
Palaging Abala ang Lalaki sa Trabaho Kaya Siya Iniwan at Ipinagpalit ng Mapapangasawa; Isang Magandang Kinabukasan Pala ang Naghihintay sa Kaniya
“Wala ka na talagang oras sa akin,” sambit ni Lyka sa kaniyang kasintahang si Ambet.
“Mas pinagtutuunan mo pa ng pansin ang trabaho mo at ang mga kliyente mo kaysa sa akin. Ano ba naman, Ambet, hindi ka pa rin ba nakikinig sa akin?” pasigaw na sambit ng kasintahan.
“Pasensiya ka na sa akin, mahal. Alam mo namang malapit na tayong ikasal at gusto kong maibigay ang lahat ng nais mo. Pero iisa lamang ang katawan ko. Alam mong hindi ako ipinanganak na mayaman at kailangan kong paghirapan ang lahat ng ito. Para sa atin din naman ang ginagawa ko, mahal. Patawarin mo na ako,” paliwang ni Ambet.
“Bahala ka sa buhay mo. Huwag kang magtataka kung isang araw ay bigla na lamang akong makipaghiwalay sa iyo! Hindi ko kailangan ng lalaking lagi akong may kahati!” sambit ng dalaga sabay layas nito.
Isang inhinyero si Ambet. Galing siya sa salat sa buhay na pamilya kaya nagpumilit na magsumikap upang makaalis sa kahirapan. Nang maibili na niya ng sariling bahay at lupa ang mga magulang at napaaral ang mga kapatid ay saka lamang siya nagdesisyon na magkaroon ng karelsyon at tuluyan na ring mag-asawa.
Ngunit dahil sa lubusang pagsusumikap upang ibigay ang magandang buhay sa kaniyang mapapangasawa at magiging pamilya ay todo kung maghanapbuhay itong si Ambet sa puntong madalas ay wala na siyang panahon sa kasintahan.
“Patawarin mo na ako. Lahat ng ginagawa ko ay para rin sa iyo, sa atin ng bubuuin nating pamilya. Kaya ako nagsusumikap ng ganito, mahal,” pagpapaliwanag ni Ambet habang kausap ang nobya sa telepono.
“Pangako, sa Sabado ay aalis tayo. Tayong dalawa lang. Lahat ng oras ko ay ibibigay ko sa iyo,” sambit ng binata.
Agad naman siyang pinatawad ng kaniyang nobya.
Ngunit nang sumapit ang araw ng Sabado ay kailangan niyang kanselahin ang nasabing alis nila ni Lyka sapagkat isang malaking proyekto mula sa isang kilalang kliyente ang kailangan niyang pagtuunan ng pansin.
“Mahal, suntok sa buwan ang makakuha ng ganitong kalaking kliyente. Kapag nagtagumpay ito ay maaari na akong magtayo ng sarili kong firm at doon ay kukuha na rin ako ng mga inhinyero. Mas marami akong magiging panahon sa iyo,” sambit ng binata.
Ngunit ayaw na ni Lyka na maniwala sa lahat ng sinasabi ng binata. Para sa dalaga ay hindi siya tunay na mahal ng kaniyang kasintahan sapagkat wala itong panahon sa kaniya. Magmula noon ay ibinaling na lang ni Lyka ang atensyon sa iba. Sa likod ni Ambet ay nakipagrelasyon siya sa isang lalaking mas mabibigyan siya ng oras at atensyon.
Nang malaman ni Ambet ang panlolokong ginawa ni Lyka ay agad niya itong kinausap.
“Nasasaktan ako sa ginawa mo. Pero kung sasabihin mo sa akin na ako pa rin ang mahal mo ay agad kitang patatawarin. Agad kong kakalimutan ang lahat at pangakong hinding-hindi ko isusumbat muli sa’yo ang nangyaring ito,” sambit ni Ambet sa kasintahan.
“Ayoko na sa’yo, Ambet. Tigilan mo na ako. Tutal mas may panahon ka sa trabaho. E ‘di magpakasal ka sa trabaho mo! Mahal ko si Joey sapagkat nabibigyan niya ako ng atensyon. Kapag sinabi ko na kailangan ko siya ngayon ay nariyan agad siya. Ako ang prayoridad niya hindi katulad mo! Magsama kayo ng trabaho mo! Walang babae ang gugustuhing makasama ka sapagkat hindi mo kayang ibigay ang nais naming atensyon!” sumbat ni Lyka.
Wala nang nagawa pa si Ambet. Laking kahihiyan niya na sabihin sa lahat na hindi na matutuloy ang kasal nila ni Lyka.
Makalipas ang ilang buwan ay may nakilala si Ambet na isang babae. Si Joy, ang bagong sekretarya sa kanilang opisina. Agad ipinabatid ng dalaga ang nararamdaman niya para kay Ambet.
“Hindi mo nanaisin na maging kasintahan ko sapagkat wala akong magiging panahon sa iyo. Alam mo kung gaano kaabala ang trabaho ko,” sambit ni Ambet.
“Gusto ko ng mga lalaking tulad mo. ‘Yung may pangarap sa buhay. ‘Yung may dedikasyon sa ginagawa. Kung magiging nobya mo ako ay pinapangako kong iintindihin kita nang lubusan,” sambit ni Joy sa binata.
Hindi alam ni Ambet ang gagawin dahil kahit itanggi niya ay hindi pa rin lubusang nawawala ang nararamdaman niya para sa dating kasintahan.
Ngunit pinatunayan ni Joy ang damdamin niya kay Ambet. Kaya tuluyang naging magkasintahan ang dalawa.
Makalipas ang tatlong taon ay muling nagkita si Ambet at si Lyka.
“Walang direksyon ang buhay ko kay Joey kaya nakipaghiwalay rin ako sa kaniya. Napagtanto ko na tama ka nga, hindi atensyon lamang ang kailangan sa buhay,” wika ni Lyka.
“Wala ka pa namang asawa, hindi ba? At alam kong mahal mo pa rin ako. P’wede bang magbalikan na lamang tayo?” dagdag pa ng dalaga.
Napangiti na lamang si Ambet.
“Minahal kita. Noon, handa akong kalimutan ang panloloko mo sa akin. Ngunit may isang babae na nagpakita sa akin na p’wede akong mahalin kahit na lubusan akong abala sa trabaho ko para sa magandang bukas. Sabi ko sa’yo noon, maghintay ka lamang ng sandali at matutupad ko na ang firm na pinapangarap ko. Ngunit hindi ka nagtiwala sa akin. Mas binigyan mo ng tuon ang panahong hindi kita napapansin,” saad ni Ambet.
“Ngunit ang mga panahon naman na iyon ay hindi ko ginamit sa pambababae o pagkakaroon ng b*syo. Para sana sa atin iyon at sa pamilya na bubuuin natin. Ngayon, may sarili na akong firm at marami nang panahon para sa gusto ko sa buhay. Ngayon ay babalik ka na tila walang nangyari. Ngunit patawad, ikakasal na ako. At ayaw ko rin makasama ang isang babaeng katulad mo,” pagtatapos ng binata.
Masidhing panghihinayang ang naramdaman ni Lyka. Napagtanto niyang tama ang lahat ng sinabi ng dating kasintahan. Kung sana ay nagtiwala lamang siya sa kakayahan ng dating nobyo at kung mas naging mabuting katuwang lamang siya ay maganda sana ngayon ang estado ng kanilang relasyon.
Huli na ang lahat para sa pagsisisi ni Lyka sapagkat natagpuan na ni Ambet ang babaeng magmamahal sa kaniya ng totoo at makakatuwang sa kaniyang buhay.