
Inggit ang Dahilan kung Bakit Niya Siniraan ang Kaibigan; Babaliktad pala ang Kapalaran
“Oh, bakit wala pa si Sarah? Kailangan ko siyang makausap,” kunot-noong tanong ng kanilang boss nang pumasok ito sa kanilang opisina. Mukhang mainit ang ulo nito ngayon.
Napangisi naman si Vivien sa isiping nagbubunga na ang ilang linggo niya nang paninira kay Sarah. Mukhang hindi na matutuloy ang inaasahan nitong promotion dahil sa ginagawa niyang pananabutahe sa dating kaibigan na ngayon ay labis niya nang kinaiinggitan.
“Naku, sir. Ilang araw na nga hong nale-late ʼyan si Sarah, e. Nagtataka na nga ho kami. Ang unfair nga po sa amin kasi halos lahat kami rito, on-time kung pumasok,” pasimple pang sulsol ni Vivien sa kanilang Sir Michael.
“Ganoon ba?” Napailing pa si Sir Michael. “Kailangan ko pa naman siyang makausap tungkol sa mga nawawalang papeles na ipinaasikaso ko sa kaniya. Hindi ko alam kung papaanong nangyaring bigla na lang niyang naiwala iyon!”
“Naku, sir. Baka naman po hindi kasi inaayos ni Sarah ang trabaho niya?” Pumalatak pa kuno si Vivien upang mas paniwalain ang boss niya. “Dapat iniingatan niya ang mga ganoong bagay!” dagdag pa ni Vivien kahit ang totoo ay nagdiriwang na ang kaniyang kalooban dahil sa wakas ay mawawala na sa landas niya ang kinaiingitang kaibigan.
Lingid sa kaalaman ng lahat, si Vivien ang siyang kumuha ng naturang mga papeles upang isabotahe si Sarah. Simula kasi nang maipasok niya ito sa kanilang kumpaniya ay ito na ang naging pinakamabangong empleyado sa kanilang kompanya. Pinagkatiwalaan ito nang lubos ng kanilang boss at sa loob lamang ng anim na buwan ay usap-usapan na ang igagawad na promotion ni Sir Michael dito! Samantalang si Vivien na halos limang taon na sa kompanya ay ni hindi man lamang magkaroon ng salary increase? Grabe ang naging inggit niya.
“Sir, sorry po, Iʼm late.”
Napalingon sila sa bagong pasok na dalaga. Si Sarah, bitbit ang mga papeles na ilang araw na rin nitong hinahanap!
Nanlaki ang mga mata ni Vivien. Sigurado siyang itinapon niya na iyon sa basurahan! Papaanong nakuha pa iyon ni Sarah?
“Sir, kilala na po namin kung sino ang nagnakaw ng papeles na iyan. Oo nga ho at walang kuha ang CCTV natin dito sa opisina, pero nakunan ho sa CCTV sa labas kung sino ang natapon ng papel na iyan. Isa pa, may nakakita rin ho nang pilit buksan ni Vivien ang locker ni Maʼam Sarah para kunin iyan doon,” paliwanag ng guwardyang kasama ni Sarah na nagpasinghap sa lahat ng mga kapwa nila empleyado na siyang nakarinig sa sinabi nito!
Biglang napipi si Vivien. Napatitig siya sa nagtatanong na mga mata ni Sarah na ngayon ay tila hindi makapaniwala sa kaniyang ginawa.
“H-hindi totoo ʼyan! Sinungaling kayo! Hindi ako ang may kasalanan! Si Sarah!” Sinubukan pang lumusot ni Vivien ngunit iling na lamang naisagot ng kanilang Sir Michael.
“Ilabas na ninyo ang babaeng ʼyan dito. Hindi ko kailangan ng magnanakaw sa kompanya ko. Sayang, Vivien, sayang. Kung sana ay hindi ka nagpadala sa ʼyong inggit, sana ay sabay kayong umaangat ngayon ng matalik mong kaibigan,” sabi ng kanilang boss na agad na nagpakunot sa noo ni Vivien.
“Sir, ano po ang ibig ninyong sabihin?” tanong niya.
“Hindi mo ba alam? Habang natutuwa ako sa performance ng kaibigan mo ay palagi niyang ibinibigay sa ʼyo ang credit, dahil sabi niyaʼy ikaw daw ang magaling na nagtuturo sa kaniya niyon? Sayang, Vivien.”
Nanlaki ang mga mata ni Vivien sa isinagot ng kaniyang boss. Muli siyang napatingin kay Sarah at nakita niyang nangingilid na ang luha nito. Napaluhod si na lang si Vivien sa sobrang pagsisisi sa kaniyang nagawa. Pinairal niya ang inggit at hindi inisip ang pinagsamahan nila kaibigan. Ngayon ay hindi lang trabaho ang nawala sa kaniya, kundi pati si Sarah.
Tinanggal ni Sir Michael si Vivien sa trabaho at tuluyan nang ibinigay ang naudlot na promotion ni Sarah. Samantala, hirap na hirap namang magsimulang muli si Vivien dahil ilang beses na siyang tinatanggihan ng ibang kompanya. Kumalat na kasi ang kahihiyang ginawa niya sa huling pinasukan, ngayon ay wala nang gustong magtiwala pang muli sa kaniya.
Ang ipinagpapasalamat lang ni Vivien ngayon ay ang hindi na pagtuloy ng demanda laban sa kaniya dahil napigilan ni Sarah ang kanilang boss. Mabuti pa rin ang kaibigan niya sa kaniya sa kabila ng ginawa niya rito at iyon ang mas kumukonsensiya kay Vivien.