Inday TrendingInday Trending
Nag-iipon ang Batang Basurero upang Makabili ng Laruan; Magugulat ang Batang Nangungutya sa Kaniya kung Para Kanino Ito

Nag-iipon ang Batang Basurero upang Makabili ng Laruan; Magugulat ang Batang Nangungutya sa Kaniya kung Para Kanino Ito

“May naaamoy ba kayong mabaho?” sambit ni Drake sa kaniyang mga kaklase.

Pilit namang inamoy ng mga bata ang kapaligiran upang maamoy ang sinasabi ni Drake na mabaho ngunit wala silang maamoy.

“Hindi ninyo ba talaga naaamoy? Umaalingasaw kaya! Amoy basura!” sambit muli ng bata.

“Kaya pala amoy basura, narito na si Utoy!” tumatawang sambit ni Drake.

Pawang nasa ika-anim na baitang na ang mga bata. Araw-araw ay walang ginawa itong si Drake kung hindi alaskahin ang kaniyang kaklaseng si Utoy. Bago kasi pumasok sa paaralan ang bata ay nangangalakal muna ito. Kaya madalas kung tuksuhin ni Drake si Utoy na amoy basura.

“Huwag kang tatabi sa akin at baka mag-amoy basura rin ako!” ayaw paawat sa pang-iinis si Drake.

Marahil ay nasanay na rin si Utoy sa pang-aasar sa kaniya ng kaklase ay hindi na niya ito pinapansin.

Sa oras ng recess ay agad lumapit kay Utoy ang kaniyang matalik na kaibigang si Karen.

“Iniinis ka na naman ni Drake. Bakit kasi hindi ka lumaban, Utoy?” sambit ng kaibigan.

“Hindi na lang, Karen. Tama naman siya, e. Amoy basura naman talaga ako. Sa susunod ay magdadala na talaga ako ng pamalit na damit. Kaso ayaw ko na kasing madagdagan ang labada ng nanay ko. Kaya pasensiya ka na rin kung hindi kaaya-aya ang amoy ko,” wika ni Utoy.

“Hindi ka naman ganoon kabaho kaya ‘wag ka ngang nanghihingi ng pasensiya diyan. Mas umaalingasaw pa rin ang masamang ugali ni Drake kaysa sa pagkaamoy araw mo,” natatawang tugon ni Karen.

“Kumusta nga pala ang pangangalakal mo kanina, Utoy?” dagdag na tanong ng bata.

“Masaya ako, Karen. Nakabente pesos din ako kanina sa pangangalakal. Madadagdagan na naman ‘yung ipon ko. Malapit ko na talagang mabili ‘yung laruan na sinasabi ko sa’yo!” bakas sa mukha ni Utoy ang saya nito.

“Ganoon ba? Kaunti na lang pala, Utoy. Tapos niyan ay hindi ka na mangangalakal bago at pagkatapos ng klase?” tanong ni Karen.

“Siguro. Ayaw na rin kasi nila nanay na nangangalakal ako dahil mas nag-aalala raw sila sa akin. Kaso, gusto ko talagang mabili ang laruan na ‘yon, Karen. Kaya kaunting tiis na lang,” tugon ni Utoy.

“Sana talaga ay mabili mo na ang laruan na iyon nang sa ganon ay hindi ka na mangalakal at hindi ka na rin pinagtututukso niyang si Drake. Palibhasa ay nakakariwasa sa buhay ang pamilya kaya ganiyang mangmaliit ng tao. Nakakainis na talaga ‘yang si Drake! Tapos, hinahayaan mo naman siyang ganunin ka lagi,” naiinis na sambit ni Karen.

“Pabayaan mo na nga siya, Karen. Hindi naman niya ako masasaktan lamang ng dahil sa panunukso niya. Saka hindi ako mapapatigil ng pang-aasar niya para makaipon. Alam mo kung gaano ko nais mabili ang laruan na iyon,” tugon niya sa kaibigan.

Kinabukasan ay nariyan na naman si Drake at walang ginawa kung hindi gawing tampulan ng tukso ang kaawa-awang si Utoy.

“Ang baho na naman! Kasi naman, sa basurahan na ata nakatira!” malakas na boses ni Drake na nang-iinsulto sa batang si Utoy.

Nagbibingi-bingihan na lamang si Utoy upang hindi na ito lumikha pa ng away. Ayaw niya kasing magbigay ng sakit ng ulo sa kaniyang mga magulang at baka mamaya rin ay ito pa ang maging dahilan para patigilin siya ng kaniyang ina sa pangangalakal. Ngayong malapit na niyang mabuo ang perang kaniyang iniipon para sa laruang nais.

“Ano baho, hindi ka ba lalaban?” Aminado kang amoy basura ka, ‘no!” kantiyaw muli ni Drake. Ngunit hindi talaga siya pinapansin ni Utoy. Lalong nangigigil si Drake sa ginagawang ito sa kaniya ng kaklase.

Dahil tila napahiya si Drake sa ginawang hindi pagpansin sa kaniya ni Utoy ay naisipan niyang bumawi pagdating ng recess.

Nang sumapit na ang recess ay masayang nilapitan ni Utoy ang kaibigang si Karen.

“Karen! Karen!” maligayang tawag ni Utoy sa kaibigan. “Karen, hindi ka maniniwala nabili ko na ang laruang matagal ko nang gustong bilhin!” sambit niya sabay labas sa bag niya ang isang manika.

Hindi pa man niya napapakita ito ng malapitan sa kaibigan ay agad na itong inagaw ng mapang-asar na si Drake.

“Ito pala ang pinag-iipunan mo kaya ka nangangalakal. Isang manika! Sinabi ko na nga ba at isa kang binabae!” tawang-tawang wika ni Drake.

“Ibalik mo sa akin ang manikang iyan, Drake! Akin na iyan!” sigaw ni Utoy na pilit na inaagaw ang manika kay Drake.

Hindi niya inaasahan ang ginawa ni Drake sa manika. Tinanggal ni Drake ang manika mula sa lalagyanan nito at saka niya sinira. Tinanggal niya ang mga ulo at mga binti nito saka sinira ang damit at tinapaktapakan.

Walang tigil sa pag-iyak si Utoy dahil sa ginawa ni Drake.

“Napakasalbahe mo talaga, Drake!” sambit ni Karen sa kaklase. “Hindi mo alam kung gaano naghirap si Utoy para lang mabili niya ang manika na iyan! Tinitiis ni Utoy ang init at ulan para lang makapangalakal. Madaming pagkakataon na tinitiis din niya ang gutom para lang makapag ipon. Hindi para sa kaniya ang manika na iyan! Balak sana niya iyang iregalo sa puntod ng kaniyang kapatid sa darating nitong kaarawan!” pahayag ng bata.

“Nakita ng kapatid ko ang isang manikang tulad niyan sa isang naglalako at dahil sa kaniyang labis na pagkagusto ay hindi ko namalayan na wala na pala siya sa aking tabi at sinundan ang naglalako. Hanggang tumawid siya at biglang nasagasaan. Hanggang ngayon ay hindi ko mapatawad ang aking sarili sa pagkawala ng aking kapatid. Kahit sinasabi ng aking mga magulang na wala akong kasalanan ay hindi pa rin ito maialis sa aking isipan. Kaya nais ko sanang bigyan siya ng manika na iyan para kahit sa huling pagkakataon ay mapaligaya ko siya,” paglalahad ni Utoy habang walang tigil sa pag-iyak.

Hindi alam ni Drake ang kaniyang gagawin sapagkat napagtanto niya ang lubusang kasamaan na kaniyang ginawa. Lubusan siyang nakunsensiya dahil alam niyang labis ang kaniyang pangungutya.

Naiwan si Drake na nakatayo lamang sa gitna ng paaralan.

Kinabuksan ay hinarang ni Drake si Utoy sa pinto ng kanilang silid-aralan.

“Tutuksuhin mo na naman ba ako? Sige, Drake, tama ka, mabaho ako, amoy basurahan ako. Lahat ng sabihin mo ay totoo. Ikaw na ang tama. Ikaw na ang panalo. Sana ay masaya ka na,” sambit ni Utoy.

“Hindi iyon ang nais ko, Utoy. Nais ko sanang manghingi ng kapatawaran sa lahat ng ginagawa kong pangungutya sa iyo. L-lalo na ang pagsira ko sa laruang manika na pinag-ipunan mo nang husto,” wika ni Drake.

“Napagtanto ko na ang kamalian ko. Patawarin mo ako sa lahat ng ginawa kong pang-aalipusta, Utoy. Pangako ko na hindi na mauulit ang lahat ng iyon,’ pahayag pa ng bata.

“S-saka bilang ganti, s-sana ay tanggapin mo rin itong manikang ito kapalit ng manikang sinira ko kahapon,” dagdag pa ni Drake.

Hindi mapigilan ni Utoy ang maging maaliwas ang kaniyang mukha nang makita ang kapalit ng manika. Katulad na katulad ito ng manikang nais ng kaniyang kapatid.

Pagkatapos ng klase ay sinamahan ni Drake at ng kaniyang mga magulang si Utoy at mga magulang nito kasama na rin ang kaibigang si Karen na pumunta sa puntod ng yumaong kapatid. Doon ay ipinakita ni Utoy ang nasabing manika.

Hindi napigilan ni Utoy ang kaniyang mga luha sa pangungulila sa kapatid. Ngunit alam niyang kung nasaan man ito ngayon ay mabuti na ang kalagayan nito.

“Alam kong huli na ang regalong ito, Daisy. Pero tandaan mo na mahal na mahal ka ng kuya. Hinding-hindi kita malilimutan,” sambit niya sa puntod ng kapatid.

Advertisement