“Mahal ko! Mga anak! Na-approve na ang US Visa ko. Pwede na akong makapagtrabaho sa America!” Masayang sigaw ng ama ni Lily pagkadating na pagkadating nito sa bahay nila.
Agad namang nagsilapitan ang ina at mga kapatid ni Lily na nakisabay sa kasiyahan ng ama.
“Yehey! Makakapagtrabaho na sa America ang tatay niyo!” masayang sigaw din ng kanilang ina na si Aling Letty.
Lahat ay masaya at sobrang nagagalak sa balitang dala ng kanilang ama. Ngunit sa kabila ng kasiyahang nadarama ay hindi maiwasang malungkot ni Lily. Siya kasi ang pinakamalapit sa ama at sigurado siyang sobrang mami-miss niya ito kapag umalis na ito patungo sa ibang bansa upang doon magtrabaho.
“Oh anak, palagi kang magpapakabait sa nanay mo at sa mga kuya mo ha? Wag kang pasaway,” pangatlong beses nang pinapaalala ang mga salitang iyan kay Lily ng kanyang ama.
“Opo tay,” malungkot na tugon niya sa ama.
Hinaplos ng ama ang mukha ni Lily, “wag ka ng malungkot pa. Wag kang mag-alala anak, pag naging maayos na lahat ng papeles ko dun sa America at nakakuha na ako ng magandang trabaho, kukunin ko kayo.”
“Talaga po tay?” tanong ni Lily sa ama.
“Oo naman ata. Yun ang pangarap ko para sa ating lahat. Yun ang pinapangarap ko para sa pamilya natin, ang manirahan sa America,” puno ng galak na saad ni Mang Jose sa anak.
Hindi man maintindihan ng batang isipan ni Lily kung ano nga ba ang mayroon sa America, kaya’t ganun na lamang ang kagustuhan ng ama na doon sila manirahan balang araw ay masaya na rin siya para dito at sa pamilya nila.
Siguro nga ay magandang lugar iyon dahil sobrang saya ng kanyang ama ng malaman na makakapunta na ito doon para makapagtrabaho.
“Oh anak, alagaan mo ang ibon na ito ha,” habilin sa kanya ng ama. “Alagaan mo yan at siguradong mapapamahal sayo yan. Alagaan mo ng mabuti at kahit pakawalan mo ay babalik at babalik sayo yan. Gaya ng pagmamahal ko sa inyo ng nanay at mga kapatid mo. Kahit saan man ako mapunta, babalik at babalik ako sa inyo. Pangako ko iyan. Dahil pag mahal ka, babalikan ka,” niyakap ni Lily ng mahigpit ang ama.
“Talaga po, pangako?” paninigurado niya pa sa ama.
“Pangako,” hinalikan ni Mang Jose ang noo ng anak.
“Pag mahal ka, babalikan ka,” mahinang bulong ni Lily sa sarili.
Dumaan ang ilang araw at tuluyan na ngang umalis ng bansa si Mang Jose at tuluyan ng nagpunta sa America. Tinupad naman ni Lily ang pangako sa ama na magpapakabait sa ina at sa mga kapatid.
Ilang buwan ang lumipas at panay ang padala sa kanila ng ama ng mga iba’t ibang gamit galing sa America. Guminhawa din ang buhay nila sa Pilipinas dahil sa buwan buwan din itong pagpapadala ng dolyar para sa kanila.
Ngunit makaraan ang mahigit isang taon ay bigla na lamang hindi nagparamdam ang kanilang ama. Halos mabaliw silang lahat sa kakaisip kung napaano na ba ito sa America. Kung maayos lang ba ito o kung may nangyari na sa kanya? Wala silang ideya.
Halos isang taon na ang lumipas ngunit wala pa rin silang balita tungkol dito. Inakala nalang ng lahat na baka nilisan na nito ang ating mundo at sadyang wala lang makapaghatid ng balita sa kanila dahil doon na ito binawian ng buhay.
Pero kahit ano man ang sabihin nila ay hindi pa rin maiwasang maghintay ni Lily. Umaasa siyang magbabalik ito sa kanila. Hanggang sa araw na iyon ay pinanghahawakan niya pa rin ang pangako nito na babalik ang kanyang ama.
“Dahil kapag mahal ka, babalikan ka,” iyan ang mga salitang tumatak sa isip ni Lily. Kaya sigurado siyang babalik ang kanilang ama.
Lumipas pa ang mga taon. Natutunan ng bawat isa sa kanila na magbanat ng buto. Dahil wala nang padala ang ama, napilitan mag trabaho ang kanilang ina upang mapunan ang pangangailangan nila sa araw-araw.
Di naman naglaon ay nakapagtapos din si Lily. Dahil sa angking talino, sipag at diskarte ay hindi malabong katuwaan siya ng mga boss sa pinasukang kompanya. Nang magkaroon ng pagtitipon na gaganapin sa ibang bansa ay hindi inaasahang siya ang napiling ipadala sa America para sa isa nilang proyekto.
Sobrang saya ni Lily na kulang nalang ay magtatatalon siya sa saya. Sa wakas, makakapunta na siya ng Amerika! Pagkatapos ng trabaho niya ay hahanapin niya ang detalye sa pagkawala ng ama. Kung ano man ang dahilan nito sa hindi pagbalik agad ay tatanggapin niya, malaman lamang niya ang tunay na nangyari dito.
Pagkarating ng Amerika ay sinimulan agad ni Lily ang kanyang trabaho. Pagkatapos ng dalawang araw ay natapos niya rin agad ang proyektong pinahawakan sa kanya kaya naman mayroon pa siyang oras upang magliwaliw at hanapin ang nawawalang ama.
Habang naglilibot-libot sa mga address ng mga postcards na naipadala ng ama noon ay may napansin siyang pamilyar na mukha ng isang babae. Sinundan niya ito hanggang sa makarating sila sa isang apartment. Kilala niya ito! Isa ito sa mga katrabaho ng kanyang Tatay Jose noon.
Lalapitan niya na sana ang ginang ng biglang lumabas ang batang babae na para bang nasa edad sampu habang kasunod naman nito ang isang lalaking nakangiti na humabol dito. Nanigas siya sa kanyang kinatatayuan. Buhay ang kanyang ama.
Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita. Para siyang sinaksak ng ilang ulit sa sobrang sakit na nararamdaman sa mga oras na iyon. Mabilis na nagpaunahan ang kanyang mga luha sa kanyang pisngi. Paano ito nagawa ng kanyang ama sa kanila?
Sobrang hindi niya inaasahan ang kanyang natuklasan, ngunit pinilit niya na lamang na umalis ng tahimik. Kahit anong galit man ang nararamdaman niya para dito ay pinili niya na lamang na huwag umimik.
Ayaw niyang masaktan ang ina’t mga kapatid niya. Tama na na siya lang ang nakaka-alam ng kataksilan at pag-aabandona sa kanila ng kanilang ama.
Bumalik siya sa Pilipinas ng mabigat ang dibdib. Ngunit hindi siya nagpahalata sa ina at mga kapatid. Umarte siyang para bang walang nagbago sa kanya.
Lumipas pa ang dalawang taon, araw ng kasal ni Lily sa mabait na lalaking nakabihag ng puso niya. Bagama’t nagkaroon ng takot na umibig dahil sa natuklasan sa ama ay binuksan pa rin niya ang kanyang puso para sa pag-ibig.
Nakilala niya si Jonathan. Pinatunayan nito sa kanya ang wagas na pag-ibig nito para sa kanya. Natatakot man ay handa siyang sumugal para sa lalaking iniibig. Dalangin niya na lamang na sana ay hindi katulad ng kanyang ama si Jonathan.
Laking gulat ni Lily ng pagpasok niya sa simbahan ay naroroon ang kanyang ama. Hinanap ng kanyang mga mata ang kanyang ina at mga kapatid ngunit mga nakangiti ito na para bang walang mali.
Tumugtog na ang musika at nagsisimula na ang seremonya ng kasal. Kinuha ng kanyang ama ang kanyang kamay at inilagay ito sa braso nito. Gulat na gulat at nalilito pa rin siya sa mga nangyayari ng bigla nalang nagsalita ang kanyang ama.
“Pasensya na kung natagalan ang pagbabalik ko anak. Alam kong nagpunta ka sa America dalawang taon na ang nakalilipas. Nakita na kita na nakatayo mula sa di kalayuan, pero wala akong mukha na maihaharap sayo noon anak.
Alam kong hindi sapat ang salitang patawad sa ginawa kong pag-aabandona sa inyo pero maniwala ka sana anak na walang araw na hindi ko kayo naaalala ng iyong ina at mga kapatid.
Nakulong ako sa salang hindi ko naman ginawa. Sa awa ng mahabaging Diyos ay nakalaya din ako at napawalang-sala. Hindi ko alam kung paano ko kayo haharapin pagkatapos ng ilang taong pagkawala ko.
Yung bata na nakita mo noon, anak iyon ng dalawang katrabaho ko noon. Pinaalagaan lamang sa’kin dahil umalis silang mag-asawa. Napansin ko kasi ang pagluha mo ng makita mo ang pangyayaring yun dalawang taon na ang nakakalipas.
Pinilit kong bumangon muli at mag-ipon upang makauwi ako dito sa atin. Nang malaman ko na ikakasal, sinigurado ko na makakauwi ako upang ako ang maghatid sayo patungo sa altar anak,” hindi alam ni Lily pero ng mga oras na yun ay bigla na lamang natunaw lahat ng suklam at galit na nararamdaman niya nang marinig ang panig ng ama.
“Bumalik ka talaga, tay,” naluluhang sabi niya sa ama habang nakatitig sa mga mata nito.
“Dahil mahal kita, mahal ko kayo,” sagot ni Mang Jose sa anak. “Kasi…”
“Pag mahal ka, babalikan ka,” dugtong ng dalaga habang tumutulo ang mga luha niya sa kanyang mga mata. Niyakap ni Lily ang ama at nagpatuloy silang naglakad papunta sa altar kung saan nag-iintay ang lalaking papakasalan ni Lily.
Isang taon matapos ang kasal ay lumipad si Lily kasama ang kanyang buong pamilya patungo sa Amerika. Tulad ng ipinangako ng ama, sama-sama silang nagtungo doon upang manirahan.
Nakumpirma nila na nakulong nga si Mang Jose dahil napagbintangan ito na nagnakaw ng malaking halaga, subalit ilang taon matapos makulong ay lumabas at umamin din ang tunay na may sala.
Ngayon ay nagtratrabaho doon si Lily bilang isang manager sa isang fast food. Dalawa na ang naging supling nila ni Jonathan at maligayang-maligaya dahil sa muling pagkabuo ng kanilang pamilya.
Pinilit naman ni Mang Jose na makabawi at punan ang mga taon na wala siya. Tanging pagmamahal sa pamilya lamang ang kanyang pinanghawakan upang magkaroon ng lakas ng loob noon na harapin ang pagsubok sa dumating sa kanya.
Sa buhay nating ito, may pagkakataon na ang mga minamahal natin ay bigla na lamang nawawala, dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Pakatandaan na ang taong nagmamahal ay babalik at babalik kahit ano pa man ang mangyari, pero ang pusong tunay na may pagmamahal ay kailanman hindi lilisan.