Hindi Pinakinggan ng Binata ang Payo ng Ama na Huwag Dumalo sa Concert Dahil sa Kabilaang Badya ng Panganib; sa Huli ay Ama pa Niya ang Napahamak
Sa limang taon ni Ernesto bilang isang security guard ng isang concert grounds ay madalas na siyang nakakatanggap ng mga bomb threats.
“May natanggap na naman akong banta ng bomba sir, parang ayoko po munang magduty sa darating na concert, pwede ba akong makipagpalit?” tanong niya sa kaniyang superior.
“Pwede naman Ernesto, sabihan mo na lang ang mga kasama mo kung sino sa kanila ang may gusto,” sagot nito sa kaniya.
Labis siyang nababahala sa tuwing may paparating na concert lalo pa’t kabilaan ang mga balita ng mga binobombang pampublikong lugar. Siya lamang kasi ang tanging inaasahan ng kaniyang asawa at anak na si Ervin.
“Mahal, magduduty ako sa trabaho mamayang gabi ha, nakipagpalit kasi ako sa kasamahan ko dahil ayokong magronda sa araw ng concert,” wika niya sa asawa sa telepono.
“Ah oo sige mahal, mag-iingat ka diyan, uwi ka agad bukas ha?” bilin naman nito sa kaniya.
Samantala ay hindi pa man nakakapagpaalam sa kaniyang mga magulang si Ervin ay nagdesisyon na itong dadalo sa naturang concert kasama ang kaniyang mga kaibigan.
“Sagot na kita Ervin, nandoon ang paborito mong banda kaya sumama ka. Oh eto na yung ticket mo, itago mo na,” saad ng kaniyang kaibigan.
“Oo ba libre mo pala ako eh,” sagot naman niya.
Kinabukasan ay maagang dumating si Ernesto pagkagaling sa trabaho, nadatnan niyang nagaalmusal ang mag-ina.
“Tay mano ho,” wika ni Ervin.
“Salamat anak, sobrang puyat ako ngayon matutulog na muna ako.”
Nagising si Ernesto bandang alas kwatro ng hapon. Tumayo siya upang kumuha ng maiinom, nasa labas ang kaniyang asawa at nagwawalis, habang si Ervin naman ay hindi pa nakakauwi mula sa eskwela.
Sa kaniyang paglalakad papunta sa kusina ay nadaanan niyang bukas ang kwarto ng anak. Akma niyang isasara ito ngunit naaninagan niya ang concert ticket na nakapatong sa lamesita. Agad niyang kinausap ang anak nang ito ay makauwi.
“Ervin, mas mabuti sigurong huwag ka na munang pumunta sa concert na iyan, ilang ulit kaming nakatanggap ng bomb threats diyan, sa tingin ko ay hindi ligtas,” wika niya.
“Tay, lagi naman pong may bomb threats sa lahat ng concert sa lugar na niroronda niyo, hanggang ngayon ay wala pang natutuloy.”
“Gusto mo ba talagang manood diyan anak?”
“Opo tay, nandoon kasi ang paborito kong banda, tsaka sayang naman ho itong ticket, nilibre pa naman ako ng kaibigan ko.”
Hindi mapakali si Ernesto sa naging desisyon ng anak, bagaman masunurin naman itong bata ay hindi niya na rin mapigilan ito sa kaniyang mga lakad dahil siya ay nagbibinata na.
Dumating nga ang araw ng concert at pumunta na roon si Ervin kahit ilang ulit na siyang binalaan ng ama.
“Balita ko Ervin may bomb threat ngayon, anong sabi ng tatay mo? Di ba dito siya nagtatrabaho?” tanong ng kaniyang kasama.
“Alam ko hindi siya naka-duty ngayon, lagi namang may bomb threat dito, ni isa walang natuloy,” sagot niya.
Nasa kalagitnaan na ang konsyerto nang biglang may isang malakas na pagsabog ang naganap sa gilid ng entablado. Nagkagulo ang lahat ng tao at lahat ay nagtakbuhan na papalayo.
“May sumabog! May bomba!” sigaw ng isa.
Hindi malaman ni Ervin ang gagawin at agad na rin siyang tumakbo papalayo. Kasama ang kaniyang mga kaibigan ay nanatili sila sa isang building sa di kalayuan.
“Okay lang ba kayo? Wala bang nasaktan?” tanong niya sa mga kaibigan.
“Okay lang Ervin, kaso tignan mo doon mamaya, parang nakita ko kasi ang papa mo habang nagkakagulo.”
Labis na kinabahan si Ervin sa sinabi ng kaibigan. Nang humupa ang mga taong nagkakagulo at dumating ang ilang pulisya ay tumakbo si Ervin pabalik upang tingnan ang mga biktima. Sa kaniyang paglingon ay nakita niya ang ama na walang malay na isinasakay sa ambulansya.
“Tay! Isama niyo ho ako, tatay ko yan!” paliwanag niya sa medic.
Pagdating sa ospital ay agad na isinugod ang kaniyang ama sa emergency room. Ilang minuto pa ang lumipas at dumating na rin ang kaniyang ina.
“Nay, bakit po nandoon si tatay? Diba sabi niya nakipagpalit siya ng duty?”
“Oo nga anak, kaya lang nang malaman niyang dadalo ka ay itinuloy niya ang kaniyang shift para masigurado ang kaligtasan mo,” lumuluhang sagot nito.
Halos mapaluhod si Ervin sa narinig, dahil sa kaniyang katigasan ng ulo ay ang buhay ng kaniyang ama ang nalagay sa panganib. Maya-maya pa ay lumabas na ang doktor na tumingin sa kaniyang ama.
“Stable naman siya ngayon, kaya lang ay wala pa rin siyang malay, may ilang tahi din siya as ulo at braso dahil sa mga sugat na natamo niya, kailangan niya din munang manatili dito hangga’t ‘di pa siya nagigising.”
“Salamat ho, salamat dok,” sagot ng kaniyang ina habang nagpupunas ng luha.
Makalipas ang dalawang araw ay nagkaron na ng malay si Ernesto, sa kaniyang paggising ay naroon ang kaniyang anak at asawa.
“Ervin, ayos ka lang ba? Hindi ka ba tinamaan?” tanong niya.
“Okay lang ako tay, wag po kayong mag-alala. Tay patawarin niyo ako, kung nakinig ako sa inyo hindi sana to nangyari.”
“Wala iyon, buhay pa naman ako oh, malakas tong tatay mo.”
Nang makabawi ng lakas ay pumayag na ang doktor na siya ay makauwi at nang tuluyang gumaling ay bumalik na sa trabaho. Labis namang pinagsisihan ni Ervin ang katigasan ng kaniyang ulo, mula noon ay sinikap niyang maging mas masunuring anak.
Walang ibang hangad ang isang magulang kundi ang ikabubuti ng kaniyang anak, kahit pa minsan ay ang sariling kaligtasan na ang nakataya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!