Inday TrendingInday Trending
Umawat Lamang Ngunit Nadamay Pa ang Binata, Isang Trahedya ang Nangyari sa Nagmalasakit na Binata

Umawat Lamang Ngunit Nadamay Pa ang Binata, Isang Trahedya ang Nangyari sa Nagmalasakit na Binata

Panganay sa tatlong magkakapatid si Romy. At dahil nag-iisang lalaki, labis ang pagprotekta niya sa kanyang dalawang kapatid na babae. Tulong na lamang niya ito sa inang nagta-trabaho upang buhayin silang tatlong anak. Awang-awa kasi siya dito magmula nang iwan sila ng kanilang ama.

Naisipan ni Romy na pang-gabing trabaho na lamang ang kunin upang may mag-asikaso sa bunsong si Kayla sa pagpasok nito sa eskwela. Grade 2 pa lamang ito, habang nasa ikatlong taon naman sa hayskul ang gitnang anak na si Lydia.

Isang hapon, narinig ni Kayla ang napaka-lakas na sigawan mula sa kanilang kapit-bahay. Dahil nataranta, agad nitong tinawag ang kanyang kuya upang magsabi.

“Kuya Romy! May nag-aaway po sa kabila,” takot na sumbong ni Kayla.

Nagmadali namang lumabas ng kanilang bahay si Romy upang tingnan kung ano ang nangyayari.

“Ano, ha? G*go ka! Lalaban na ako sa’yo ngayong matanda na ako. Halika rito!” sigaw ni Joshua sa kanyang amang si Boyet.

“Tama na, Joshua! Matanda na ang papa mo. Maawa ka! Tulong! Tulungan niyo kami!” nagmamaka-awang sigaw ng asawa ni Boyet na si Ruth.

Nakita ni Romy mula sa bintana na duguan na ang mukha ng kawawang matanda.

“Kuya! Pasok ka na! Natatakot ako!” pakiusap ni Lydia sa kanyang kuya.

“Pumasok na kayo. Aawat lang ako. Nakakaawa si Mang Boyet,” utos ni Romy sa mga kapatid.

“Si mama, kausap ko sa cell phone! Kakausapin ka raw,” ‘ika ni Lydia habang inaabot ang cell phone sa kanyang kuya.

“Anak! Ikinuwento sa akin ni Lydia ang mga nangyayari d’yan sa kapit-bahay. Huwag ka nang mangialam! Alam mo namang kalalabas pa lang ng kulungan niyang si Joshua. Mas maganda kung tumawag ka na lamang ng pulis. Baka madamay ka pa,” nagmamakaawang sabi ng inang si Remedios.

Ngunit nang marinig muli ni Romy ang nakakaawang iyak ni Ruth, hindi na ito nagdalawang isip at agad sumugod sa katabing bahay.

Nang makapasok ng bahay ay agad niyang inawat ang binatang si Joshua sa pananakit nito sa bugbog-saradong matanda.

“T*ngna ka! Anong ginagawa mo rito? Bakit ka nangingialam?!” nanlilisik ang mga mata ni Joshua nang tingnan niya si Romy.

“Maawa ka sa tatay mo. Wala siyang kalaban-laban sa’yo!” sagot ni Romy habang patuloy na pinipigilan ang nagpupumiglas na binata.

“Wala kang pakialam! Pamilya namin ‘to! At isa pa, noong bata pa ako at ginugulpi ako nito, nangialam ba kayo?!”

Sinuntok ni Joshua ang tumutulong lamang na binata. Tumama ito sa ilong ni Romy, at agad namang dumugo ng lubos. Naubos na ang pasensiya ni Romy kaya naman gumanti na ito ng sapak at tadyak sa binata. Nagpatuloy ang palitan ng suntok ng dalawa, ngunit natigilan sila nang dumating ang mga barangay tanod na rumesponde sa tawag ng mga kapatid ni Romy.

Nang marinig ang mga nangyari, agad dinampot ang nag-aamok pa ring binata na si Joshua at dinala sa kanilang presinto. Isinama rin si Romy upang magbigay ng pahayag sa harap ng mga pulis. Kaagad namang dumating si Remedios upang makibalita sa nangyari sa anak.

“Romy! Sinabi ko naman sa’yo at huwag ka nang mangialam!” galit na galit na sambit ng nag-aalalang ina. Puno ng pasa ang mukha ng kanyang anak na lalaki.

“Mama naman! Nakita mo ba ang sinapit ni Mang Boyet? E paano kung hindi ako tumulong? Malamang pinaglalamayan na ang matanda. Hindi ka ba naaawa?” sagot nito sa kanyang ina.

Matapos makausap ng mga pulis, agad namang pinauwi ang mag-ina. Habang si Joshua ay naiwan sa presinto upang disiplinahin pa ng mga pulisya.

Makalipas ang ilang linggo, mapayapa na ang maliit na barangay nila. Ang balita nila ay tuluyan nang dinala sa kulungan si Joshua matapos itong madala sa barangay dahil lumabas ang sangkatutak na reklamo ng iba pa nilang kapitbahay. Bukod sa pagnanakaw ay kilala rin palang manyakis ang binata. Kaya naman nagpatuloy lamang sa kanilang buhay ang pamilya ni Romy.

Isang gabi nang pauwi na ang dalagang si Lydia mula sa kaniyang eskwela, napansin niyang may isang lalaki ang sumusunod sa kanya. Kinabahan ang dalaga dahil mag-isa lamang siyang naglalakad sa maliit na eskinita. Nagmadali siyang kunin ang kanyang cell phone upang tawagan ang kanyang kuya at ipaalam ang tungkol sa lalaking sumusunod sa kanya.

“Kuya, may lalaking sumusunod sa akin kanina pa. Natatakot ako. Baka si Jo…” hindi na natapos ni Lydia ang kanyang sinasabi nang bigla siyang sungaban ng lalaki.

“Magsusumbong ka pa, ha?! T*ng *na niyo, mga paki-alamero kayo e. Eto ang ginagawa sa mga mahilig makisawsaw sa problema ng iba!”

Nang tingnan ni Lydia ang lalaking nakadagan sa kaniya, labis ang kilabot na naramdaman niya dahil nakita niyang tama ang hinala niya. Nakita niyang nanlilisik ang mga mata ni Joshua habang pilit na hinuhubad ang damit niya.

“Bitawan mo ako! Lumayo ka sa’kin. G*go ka!” iyak ng takot na takot na dalaga. Pilit siyang kumakawala sa madiin na pagkakahawak sa kanya ng binata ngunit sadyang mas malakas ito sa kanya.

Natanggal na nito ang kanyang palda at pilit na hinuhubad naman ang salawal niya. Kahit ano pang sigaw niya upang humingi ng saklolo ay tila walang nakakarinig sa kanya. Tinanggap na ni Lydia ang kahihinatnan niya. Pumikit na lamang ito habang labis na lumuluha. Ramdam niyang tuluyan nang natanggal ni Joshua ang kanyang salawal. Nang biglang isang malakas na tunog ang gumulat sa kaniya.

“P*TA KA! BITAWAN MO ANG KAPATID KO! DEMONYO KA!” sigaw ng galit na galit na si Romy. Mabuti na lamang at agad siyang natunton nito noong tinawagan niya ito kanina.

Pinaghahampas ni Romy sa ulo ng dos por dos si Joshua.

“Kuya, tama na! Hayaan mong ang mga pulis ang magparusa sa kanya!”

Halos hindi na kasi gumagalaw ang binata. Mabuti na lamang at nakinig si Romy sa kapatid. Agad silang tumawag ng pulis upang agarang mabigyan ng hustisya ang kapangahasan ni Joshua.

Napag-alaman nilang kalalabas lang pala ulit ng kulungan ni Joshua. Dahil sa labis na galit kay Romy, agad itong humanap ng paraan upang makaganti sa binata. Nang makita niyang mag-isang naglalakad ang kapatid nitong si Lydia ay hindi na siya nagdalawang isip na subukang halayin ang dalaga. Mabuti na lamang ay agad dumating si Romy at napigilan ang kababuyan ng binata.

Nang malaman ni Remedios ang nangyari, agad itong nagsampa ng kaso laban sa kapitbahay. Mabilis naman nilang nakamit ang hustisya nang hatulan ito ng panghabambuhay na pagkakabilanggo. Maraming kapitbahay ang natuwa nang malaman na sa wakas ay tuluyan nang mawawala ang salot sa kanilang maliit na barangay.

Napagtanto ni Romy na mas mabuti sanang tumawag na lamang siya noon ng pulis at nakinig sa kanyang ina. Kung hindi niya sana inilagay ang batas sa sariling niyang mga kamay, ay hindi na sana naranasan ng kanyang kapatid ang malagim na trahedya.

Tuluyan nang naging mapayapa ang kanilang maliit na barangay. Ipinangako ni Romy na kailanma’y hindi na siya aaksyon nang hindi labis na pinag-isipan upang sa huli ay walang pagsisihan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement