Inday TrendingInday Trending
Ayaw Suportahan ng Lalaking ito ang Kaniyang Anak; Dahilan Niyaʼy Napikot lang Siya

Ayaw Suportahan ng Lalaking ito ang Kaniyang Anak; Dahilan Niyaʼy Napikot lang Siya

Bitbit ang kaniyang mga bagahe ay dali-daling lumabas ng bahay ang binatang si Harold. Pinagpapawisan siya nang malamig habang palinga-linga sa paligid ng kanilang bakuran. Halos wala na siya sa kaniyang sarili dahil sa kaiisip na maaari siyang balikan ng pamilya ng kaniyang dating nobya.

Ayaw panagutan ni Harold ang ngayon ay nagdadalang tao niyang nobya. Ang katuwiran niya sa pamilya nito ay pinikot lamang naman siya! Ngunit alam niya sa kaniya mismong sarili na hindi iyon totoo.

“Hello, pare?” bungad niya sa kaniyang kaibigang si Lemuel nang sagutin niya ang tawag nito sa kaniyang cellphone.

“Hello, Harold? Nasaan ka na ba, pare? Bakit ayaw mong harapin si Jane? Nagpunta rito ang parents niya, inaalam kung saan ka nakatira!” pag-iimporma naman ni Lemuel sa kaniya.

Napamura si Harold sa narinig. “Anong sinabi mo, pare? Itinuro mo ba ako?”

“Hindi, pʼre! Siyempre, hindi ko gagawin ʼyon!” sagot naman ng kaibigan sa kaniya.

“Mabuti naman. Paalis naman na ako. Magtatago muna ako sa probinsya, pare. Naghihintay lang ako ng masasakyan,” paliwanag naman ni Harold na ngayon ay nakahinga na nang maluwag nang malamang hindi siya isinuplong ng kaibigan.

“Huwag ka nang maghintay ng sasakyan, pʼre. Ako na ang maghahatid sa ʼyo sa bus station para mas mabilis tayong makarating. Dadalhin ko ang sasakyan ko,” sabi pa ni Lemuel na lalo namang ikinatuwa ni Harold.

Masayang hinihintay ni Harold sa kaniyang bahay ngayon ang kaibigan. Sa wakas ay matatakasan na niya ang ginawa niyang kasalanan!

Naaalala niya noong gabing nakikipaghiwalay sa kaniya ang nobyang si Jane dahil nahuli siya nitong may ibang babae. Nasaktan niya ito nang gabing iyon nang pisikal at kaniya itong pinagsamantalahan upang mapilitan itong manatiling nobya niya hanggang sa ito ay pagsawaan na niya.

Ngunit makalipas lang ang ilang linggo ay ibinalita na nito sa kaniya na ito raw ay nagdadalang tao at siya ang ama!

Kaya naman nang komprontahin ng ama ni Jane si Harold ay ikinatuwiran niyang, napikot lamang siya ng dalaga.

Nasa ganoong kaisipan si Harold habang binabalikan sa ala-ala ang mga pangyayari nang makarinig siya nang kaluskos sa gate ng kaniyang bahay.

“Pareng Harold, nandito na ako! Nasaan ka na?” dinig niyang hiyaw ng nabobosesan niyang si Lemuel.

Dali-daling kinuhang muli ni Harold ang mga bagahe niya upang muling lumabas, ngunit bago pa man siya tuluyang makasakay ng sa loob ng sasakyan ni Lemuel ay dinakip na siya ng mga pulis na noon lamang niya napansing kasama pala ng kaibigan!

“Anoʼng ibig sabihin nito, Lemuel?” tanong ni Harold habang kumakabog ang dibdib.

“Pasensiya ka na, pare. Kaibigan kita, pero kaibigan ko rin si Jane. Nakita ko ang nangyari noong gabing pinagsamantalahan mo siya kaya nagsumbong ako sa papa niya nang ‘di mo panagutan ang anak nʼyo. Doon ako papanig sa tama, pare,” mariin namang sagot ni Lemuel sa kaniya at wala na siyang nagawa nang ipakita sa kaniya nang mga pulis ang warrant of arrest sa kaniya para sa kasong panghahalay.

Napayakap na lamang si Jane sa kaibigang si Lemuel na kahit malapit kay Harold ay hindi nagdalawang-isip na tulungan siya.

Samantala, laking pagsisisi ni Harold sa kasalanang kaniyang ginawa kay Jane dahil ngayon ay sigurado siyang mabubulok siya sa bilangguan. Kung sana lang ay naging mas mapagmahal siyang nobyo noon ay hindi sana sila aabot sa ganito ngayon.

“Jane, gusto ko sanang humingi ng kapatawaran para sa mga kasalanang ginawa ko sa ʼyo. Hindi ako mabuting tao. Aaminin ko sa korte ang ginawa ko para hindi na kayo mahirapan pa. Haharapin ko ang parusa. Hiling ko lang na sana, balang araw ay makita ko ang anak natin kahit sa malayo lang. Ngayon ko lang napagtantong suwerte na pala ako kung tutuusin dahil may pamilya na sana tayo ngayon.” Walang humpay ang hagulhol ni Harold habang kaharap ang dating nobya kasama ang ama nito, ganoon na rin si Lemuel.

“Lemuel, pare, nagpapasalamat ako sa ʼyo dahil nagawa mo akong ituro sa tamant landas, kahit na ang ibig sabihin pa nito ay mapaparusahan ako. Ikaw ang dahilan para kahit papaano ay makapagsisi ako, maraming salamat,” baling naman ni Harold sa kaibigan na tanging tango lang naman ang isinagot sa kaniya.

Matapos ang pag-uusap na iyon ay tinupad ni Harold ang binitiwang pangako sa dating kasintahan.

Advertisement