Pinulot ng Lalaki ang mga Nahulog na Gamit ng Di Kilalang Tao, Pinulot Din Pala Niya ang Buhay Nitong Pabagsak Na
Natapos ang unang araw ng pasukan. Habang naglalakad palabas ng eskwela si Willy ay di-sinasadyang nakabunggo niya ang katulad niyang estudyante rin na may napakaraming bitbit. “Sorry,” hinging-paumanhin niya. Ngunit nanatili lang nakayuko ang lalaki habang dinadampot ang mga gamit nito. “Tulungan na kita,” ika niya pa rin dito. “Salamat,” sabi ng lalaki nang matapos nilang damputin ang lahat ng gamit nito. Nagulat sila nang pareho sila ng daang tinatahak. Nagkatawanan sila. “Tagasaan ka?” tanong niya sa lalaki. “Dyan lang sa kabilang kanto.” “Mauuna pala ang bahay mo sakin.” Nagsabay pa rin sila sa paglalakad hanggang sa marating nila ang tahanan nito, “Gusto mo magmeryenda?” “Sure.” Kumain sila habang nanunuod ng movie. Tawa sila nang tawa habang nagkukwentuhan. Nalaman niyang Garry ang pangalan nito at parehong nasa abroad ang mga magulang. Ang dami rin nilang nalaman sa isa’t isa. At karamihan doon ay nagkakapareho pa sila, tulad na lamang ng pagbabasketball at paglalaro ng computer games. Simula noon ay naging matalik silang magkaibigan. Dahil magkapareho ng hilig ay nagkasundo silang talaga. Hanggang sa ilang taon ang makalipas ay ga-graduate na sila. “Congrats pre,” ika ni Willy sa kaibigan. “Congrats din,” sagot ni Garry, maya-maya pa’y tumahimik at napansin niyang lumuluha na, “Pre salamat ah.” Nagulat siya dito, “Bakit pre? Para saan?” “Alam mo ba kung bakit napakarami kong bitbit noong una tayong magkakilala?”’ Naalala iyon ni Willy, “Hindi, bakit nga ba?” “Kasi akala ko noon palagi na lang ako mag-isa, kaya nagdesisyon akong huwag na magpatuloy sa pag-aaral. Tinanggal ko lahat ng gamit ko sa dating locker. Hindi na sana ako mag-aaral at magpapariwara nalang sa buhay para magsilbing parusa sa mga magulang kong walang ibang ginawa kundi magtrabaho na malayo sa akin.” Nagulat siya sa rebelasyon nito. “Pero salamat sayo pre, narealize kong hindi ko pala dapat gawin iyon. Naalala ko ang kwento mo sakin na bukod sa scholar ka na, ikaw pang mag-isang nagpapaaral sa mga magulang mo kasi ayaw mong makadagdag sa pasanin nila. May sakit ang nanay mo pero hindi iyon naging dahilan para tumigil ka sa pag-aaral, hindi naging dahilan iyon para tumigil kang abutin ang mga pangarap mo.” Naluluha si Willy sa sinabi ni Garry, “Pre sorry di ko alam na may pinagdadaanan ka noong araw na yun.” Umiling si Garry, “Sinadya kong hindi sabihin iyon sayo pare. Pero salamat sayo, hindi lang mga gamit ko ang dinampot mo, pati ang buhay kong pabagsak na.” Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.