
Naputol ang Ulo ng Santo ng Ale at Nagbunga ng Sunod Sunod na Malas sa Kaniya; Kagagawan Niya naman Pala Iyon
Kilala sa kanilang barangay na likas na relihiyoso at deboto si Aling Marina. Lahat ata ng mga ritwal ay ginagawa na niya dahil iyon daw ang turo sa kaniya ng mga magulang. Kahit na hindi na siya sinasamahan ng kaniyang pamilya, eh matibay pa rin ang kaniyang paniniwala sa mga ito. Subalit sa kabilang banda, kilala rin siya bilang isang matandang ubod ng sungit at chismosa sa barangay.
Dumating ang isang umaga kung saan nagulantang hindi lamang ang pamilya ni Aling Marina kundi ang buong barangay. Dahil sa dami ng kaaway ng matanda, nilooban ito kagabi nang hindi nila nalalaman. Natangay ang marami nilang mga gamit sa bahay pati na ilan sa mga antik na kagamitan ng matanda. At higit pa dito, ang kinagulantang ng lahat, ay ang nasirang santo na rebulto ni Aling Marina.
Kumulo ang dugo ng matanda matapos mangyari ang insidente na panloloob sa kaniyang bahay. Maraming nagsasabi na mabuti na lang nga’t hindi sila napahamak ng kaniyang asawa na naroon noong mga oras na iyon. Subalit hindi dito nakatingin ang matanda, ang tanging sagot niya ay singhal at ngalit sa mga taong nasa paligid niya.
Simula sa araw na iyon, pabalik balik sa istasyon ng mga pulis ang matanda. Subalit wala ni isang maituro na suspek ang mga pulis na nagresulta naman ng lalong pagkainis ni Aling Marina. Hindi siya makitang nakangiti ng sinuman maging ng kaniyang asawa. Iritable’t laging nakasinghal anumang oras, anumang araw. Lingid sa kaniyang kaalaman na pinagtatawanan na siya ng mga kapitbahay.
Isang araw, muling bumalik si Aling Marina sa istasyon upang makibalita sa kaso na kaniyang pinapa-imbestiga. Halos lahat ng naroon ay iniiwasan na siya dahil pinapagalitan niya lang ang sinumang humarap sa kaniya para magpaliwanag. At ganoon na nga ang nangyari. Kaya naman, umuwing bigo at irritable na naman ang matanda. Sa kaniyang paglalakad, lahat ng pumapansin sa kaniya, kung hindi niya babatiin ay sisinghalan o sisimangutan lang niya.
Nagpatuloy ang araw niyang iyon na masungit siyang naniningil ng mga umuupa sa kaniyang mga bahay sa barangay. Subalit wala ni isa siyang nakasingil sa mga iyon. Galit at mabilis ang paglalakad ni Aling Marina nang bigla na lamang siyang napatid sa laruan ng isa sa mga anak ng nangungupahan doon. Agad na isinugod si Aling Marina sa pinakamalapit na ospital matapos niyang mabagok at mawalan ng malay.
Ilang oras lamang, habang nakahiga sa ospital at nagpapahinga…
“’Wag ka muna raw tumayo. Kailangan mo raw magpahinga at lumakas kasi mahina daw ang resistensiya mo ngayon. Ang dami mo kasing nilalakad nitong mga nakaraan eh. Kahit sa gabi hindi ka natutulog kakaisip at laging balisa dahil baka may magnakaw ulit…” mahinahong wika ng kaniyang mister. Ngunit agad na nagwala ang matanda sa loob ng ospital dahil malaki raw ang magiging bayarin doon. Walang nagawa ang sinuman kaya agad na rin nilang inuwi si Aling Marina.
Kahit na mga anak ni Aling Marina, hindi na iniintindi ng matanda. Pagkauwi pa lamang ay agad na naglalakad ang matanda papunta sa istasyon ng pulis upang makibalitang muli. Ngunit kahit na anong sigaw niya roon ay wala nang gustong umintindi sa kaniya. Wala nang may gustong mapagalitan niya. Halos puputok na ang kaniyang mga ugat sa galit habang palabas siya ng istasiyon ay bigla na lamang siya nabangga ng grupo ng mga kabataan na halos nawalan siya ng balanse sa katawan. Tutulungan sana siya ng mga ito ngunit sinigawan niya ang mga iyon at kumaripas ng takbo.
“Mga batang ‘to! Wala atang mga magulang kung makapaggala kung saan saan! Hay naku! Napakamalas ng buhay!” reklamo ni Aling Marina habang pinapagpagan ang sarili. Pagkatayo niya, bigla na lamang nandilim ang kaniyang paningin at tuluyan na ngang nawalan ng malay ang matanda.
Nanghihinang binubuksan ni Aling Marina ang kaniyang mga mata. Dahan dahan, kumukurap-kurap..Pilit niyang iginagalaw ang kaniyang kamay subalit ayaw nitong kumilos. Ang naririnig niya ay ang malabong tinig ng mga taong nagkakagulo. Mga doktor, nars at anak ng matanda ang naroon ng mga oras na iyon. Hanggang sa tuluyan na nga niyang naibukas ang mga mata at nakahinga nang maluwag. Muling naalala ni Aling Marina ang kasong binabantayan niya at ang maaaring malaking gastusin sa ospital.
“Ayoko dito… Uwi na…” mahihinang tinig na galing sa matanda.
Ngunit sa unang pagkakataon, hindi bunganga ang pinairal ni Aling Marina kundi kaniyang mga mata na napuno ng luha matapos dahan-dahan na ikwento sa kaniya ng mga anak na may malubha siyang karamdaman. Isang buwan na pala siyang nakalagak sa ospital at sa loob ng isang buwan na iyon, namayapa na ang kaniyang mahal na asawa. Matagal na pala siyang may sakit subalit hindi na niya iyon napatingnan dahil abala siya sa pagiging aburido araw-araw. Hindi na rin niya naalagaan at nakasama sana sa mga huling sandali ang kaniyang mister.
Puno man siya ng kalungkutan, nagpasiya ang matanda na ilaan ang kaniyang mga natitirang araw kasama ang mga anak at ang tunay na Diyos na pinapanalanginan niya sa tuwing gabi. Hindi irritable, hindi swerte o malas ang nagpapatakbo ng buhay, kundi ang ating mga desisyon sa bawat minuto.