Puro Pagmamayabang ang Lumalabas sa Bibig ng Patpating Binata na Ito; Kahambugan nga Lang ba o Isang Katotohanan?

“Meron kami niyan sa bahay, pre. Saka ito, iyan, pati iyon!” ang palaging bukambibig ng payatot na si Erwin sa kaniyang mga tropang binging-bingi na sa mga kahambugan niya.

“Naku! Iyan ka na naman Erwin! Tagal-tagal na naming sinasabi sa’yo dalhin mo naman kami diyan sa sinasbai mong mansiyon eh! Kung ganyan ka lang din nang ganyan, eh tumahimik ka na lang, sus!” sagot naman ng isa niyang katropa at saka dinugtungan pa ito ng malakas na halakhak ng buong barkada. Subalit walang talab iyon kay Erwin. Ang tanging nasa isipan lamang niya ay malalaman din nila ang totoo sa tamang panahon.

Isang hapon, habang nakaupo’t naglalaro ng laro kani-kanilang mga selpon ang magbabarkada, nainggit si Erwin sa kanilang ginagawa dahil siya lamang ang walang ginagawa sa kadahilanang wala siyang selpon. Natigil ang kaniyang katahimikan nang siya ay umarangkada na naman.

Naisip niyang kunin ang selpon ng isa sa mga katropa at itapon iyon sa malayo o kaya naman ay itago. Ilang sandali lamang ay ginawa na nga iyon ng lokong binata. At saka bumira ng malakas na tawa. Agad naman itong ikinagulat at ikinagalit ng buong barkada.

“’Yaan mo na, bibilhan ko na lang kayong lahat ng selpon. Hindi pa bulok! Promise!” muli niyang arangkada sa mga nagngangalit na mga katropa. Bago pa lamang si Erwin sa barkada ngunit hindi na siya matiis ng mga iyon dahil sa kaniyang kakaibang pag-uugali. Galing daw siya ng Maynila at ipinadala lamang sa kaniyang lola dito sa probinsya bilang parusa sa kaniyang kasalanan na nagawa sa siyudad. Subalit wala sinuman ang naniniwala sa kaniya sa buong baryo. Maitim kasi ito, patpatin, at kahit mga damit nito ay sira-sira. Kahit nga tsinelas niya ay may butas na rin at parang isang taon nang ginagamit.

Dahil sa kaniyang ginawa, nagalit nang husto ang lalaking nag-mamay ari ng selpon. Binantaan nito si Erwin na may mangyayaring masama sa kaniya kung hind niya hahanapin ang mga ibinatong selpon. Naglabas iyon ng maliit na punyal dahil sa labis na galit nito sa binata. Natakot si Erwin at kumaripas ng takbo sa may kakahuyan upang hanapin kung nasaan ang selpon. Hindi siya maaaring lumabas doon hangga’t hindi niya nahahanap ang selpon na kaniyang itinapon.

Mag-isang nililibot ni Erwin ang kagubatan upang hanapin ang selpon. At kahit na natatakot siya nab aka may kung ano na lumabas, ay mas takot siya sa lisik ng mata ng kaniyang kaibigan. Hanggang sa hindi na namalayan ng binata ang oras at padilim na pala. Natakot siya nang marinig ang huni ng iba’t ibang klase ng hayop at kumaripas na takbo pabalik. Subalit hindi na niya malaman pa ang daan palabas ng gubat.

Sa kabilang banda, dahil nga pagabi na, hindi na hinintay ng barkada ang kanilang kaibigan. Ang akala nila’y tumakas na ito at hindi na naghanap pa. Kaya naman, umuwi silang galit na galit pa rin sa kaibigan at balak itong parusahan kinabukasan. Habang si Erwin naman ay naiwang mag-isa sa kagubatan.

Advertisement

Kinabukasan, nagtipon-tipon ang mga tao sa kanilang baryo. Mayroon kasing importanteng anunsiyo ang kanilang kapitan ng mga oras na iyon. Nagkakagulo ang lahat dahil sa sinasabing anunsiyo na ito. Muling nagsama-sama ang mga magbabarkada at nakinig sa mga nangayayari. Nagulat ang lahat at natakot sa balitang nawawala raw si Erwin na kanilang kaibigan! Sa una, ay nagsisihan pa ang lahat ngunit nang malaman nila ang isa pang katotohanan, labis silang nagsisi sa lahat ng kanilang nagawa sa kaibigan na si Erwin.

Nagkaroon kasi ng pabuya ang kung sinuman na makakahanap sa binatang si Erwin ay gagantimpalaan ng napakalaking halaga ng pera pati na lupain sa kanilang lugar. Totoo pala ang sinasabi ni Erwin. Lahat ng iyon at walang kasinungalingan sa mga iyon. Nagsisi ang buong magkakaibigan at inamin ang lahat ng nangyari sa lola mismo ni Erwin.

Matapos malaman ang nangyari, agad na nagkaroon ng mga taong naghahanap sa nawawalang si Erwin. Hindi naman nila sinasadyang mangyari iyon. Ang buong akala nila ay kasinungalingan lamang ang lahat ngunit hindi pala. Matapos ang buong araw na paghahanap kasabay ang panalangin, isang magandang balita ang umalingawngaw sa buong baryo! Nahanap na raw ang binatang si Erwin.

Hindi rin nagtagal, habang nagpapagamot sa ospital, binisita ng magkakaibigan si Erwin sa kaniyang silid. Humingi ng tawad ang bawat isa at nahihiya pang humarap sa kanilang kaibigan. Ngunit ang tugon lamang sa kanila ng binatang si Erwin, “Ayos lang yun… ako pa ba? Yakang yaka!” Ang mga salitang ito ang nagpagaan ng damdamin ng mga magbabarkada at muling nagtawanan.

Isang linggo ang nakakalipas, sinundo na si Erwin ng kaniyang mga magulang. Bago siya umalis, binigyan niya ng munting regalo ang mga kaibigan at nagpasalamat dahil sa unang pagkakaton daw ay mayroong mga taong nakatiis ng kaniyang ugali at nakasama niya ng higit pa sa isang linggo. Laking pasasalamat ni Erwin na nagkaroon siya ng hindi lamang aral sa buhay, kundi isang karanasan na kailanman ay hindi niya makakalimutan.