. Wala nang magagawa pa ang ang lalaki kundi magtiwala sa panganay na anak na si Sofia, na hindi nito papabayaan ang kanilang pamilya.

Pagkatapos pumanaw ng ama ni Sofia ay mas lalo lamang humirap ang kanilang buhay. Tuluyan nang nawala ang lahat ng kanilang mga ari-arian at nakikitira na lamang sila sa kapatid ng kanyang ama.

Kailanman ay hindi naisip ni Sofia na dadating ang araw na maghihirap sila ng ganoon. Pagkatapos pumanaw ng kanyang ama ay iba’t ibang klase ng pang-aapi ang naranasan nilang mag-iina. Para silang mga pulubi kung ituring ng ibang kamag-anak, lalo na ng pamilya ng kanyang Auntie.

Awang-awa man sa kalagayan nila ay wala namang magawa si Sofia dahil nakikitira lamang sila. Araw-araw ay tinitiis niya na lamang ang lahat habang nagsusumikap mag-aral ng mabuti.

Nagtratrabaho din si Sofia para kahit papaano ay may naibibigay siya sa pangangailangan ng ina at kapatid. Gaya ng kanyang pangako sa kanyang ama, ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para alagaan ang mahal na ina at kapatid.

Isang gabi habang papauwi galing sa trabaho ay tumigil muna si Sofia sa isang parke malapit sa bahay ng kanyang tiyahin. Madalas niya itong gawin tuwing masyadong madami siyang iniisip.

Tumatambay siya sa isang duyan at kumakanta. Hilig niya kasi talaga ang kumanta simula pagkabata.

Kapag kumakanta siya ay para bang nakakalimutan niya lahat ng sakit at paghihirap na kinakaharap niya sa araw-araw. Pakiramdam niya ay malaya siyang gawin ang lahat ng gusto niya at posibleng mangyari ang lahat ng mga pangarap niya. Ang pagkanta lamang ang pangtakas niya sa mundong kanyang ginagalawan.

Lingid sa kaalaman ni Sofia ay may isang lalaki na matagal na pala siyang minamatyagan. Mga ilang buwan na din ang nakakaraan ng di sinasadyang narining ni Kris ang kumakantang dalaga nang minsan ay gabihin siya ng pag-uwi.

Sinundan niya ang mala-anghel na tinig hanggang sa makita niya ang isang napakagandang dalaga na nakaupo sa isang duyan habang kumakanta.

Simula ng gabing iyon ay parati niya na itong inaabangan para makinig. Hanggang isang araw ay naglakas-loob siya na lapitan ito.

“Hello miss,” paunang bati niya sa dalagang halatang nagulat sa bigla niyang pagsulpot.

Napatayo ang babae at para bang tatakbo ano mang oras.

“S-sino ka?” nauutal na tanong ng dalaga kay Kris.

“Wag kang matakot miss. Hindi ako masamang tao,” paliwanag ni Kris sa dalaga. “Nagkataon lamang na narinig kitang kumakanta habang ako’y pauwi na.”

Nakatingin lamang sa kanya ang magandang dalaga na tila ba hinihintay ang susunod niyang sasabihin.

“Okay. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Maganda ang boses mo. Napakaganda. Marunong ka ding kumanta. At sa nakikita ko, maganda ka din. Interesado ka bang maging isang singer?” Tanong ng lalaki. Lingid sa kaalaman ni Sofia na si Kris pala ay isa sa mga may-ari ng isang kilalang Talent Agency sa Pilipinas.

“Po?” parang hindi makapaniwalang tanong ng dalaga sa lalaki.

“I said, interesado ka bang maging isang singer?” kumurap-kurap pa ang dalaga na para bang hindi pa rin makapaniwala kaya naman bahagyang natawa ang binata.

“Parang hindi ka parin makapaniwala. Anyway, ito ang calling card ko. Call me kung nakapag-desisyon kana,” inabot ng binata ang isang card kay Sofia. “Sana ay pag-isipan mo ng mabuti and I hope you accept the offer.” Aalis na sana ang binata ng may nakalimutan siya.

“I’m Kris Sandoval pala, and you are?” tanong niya sa dalaga habang inaabot ang kanyang kamay dito.

“Sofia Rodriguez po,” pagpapakilala din ng dalaga sa binata.

Pagkauwi ni Sofia sa bahay ng kanyang tiyahin ay nadatnan niya sa labas ng bahay nito ang ina at kapatid na umiiyak kasama ang kanilang mga gamit. Agad namang napatakbo si Sofia upang tanungin kung bakit sila naroroon sa labas ng ganoong oras.

“Mommy! Ano po ang nangyari? Bakit po kayo nandito sa labas? Tsaka bakit nandito din po yung mga gamit natin?” naguguluhang tanong ng dalaga sa nanginginig na ina. Isinuot niya dito ang kanyang jacket at niyakap ang kapatid.

“K-kasi a-anak…” di makapagsalita ang kawawang ina ni Sofia kakaiyak. Nadudurog ang puso niya para sa kanyang pamilya.

“Kasi ate, nakiusap po si mommy na wag na daw po muna kayong pagtrabahuin para makapag-focus ka raw muna sa iyong pag-aaral, total ay magtatapos ka na naman daw po sa isang taon. Kaso po nagalit si Tiyang. Tinawag pa niyang ‘walang utang na loob’ si mommy at ‘walanghiya’ at saka pinagtatapon yung mga gamit natin dito sa labas ng bahay,” naiiyak na paliwanag ng kanyang kapatid.

Biglang nakaramdam naman ng galit si Sofia sa kanyang tiyahin sa ginawa nito sa kanyang ina at kapatid. Paano nila nagawa iyon sa kanila?

Samantalang noong mga araw na sila ang mayroon at ito naman ang walang-wala ay hindi nagdadalawang-isip ang kanyang amang tulungan ang mga ito. Ito ang tunay na mga walang utang na loob!

Sobrang galit ang kanyang nararamdaman ng mga oras na iyon ngunit alam niyang walang magagawa ang galit niya. Tiningnan niya ang umiiyak pa ring ina at kapatid. Awang-awa siya sa mga ito. Sobrang naaawa na siya sa kalagayan nila. Naiiyak na rin siya.

Tumingala siya sa langit, “Daddy, bigyan mo naman ako ng lakas ng loob na harapin ito oh. Please help us,” mahina niyang sambit na para bang naririnig siya ng pumanaw na ama.

Bigla niyang naalala ang estrangherong lalaking nakilala niya kanina lamang. Kinapa niya ang calling card na bigay nito sa kanyang bulsa. Laking pasasalamat niya ng makitang nandoon pa ito. Agad-agad niyang tinawagan ang numerong nakasulat dito. Ilang sandali pa bago sumagot ito.

“Yes, hello? Sino ‘to?” sagot ng lalaki sa kabilang linya.

“Si Sofia po ‘to. Sofia Rodriguez po,” pagpapakilala ni Sofia sa sarili.

“Oh Sofia! Mabuti naman at napatawag ka agad. Nakapagdesisyon kana ba?” hindi na nagdalawang-isip pa si Sofia at agad na sinagot ang binata.

“Opo. Tinatanggap ko po. Pero, kung maari ay mga kondisyon po ako,” pinaliwanag ng dalaga ang sitwasyon nila ng kanyang pamilya at mga gusto niyang mangyari kung siya ay magtratrabaho para dito.

Pumayag naman si Kris sa lahat ng kondisyon ng dalaga. Hindi naman mahirap ang mga kondisyon nito. Hiniling lang naman nito na dapat ay nasa mabuting kalagayan at napapangalagaan ng mabuti ang ina at kapatid. Ngunit kapalit noon ay ang kanyang pangako na gagawin niya ang lahat para sumikat at maging tanyag na mang-aawit.

Nagsimula na nga ang mga pagsasanay ni Sofia at ilang buwan lamang ay nagsimula na siyang lumabas sa TV at radyo. Dahil nga sa taglay na talento ng dalaga sa pag-awit at sa walang tigil na pagsisikap nito upang mas gumaling pa ay agad-agad din naman siyang nakilala.

Dahil sa angking kabaitan, hindi nakapagtatakang minahal kaagad siya ng mga tao. Kahit na mayroon nang pangalan sa industriya ay kahit kailan, hindi siya nag suplada o nagmataas sa kapwa, isang katangian na bihira sa mga tanyag na artista ngayon.

Unti-unting nakaahon sa hirap ang pamilya ni Sofia. Hindi man kasing gara ng dati nilang buhay ay kahit papaano ay unti-unti na silang bumabalik sa maayos at matiwasay na pamumuhay.

Gaya ng kanyang pangako sa ama ay patuloy na inalagaan ni Sofia ang ina sa pagtanda nito. Ang kapatid niya naman ay napagtapos niya ng kursong nursing at pinalad na magtrabaho at manirahan sa Canada. Paminsan-minsan pag bakasyon sa trabaho ay dinadalaw nila ito ng kanyang ina.

Sa ngayon ay kabi-kabila pa rin ang mga trabahong ibinigay kay Sofia. Sa katunayan ay katatapos lamang ng kanyang concert pati na ng dalawang teleserye na pumatok sa masa.

Naging masalimuot man ang pagtrato sa kanya ng ibang kamag-anak noon, alam naman niya sa puso niya na napatawad na niya ang mga ito. Ang masamang pangyayaring iyon kasi ang nagtulak sa kanya upang magpursigi patungo sa tinatamasang tagumpay ngayon.

Minsan sa buhay natin ay may mga di inaasahang trahedya ang dumadating. Akala natin ay katapusan na nang mundo sa sobrang sakit at paghihirap na nararanasan natin. Pero sana ay hindi tayo mawalan ng pag-asa. Sapagkat wala namang binibigay ang Diyos na problema sa atin na hindi natin makakayang lagpasan. Magtiwala lamang tayo sa Kanya at wag mawawalan ng pag-asa.

Advertisement