
Sinagip ng Batang Lansangan ang Batang Naglalaro Mula sa Matuling Sasakyan; Ang Kabayanihang Ito Pala ang Babago sa Kaniyang Buhay
“Ale, ale, pahingi naman po ng baryo oh,” sambit ng batang si Totoy habang nakahawak sa dulo ng damit ng isang ale. Agad namang lumayo ang ale na para bang nandidiri sa bata. Sinundan naman siya ng bata.
“Ale sige na po, pangkain lang po,” pangungulit niya pa sa ale. Dahil na rin sa nakukulitan ay dumukot na lang ang ale sa bulsa nito at binigyan siya ng limang piso.
“O ayan. Sige na, lubayan mo na ako. Ang dumi-dumi mo. Ang baho!” asik ng ale pagkatapos siyang bigyan ng barya. Natuwa naman si Totoy sa baryang natanggap at piniling hindi pansinin ang komento nito sa kaniyang itsura at amoy at nagpasalamat na lamang.
“Salamat po Ale, pagpalain po sana kayo ng Diyos!” masayang saad niya bago layuan ang ale.
Pagala-gala sa lansangan araw-araw at nanghihingi ng barya sa mga taong nakakasalubong. ‘Yan ang araw-araw na gawain ni Totoy para lamang may maipambili ng pagkain araw-araw. Wala na siyang mga magulang at nakatira na lamang sa lansangan. Kung saan siya dalawin ng antok ay doon na rin siya mismo matutulog.
Ilang tao pa ang hiningan niya ng barya para nakalikom ng sapat na perang pambili ng kaniyang pagkain sa araw na iyon. Kinapa niya ang kaniyang bulsa at kinuha ang singkwenta pesos na nalikom niyang pera sa panglilimos ng araw na iyon. Bumili siya ng isang kanin at dalawang itlog. Tinabi niya naman ang sobra para bukas kung sakaling ‘di siya palarin sa panglilimos.
Hindi naman kasi araw-araw ay nakakatsamba siya sa mga taong mapagbigay. Madalas kasi ay iniiwasan at tinatakbuhan siya ng mga nililimusan niya. Hindi niya naman masisisi ang mga ito. Napakadungis at mabaho nga naman siya. Sino ba naman ang gugustuhing tumabi at makisalamuha sa taong kalye?
Isang araw, sa kalagitnaan ng tirik ng araw ay naglalakad sa may kalsada si Totoy ng may nakita siyang rumaragasang sasakyan na tila ba may hinahabol. Sakto naman na may tumatawid na batang lalaki at hinahabol ang laruang bola nito.
Awtomatiko na gumalaw ang kaniyang mga paa at itinakbo ang kinaroroonan ng bata at tinulak ito pabalik sa gilid ng kalsada. Sakto naman na napatigil ang sasakyan kaya naman hindi ganoong kalubha ang galos na natamo ni Totoy sa pagkakabunggo. Kaunting mga bali lang na agad din namang gagaling daw sa ilang linggo lamang.
Pagkagising niya ay nasa ospital na siya at may mga nakakabit sa kaniyang kung anu-anong hindi niya mawari kung para saan ba. Sinubukan niyang gumalaw pero napaaray lamang siya sa sakit na naramdaman. Pilit niyang inalala kung ano nga ba ang nangyari sa kaniya.
“O, gising ka na pala bata,” saad ng isang lalaki.
“Sino po kayo? Ano po ang nangyari sa’kin?” Magalang niyang tanong sa ginoo.
“Ah, hindi mo ba maalala? Muntik nang masagasaan ng rumaragasang sasakyan ang anak ko. Mabuti na lang at naitulak mo siya pabalik sa gilid ng kalsada. Ang kaso ay ikaw naman ang nabunggo. Kaya ayan, kasalukuyan kang nagpapagaling sa mga natamo mong bali at mga sugat,” sagot naman ng ginoo sa tanong ni Totoy.
“Ganun po ba? Maraming salamat po sa pag-aalaga sa’kin pero kinakailangan ko na pong umalis,” saad niya habang hirap na sinusubukang tanggalin ang mga nakakabit sa kaniya. Agad naman siyang pinigilan ng ginoo.
“Naku, hindi mo pa pwedeng tanggalin iyan,” pagpigil sa kaniya ng ginoo, ”Bakit ba? May pupuntahan ka ba?” dugtong na tanong pa nito.
“Naku, wala naman po. Ang kaso lang po kasi, wala po kasi akong pambayad dito sa ospital. Kaya kinakailangan ko na pong umalis bago pa dumating ang mga nars o doktor,” paliwanag ni Totoy sa ginoo. Kinakabahan na maabutan siya ng doctor o nars.
“Ha? Ano ka ba! ‘Wag ka nang mag-alala pa, kami na ang bahala sa lahat ng gastusin dito sa ospital. Kami nga ang dapat na magpasalamat sa’yo eh,” nakahinga naman ng maluwag si Totoy sa narinig mula sa ginoo.
“Pasensiya na sa tatanungin ko ha pero may mga magulang ka pa ba? Saan ka nakatira?” sunod-sunod namang tanong nito sa kaniya.
“Po? Ah ano po, wala na po akong mga magulang. Ang lola ko na lang po ang nagpalaki sa’kin. Kaso po binawian na rin po siya ng buhay mahigit isang taon na po ang nakalilipas. Binubugbog lang po ako ng tiyuhin ko kaya naman po lumayas na lang po ako at naglakbay hanggang sa mapadpad po ako rito. Siyempre po, wala po akong bahay kaya kung saan po ako dalawin ng antok, doon na rin po ako natutulog. Nanglilimos naman po ako ng barya sa kung sinu-sino lang sa araw-araw para may makain. Kahit naman po papaano ay may mga busilak pa naman po ang mga kalooban kaya kahit papaano ay nakakakain po ako at hanggang ngayon ay humihinga pa,” sagot ni Totoy sa mga tanong ng ginoo.
Naluha naman ang lalaki sa kwento ng buhay ng batang nagligtas sa kaniyang anak. Naisip niyang hindi talaga patas ang mundo, kung sino pa ang may mga busilak na kalooban, ay sila pa ang lubos na nahihirapan.
“Sobrang nakakalungkot naman pala ng kwento ng buhay mo,” malungkot na komento ng ginoo sa buhay niya.
“Huwag kang mag-alala, kung pahihintulutan mo, bilang kapalit ng kabayanihang ipinamalas mo sa pagsasagip sa aking anak ay tutulungan ka namin,” nakangiting saad ng ginoo kay Totoy na hindi naman makapaniwala sa kaniyang narinig.
“Talaga po?” paninigurado pa ni totoy sa kaniyang narinig. Tumango naman ang ginoo bilang sagot sa tanong nito.
“Naku, hindi na po ako tatanggi. Maraming salamat po! Hindi ko na po kayo bibiguin!” pangako naman ng batang lansangan sa ginoong kausap.
Kinupkop nga ng pamilya ang batang lansangang si Totoy at pinag-aral. Tinuring nila itong bahagi rin ng kanilang pamilya. Hindi naman binigo ni Totoy ang pamilyang kumupkop sa kaniya at nag-aral siya ng mabuti hanggang sa nakapagtapos siya at naging isang ganap na guro.
Paminsan-minsan ay nagpupunta sa isang parke si Totoy malapit sa tahanan nila at tinuturuan nang libre ang mga batang lansangan. Umaasa na gaya niya ay maabot din ng mga ito ang mga pangarap nila balang araw.