Inday TrendingInday Trending
Nagsasawa na ang Babae sa Pagbabayad ng Utang na Loob sa Tiyuhing Nagpaaral sa Kaniya; Isang Alaala ang Magpapatanto sa Kaniya ng Dapat Niyang Gawin

Nagsasawa na ang Babae sa Pagbabayad ng Utang na Loob sa Tiyuhing Nagpaaral sa Kaniya; Isang Alaala ang Magpapatanto sa Kaniya ng Dapat Niyang Gawin

“O, ‘di tama ako, Carlos! Wala talagang kwenta na paaralin mo ‘yang anak-anak mo dahil magloloko at magloloko rin naman iyan! Ano ngayon ang nangyari, nalunod sa pagmamahal at kinalimutan ang pag-aaral niya! Walang utang na loob sa nagpapaaral!” sambit ni Leny sa kaniyang kapatid na si Carlos.

“Tigilan mo na nga, ate, ang mga sinasabi mo. Baka marinig ka nung bata. Naroon na nga sa loob ng silid at walang habas ang pag-iyak. Huwag na nating dagdagan ang sama ng loob,” tugon ni Carlos sa kapatid.

“Naku, a! Wala akong pakialam kung lalong sumama ang loob niya. Mas dapat ikaw ang sumama ng loob dahil ginagawa mo ang lahat para lang mapag-aral ang dalahirang babaeng ‘yan tapos hindi pala siya pumapasok! Sayang lang ang sakripisyo na ginagawa mo!” muling sigaw ng ginang.

“Ikaw, Nika! Tigil-tigilan mo ang kaartehan mo riyan, a! Walang nagsabi sa’yo na sumama ka sa lalaking iyon! Pinag-aaral ka ng tito mo! Wala na ngang silbi ang nanay mo at inasa ka na sa amin, tapos ganiyan pa ang gagawin mo! Malandi ka tulad ng ina mo!” dagdag pa ni Leny.

“Ate, hindi ba sabi ko ay tama na! Huwag mo nang pagsalitaan ng ganiyan si Nika. Kung saan siya nadapa, doon siya babangon!” pagpigil ni Calos sa kaniyang nakatatandang kapatid.

“Tumahan ka na riyan, anak. Gumayak ka na at mag-enrol sa eskwela. Kahit na uulit ka ay ayos lang. Basta, matuto ka na sa pagkakamali mo. Sa pagkakataong ito, galingan mo na. Alam ko namang magaling ka talaga. Medyo naligaw lang ang landas mo,” pagpapalakas ng loob ni Carlos sa anak-anakan.

Bata pa lamang ay naging responsibilidad na ni Carlos ang kaniyang nag-iisang pamangkin dahil ang kapatid nila ay nalulong sa ipinagbabawal na b*syo simula noong sumama ang ina nito sa iba. Dahil wala na ring titingin sa kaniya ay inako na ni Carlos ang maging magulang kay Nika. Siya na ang nagpalaki dito at nagpaaral.

Kahit na kakarampot lang ang kinikita ni Carlos mula sa kaniyang pagbabantay sa isang ilegal na sugalan sa kanilang lugar ay pilit niyang itinatawid ang kanilang pangangailangan.

Magaling naman sa pag-aaral si Nika. Sa katunayan ay palagi siyang nangunguna sa klase. Ngunit nang magkolehiyo ay napabarkada at nagkaroon ng kasintahan. Madalas itong lumiban sa klase. At kahit na hindi pumapasok ay nanghihingi pa rin ito ng baon at pangmatrikula sa kaniyang tatay-tatayan.

Ngunit niloko lamang siya ng kaniyang nobyo. Ang mabuti na lamang ay hindi pa niya isinusuko ang kaniyang pagkababae. Unang pag-ibig kasi ito ni Nika kaya lubusan siyang nasaktan.

Agad siyang umamin kay Carlos at humingi ng tawad. Dahil sa pagmamahal sa kaniya ng tatay-tatayan ay hindi siya hinusgahan nito bagkus ay lalo pa itong nagtiwala sa kaniya. Binigyan muli ni Carlos ang dalaga ng pangmatrikula at kahit na labag sa kalooban ng ate ni Carlos na si Leny ang ginagawang ito ng kapatid ay patuloy lang ang ginoo sa pagbibigay ng pangangailangan ni Nika.

Dahil sa pagtitiwalang ibinigay ng tiyuhin, ay pinagbuti ni Nika ang pag-aaral. Nangako siya na hindi mapupunta sa wala ang pagsasakripisyo ng kaniyang tiyo.

Hindi nagtagal ay nakatapos na ng pag-aaral si Nika at nakapaghanap ng trabaho. Ilang taon pa ang lumipas ay nakapangasawa na rin ang dalaga. Ngunit kahit ganoon ay hindi niya nakakalimutan na tumanaw ng utang na loob sa kaniyang Tiyo Carlos. Kahit payak lamang ang pamumuhay ng dalaga ay palagi siyang nagpapadala ng panggastos nito. Siya na rin ang sumasagot sa panggamot at lahat ng gastusin sa bahay ng tiyuhin.

Ngunit madalas niyang mabalitaan na nagsusugal lamang pala ang kaniyang Tiyo Carlos. Nauubos ang lahat ng kaniyang padala sa bisyo ng matanda.

“Tiyo, ayos lang naman po sa akin na maglibang kayo ngunit nakakalimutan niyo na po ba na ang pagpupuyat niyo sa sugal ang siya ring dahilan ng pagkakasakit niyo?” paalala ni Nika.

“Saka, tiyo, hindi po tama na magsugal kayo. Baka mamaya ay mahuli kayo ng mga pulis. Lalo na po sa panahon ngayon na lalong pinaigting ang pagbabawal sa pagsusugal. Alam niyo naman ho ‘yan ‘di ba?” dagdag pa ni Nika.

“Ito na nga lang ang libangan ko. Saka sugal din ang bumuhay sa iyo kaya huwag kang magsasalita ng ganiyan,” tugon ni Carlos sa pamangkin.

“Ngunit ang sugal din po ang dahilan kung bakit iniwan ng nanay ko ang tatay ko. Dahil lahat halos ng naipundar nila ay ibinebenta niya dahil sa kaniyang pagkalulong sa sugal. Doon din siya natuto na gumamit ng bawal na g*mot, hindi po ba?” depensa naman ni Nika.

“Kaya ko ang sarili ko. Saka tulad ng sinabi mo ay naglilibang lang naman ako!” sambit ng ginoo.

“Isa pa, tiyo. Nagigipit na rin po ako dahil may sarili na akong pamilya. Pilit ko lamang pong pinagkakasya ang sahod naming mag-asawa para kahit paano ay masagot ko pa rin ang mga pangangailangan ninyo. Kaya nakakasama ng loob kung isusugal niyo lang,” sambit ni Nika.

“Sige, para sa ikapapanatag ng kalooban mo, nangangako ako sa’yo na simula ngayon ay hindi na ako magsusugal,” wika ni Carlos.

Ngunit hindi pala tunay ang sinasabi ng ginoo. Sinabi lamang niya iyon upang tumigil na lamang ang pamangkin. Talagang hindi niya maiwasan ang pagsusugal kahit anong gawin niya.

Ngunit isang araw ay hindi inaasahan ng lahat. Maraming pulis ang lumusob sa nasabing pasugalan at hinuli ang lahat ng nagsusugal doon. Kabilang na si Carlos na hindi nagawang tumakbo dahil sa kaniyang kalagayan.

“Kailangan ng piyansa ng tiyo mo!” saad ni Leny sa kaniyang pamangkin.

“Sinabihan ko na siya, tiya, na ‘wag magsusugal. Ano ang ilalabas kong pang piyansa? Hanggang ngayon ay nagbabayad pa rin ako ng mga nautang ko noong na-ospital siya at noong kinailangan niyong ipagawa ang bahay niyo. Hindi naman po ako nagkukulang lalo na sa pagpapaalala sa kaniya,” wika ni Nika.

“Wala kang utang na loob. Kung wala ang tiyo mo ay hindi mo alam kung saan ka pupulutin. Dapat talaga ay hindi ka na lang niya pinag-aral!” sambit ni Leny.

“Tiya! Hanggang kailangan po ba ako magbabayad ng utang na loob? Wala po ba akong karapatan naman na mabuhay para sa sarili kong pamilya? Ginagamapanan ko naman po ang lahat para maibalik sa kaniya ang lahat ng sakripisyo niya noon sa akin. Bakit tila kasalanan ko na nasa loob siya ng piitan?” naiiyak na sambit ni Nika.

Masama talaga ang loob ni Nika dahil kahit na hirap siya sa buhay ay pilit niyang itinatawid ang kaniyang responsibilidad sa pamilya at sa taong tumayong magulang niya. Nararamdaman na rin niya ang pagod sa pagbabayad ng utang na loob at susuko na sana siya sa pagbibigay sa kaniyang tiyuhin ngunit bigla niyang naaalala ang tagpong nagloko siya sa pag-aaral noon at binigyan siya nito ng isa pang pagkakataon.

“Tiyo, tara na po at makakalaya na po kayo,” sambit ni Nika pagtapos bayaran ang piyansa nito.

“Patawarin mo ako, anak. Patawarin mo ako kung matigas ang ulo ko at hindi ako nakikinig sa iyo. Patawad kung nabibigatan ka na sa responsibilidad mo sa akin. Hindi tama na dahil pinaaral kita ay iniatang ko na sa balikad mo ang lahat,” wika ng tatay-tatayan niya.

“Kayo rin naman po ang nagturo sa akin na magbigay ng isa pang pagkakataon sa mga taong nagagawan tayo ng mali. Kung saan po kayo nadapa doon po kayo bumangon. Sa pagkakataon pong ito, galingan niyo na. Kasi naniniwala naman po ako sa inyo na magaling talaga kayo!” naiiyak na sambit ni Nika.

Niyakap siya ng kaniyang tiyo. Lubusan ang galak ni Nika sapagkat alam niyang ang yakap na iyon ay isang simbolo na tutuparin na ng kaniyang tiyo ang kaniyang pangako.

Tuluyan nang iniwan ni Carlos ang pagsusugal. Nanghingi muli siya ng tulong kay Nika sa huling pagkakataon upang magkaroon ng puhunan para sa isang maliit na tindahan. Sa pagkakataong iyon ay nakakapaglibang na siya at kumikita pa siya.

Tila nabunutan na din ng tinik si Nika sapagkat ngayon ay mas matutuunan na niya ng pansin ang sariling pamilya dahil alam niyang nasa ayos na landas na muli ang kaniyang tiyuhin.

Advertisement