Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap na Manghuhula ang Babae upang Kumita nang Malaki; Karma pala ang Kahalili

Nagpanggap na Manghuhula ang Babae upang Kumita nang Malaki; Karma pala ang Kahalili

“Naku, misis!” naiiling na ani Madam Lucia sa kaniyang kostumer na babae, habang hawak niya ang kamay nito.

“Bakit ho, Madam Lucia?” takang tanong naman ng kaniyang kostumer na si Jackie.

“Mukhang alam ko na kasi kung bakit madalas na hindi ka pinapansin ngayon ng iyong asawa, hija…”

Nakaramdam ng kaba si Jackie nang putulin ni Madam Lucia ang kaniyang sinasabi kaya naman atat muli siyang nagtanong.

“Bakit ho? May itinatago ho ba ang asawa ko?”

“Oo, hija. Nababasa ko rito sa ʼyong palad na niloloko ka ng asawa mo! May iba siyang babae!” hiyaw pa ng limampuʼt tatlong taong gulang na manghuhulang ginang kay Jackie.

Biglang nanggalaiti si Jackie sa narinig mula sa matanda. Tila nawala na sa kaniyang isipan na isa lamang itong manghuhula at may posibilidad na mali ang sinasabi nito! Pagkabayad na pagkabayad ay agad na umuwi si Jackie sa kanilang bahay. Halos pumutok ang puso niya sa sobrang galit na kaniyang nararamdaman na lalo pang nadagdagan nang hindi niya naabutan ang asawang si Robert doon.

“Saan ka galing?!” hiyaw ni Jackie pagkarating na pagkarating pa lamang ni Robert mula sa trabaho. “Bakit ngayon ka lang umuwi? Kanina pa ang out mo, ah!” sigaw pa niya.

“Mahal, bakit ka galit? Galing lang ako sa trabaho. Traffic lang kasi dahil may banggaan sa highway kaya medyo na-late ako, ikaw naman, oh,” kalmado namang sagot ni Robert sa asawa ngunit nagulat siya nang bigla siyang sampalin ni Jackie!

“Wag ka nang magkaila pa! Nagpahula ako kanina at nalaman kong niloloko mo pala ako! May babae ka!” hiyaw nito at pinaghahampas pa siya sa dibdib.

Napahilamos sa mukha si Robert sa narinig mula sa asawa. Hinuli niya ang mga kamay nito at niyapos upang ito ay kumalma.

“Mahal, ano ka ba? Naniniwala ka sa manghuhula? Wala ka namang ebidensya! Bakit naman ba ako mambababae? Mahal naman!” may halong inis nang ani Robert kay Jackie, ngunit ayaw pa rin nitong maniwala sa kaniya.

“Kung wala kang babae, bakit ilang araw ka nang umuuwi nang late? Bakit lagi kang may kausap sa telepono? Bakit lagi kang busy?” humahagulhol nang ani Jackie.

Dahil sa sobrang awa na rin ni Robert sa asawang napapraning nang dahil sa pekeng manghuhula ay wala siyang nagawa kundi isagawa nang maaga ang pinagpaplanuhan niya para kay Jackie, makalipas lamang ang tatlong araw. Pakakasalan niya kasi ito sa simbahan at iyon ang ilang buwan na niyang inaasikaso. Sa huwes lang kasi sila ikinasal noon. Eksakto namang kaunti na lamang ang aayusing bagay kaya minadali na iyon ni Robert kaysa lumala pa ang kanilang away.

Nabigla na lamang si Jackie nang inaayusan na siyaʼt pinagsusuot ng pinakapapangarap niyang Traje De Boda. Mali pala ang sabi ng manghuhula! Dahil doon ay humingi ng tawad si Jackie sa kaniyang asawa.

Matapos ang kasal ay i-p-in-ost ni Jackie sa kaniyang Facebook account ang naging experience niya tungkol sa pekeng manghuhula na muntik nang sumira sa kanilang relasyon. Alam niyang may kasalanan siya sa nangyari, ngunit gusto niya sanang matigil ang panlolokong ginagawa ni Madam Lucia upang wala nang iba pang kagaya niyang mabiktima.

Ngunit matapos mag-viral ang kaniyang post ay marami ring iba pang biktima ni Madam Lucia ang nagsulputan at nagbigay komento sa kaniyang post! Marami na pala itong nasirang relasyon hindi lang ng mag-asawa kundi pati ng magkakapatid, magkaibigan, magkakatrabaho, mag-ina at mag-ama!

Doon din nila napag-alaman na malaki na ang kinita ni Madam Lucia sa pagiging pekeng manghuhula nito lalo pa at may mga kostumer itong mayayaman!

Gumawa ng grupo si Jackie at Robert, kasama ang ilan pang biktima ni Madam Lucia at sinampahan nila ng kaso ang palalong ginang! Ngayon ay patong-patong na kaso ang kailangan nitong pagbayaran sa batas.

Mabuti na lamang at agad na nahuli si Madam Lucia at nakulong.

Samantala, napag-alaman naman ng mag-asawang Jackie at Robert na nagdadalang tao pala si Jackie kaya ganoon na lamang ito kung maging sobrang emosyonal at mapaghinala. Mabuti na lamang pala at mabilis ding nagawan ni Robert ng paraan ang kanilang problema kaya hindi napahamak ang kanilang panganay.

Nangako naman si Jackie na hindi na muling maniniwala, basta-basta sa mga sabi-sabi, hula at tsismis lalo na kung wala naman itong basehan. Lahat sila ay natuto na sa kanilang mga kamalian.

Advertisement