
Tampulan ng Kutya ang Estudyante at Guro na Ito Dahil sa Namumuong Relasyon na Mayroon Sila; ‘Di Nila Alam ay May Plano Talaga ang Diyos Para sa Kanila
Nangingilid pa sa mga mata ni Joy ang luha habang tinititigan ang bagsak na katawan ng kaniyang pinakamamahal na lalaki na si Cris. Pakiramdam niya ay nanlabo ang lahat ng nasa paligid at wala siyang marinig mula sa mga tao na nasa paligid niya. Hindi tuloy naiwasan ni Joy na balikan ng mga sandali na iyon ang kanilang masakit na nakaraan ni Cris.
Nagkakilala ang dalawa noong nasa hayskul pa lamang si Joy habang si Cris naman ay nagtuturo doon bilang isang guro. Kilala ang noon ay binata bilang isang marangal na guro at mapagmahal sa kaniyang propesyon. Hanggang sa natagpuan niya ang estudyanteng susubok sa kaniyang karangalan.
“Salot! Salot! Salot!” Ito ang mga katagang sawa nang pakinggan ni Joy kaya naman pasok sa kaliwang tenga at labas naman sa kabila sa tuwing sasabihan siya nito. Marami siyang mga kalokohan noong siya ay nasa hayskul. Lagi siyang lumiliban ng klase, nagpapahabol sa mga tanod tuwing gabi, dumadayo ng ibang barangay upang makipag-away at nagnanakaw din siya ng mga damit na nakasampay sa mga kapitbahay at karatig barangay. Kahit na kaniyang lola na nagpapalaki sa kaniya ay sinukuan na rin siya. Subalit magbabago pala ang takbo ng kaniyang buhay nang makilala ang gurong hindi titigil sa pagsunod sa kaniya.
Isang umaga, habang nagsusuri si Cris ng attendance ng kaniyang mga estudyante, muli niyang napansin ang isang linggong pagliban ni Joy sa kaniyang klase. Pagkatapos ng kaniyang klase ng hapon, nagpasama siya sa isang kamag-aral upang kausapin ang magulang ni Joy. Doon niya napag-alaman ang mga gawain na kalokohan ng kaniyang estudyante at mga daing ng kaniyang lola pati na mga kamag-aral, at kapitbahay. Ngunit sa halip na sukuan si Joy, mas inalam pa ni Cris ang mga lugar na pinupuntahan ng dalagita.
Hindi nabigo si Cris sa kaniyang matiyagang paghahanap kay Joy. Una niya itong nakita, na nangungupit ng itlog sa tindero ng balot sa may kanto. Hinawakan niya ito sa kamay at kinuha ang dalawang piraso ng itlog sa kamay nito at ibinalik sa tindero. Nang makita iyon ng kaniyang dalawa pang kasama, agad iyong kumaripas ng takbo.
“Ano bang ginagawa mo, manong? Epal naman! Babayaran naman eh!” Sigaw ng dalagitang si Joy habang nagpupumiglas pa sa pagkakahawak ni Cris sa kaniyang kamay.
“Naku! Kayo na naman! Mga salot talaga kayo. Araw-araw na lang kayong nangunguha. Ang hirap hirap ng buhay ganiyan pa kayo!” malakas na daing naman ng tindero na naroon. Sirang-sira na ang araw ni Joy dahil hindi siya nagtagumpay sa pagkuha ng makakain. Upang mapigilan ang tindero na tumawag ng barangay, agad na nag-abot si Cris ng isang daang piso upang bayaran ang mga nakuha ni Joy at ng kaniyang mga kasama.
Dito na kumalma si Joy dahil alam niyang hindi naman pala siya dadalhin ng lalaki sa istasyon ng pulis o barangay. Aalis na sana siya ngunit muli na naman siyang hinawakan nito at isinakay sa kaniyang motor. Nagtataka si Joy kung ano ba talaga ang pakay ng lalaking ito. Hindi pa niya kasi nakikilala ito bilang kaniyang guro. Marami nang tumatakbo sa kaniyang isip ng mga oras na iyon at kabado na rin. Ngunit sa kalagitnaan ng kaniyang malawak na imahinasyon, tumigil ang motor sa kulungan ng kanilang lungsod. Doon nakita ni Joy ang masikip na piitan. Init na init at malulungkot ang mga taong nasa loob. Ang iba pa ay humihiyaw sa kanila at humihingi ng pagkain. Sa isang maliliit na butas ng kanilang bintana, ay tanaw niya ang hirap sa loob.
Ilang sandali lamang ay muli siyang isinakay ni Cris sa motor at nagpatuloy sa kanilang biyahe. Sa pagkakataong ito, tumigil ang dalawa sa isang sementeryo. Kung saan may mga batang nagtatalon-talon sa mga nitso at naghahabulan. Napaupo na lamang si Joy at halos parang walang masabi.
“Hindi ibang tao ang magbibigay ng direksiyon sa buhay mo kundi ikaw. Kung ipagpapatuloy mo ang buhay mo ngayon, dalawa lang ang pwede mong hantungan, kulungan o sementeryo. Pero, Joy, hindi pa huli ang lahat. Bata ka pa. Isipin mo sana ang lola mo…” mga salitang tumagos sa puso’t isipan ni Joy ng gabing iyon na nasa higaan na siya.
Kinabukasan, nagulat ang kaniyang lola nang makita na maaga gumising ang kaniyang apo at nakabihis na ito ng kaniyang uniporme. Masayang nagkwentuhan ang dalawa habang sila ay nag-uumagahan pa. Pagkatapos ay nagtungo na si Joy sa kaniyang paaralan. Desidido si Joy na hindi siya hahantong sa kulungan man o sementeryo lang. Laking gulat niya nang pumasok ay naroon ang lalaking nagligtas sa kaniya kahapon. Guro pala niya iyon na nagngangalang Cris.
Araw-araw ay halos magkausap ang dalawa sa mga dinaranas ni Joy. Nahihirapan kasi siyang makahabol sa mga aralin. Sa bawat araw na iyon, masaya silang nag-aaral at natututo sa isa’t isa na nagsimula ng napakaraming tsismis sa buong iskul. At hindi nila namamalayan, unti-unti na rin pala silang nahuhulog sa isa’t isa.
“Hindi pwede. Hindi pa pwede, Joy…” mahinahong wika ni Cris sa dalaga. Sigurado si Cris na espesyal ang babae sa kaniya ngunit hindi niya hahayaang masira muli ang reputasyon at imahe ni Joy. Hindi ulit at mas lalong hindi dahil sa kaniya. Simula ng araw na iyon, hindi na muling nakita ni Joy ang lalaking tumulong sa kaniya, at sa tingin niya ay minamahal na niya.
Sa kabila ng hirap, kaunting pagsisikap at tiyaga lamang ay nakatapos si Joy ng kaniyang pag-aaral. Sa tulong na din ng iba’t ibang mga tulong ng gobyerno ay nakatanggap siya ng tulong bilang isang iskolar. Nakatapos siya sa kurso ng accountancy at nakapasa rin ng board at isa na ngayong lisensiyadong accountant!
Ngunit sa kabila ng kaniyang tagumpay, may puwang sa kaniyang puso. Sa tuwing madadaanan niya ang kulungan at sementeryo, naaalala niya pa rin si Cris. Hindi kailanman nawaglit sa kaniyang puso’t isipan ang lalaking nagsagip sa kaniya at nagpabago ng direksiyon ng kaniyang buhay.
Hanggang sa isang araw na lamang, nabalitaan niya mula sa mga dating kaklase na nasa ospital daw ang kanilang dating guro. Humihingi raw ito ng tulong upang magpagamot dahil malubha daw ang sakit nito sa kidney. Hindi nagsayang ng oras si Joy at agad na pinuntahan ang ospital. Dahan-dahan ang kaniyang hakbang papalapit sa silid nito. Binuksan niya ang pinto at muling nasilayan ang mukha na matagal na niyang nais makita.
Habang palapit, lumabo ang lahat ng nasa paligid niya at wala siyang marinig. Isa lamang ang kaniyang nakikita, ito ay ang lalaking matagal na niyang mahal at nais pag-alayan ng kaniyang buhay. Nakangiti ito sa kaniya at nakabukas ang mga bisig nito. Niyakap niya ito nang mahigpit at nag-iyakan ang dalawa sa silid na iyon. Napuno ng emosyon ang buong paligid ng mga oras na iyon.
Napag-alaman ni Joy ang kalagayan ni Cris. At katulad niya, hindi ito nag-asawa dahil si Joy din ang laging nasa puso’t isip nito. Nang mga oras na iyon, desidido si Joy na hindi na sila ulit maghihiwalay ng landas anuman ang sabihin ng ibang tao. Pareho silang magtutulungan dahil naniniwala siyang pinagtagpo sila ng Diyos upang magtulungan sa buhay at maging kaagapay ng isa’t isa.
Ang tagpong iyon na ang naging bagong simula ng kanilang pag-iibigan. Matapos magpagaling sa tulong at pag-aalaga ni Joy, wala pang isang taon ay naisipan na nilang magpakasal at lumagay sa tahimik. Wala na silang sasayangin pang oras dahil sapat na ang mga taong pagkakawalay nila upang mapagtantong sila talaga ang itinadhana para sa isa’t isa.