Hindi pa tumitilaok ang tandang ng kapitbahay ay bumangon siya. Ayaw niyang mahuli ngayon sa pagpasok dahil sa paaralan gaganapin ang Division History quiz bee ngayong araw at kasali si Fe roon.
Dali-dali siyang nagsaing at nag-init ng tubig sa takure. Kailangan malamanan niya ang kaniyang sikmura dahil maghapon sila ngayon sa school. Nang kumulo ang tubig ay isinalin niya ito sa thermos at nagluto naman ng ulam. May natira pang tatlong itlog at anim na pirasong tuyo sa lalagyan kaya iniluto niya na ang lahat ng iyon. Para kapag nagising na ang kaniyang mama na pagod sa trabaho araw-araw ay hindi na ito kikilos pa sa kusina. Hinintay niya na rin maluto ang sinaing bago siya kumain, maligo at gumayak na.
Nang makapagbihis ay kinuha niya ang isang pritong itlog at tuyo saka niya ipinaibabaw sa mainit na kanin na una ko niya nang inilagay sa baunan. Pinuno niya ng tubig ang dalawang boteng baunan. Sinipat niya ang orasan, alas singko y media pa lang. Makakahabol siya.
Kumatok siya sa silid ng ina at nang pagbuksan siya nito ay nagpaalam na siya na papasok. Iniabot sa kaniya ng ina ang treinta pesos, nang may lungkot sa mga mata. Saktong pamasahe lang sa tricycle at jeep balikan. Nagbayad kasi ang mama niya ng bill ng kuryente kaya kinapos na naman sila. Nakiusap siya noong nakaraang gabi na huwag na muna akong pumasok dahil kulang ang baon ko ngunit nginitian niya lamang ang ina at sinabing, “Okay lang po, magbabaon na lang ako, ma, para ‘di ako gutumin sa school.”
Nang makalabas ng tarangkahan ay nakita niyang may bahagyang liwanag na. Kaya naman nagsimula na siyang maglakad. Nilagpasan niya ang terminal ng traysikel sa kanto at dire-diretsong naglakad. Balak niyang tipirin ang baon ngayong araw kaya maglalakad na lamang siya.
Pagpasok sa loob ng room ay hinagilap agad ni Fe ang tubig sa loob ng kaniyang bag saka siya uminom. Nakalahati niya agad ang isang bote. Nauhaw siya sa paglalakad mula sa bahay nila hanggang sa eskuwela ngunit hindi iyon ininda ng masipag na si Fe.
Habang naghihintay sa pagsisimula ng patimpalak ay nagbasa-basa muna si Fe. Kailangan niyang manalo ulit umaasa siya na kahit ang third place man lang ay makuha niya. Dalawang libong piso ang premyo niyon. Sapat na para makatipid sila ng ina sa ilang linggong pangbaon niya sa eskuwela.
Halos lahat na yata ng paligsahan sa school ay sinalihan na ni Fe. Kilala siya bilang masipag na bata, masunurin at mabait na anak. Bukod doon ay matalino rin siya, kaya kahit papaano ay nakatutulong siya sa ina.
Nagsimula na ang patimpalak. Umuugong sa ingay ng mga estudyante ang buong gymnasium. Kani-kaniya sila nang paghiyaw sa pangalan ng kanilang mga pambato, kasama na rito ang mga kaklase at kaibigan ni Fe na todo rin ang pagsuporta sa kaniya. Iniidolo siya ng mga ito. Sa katunayan, simula nang siya ay makilala nila ay naging mabubuting mag-aaral na rin ang mga ito dahil sa impluwensya ni Fe.
Sobrang lakas ng hiyawan sa paligid nang i-announce ng emcee na si Fe ang Grand Winner ng patimpalak at nagkamit siya ng limang libong piso bilang premyo. Ganoon na lang ang kaniyang galak nang iuwi iyon sa kaniyang mama na halos maiyak naman sa sobrang pagka-proud sa kaniya.
“Ako ang pinakamasuwerteng magulang sa mundo, anak. Ikaw ang tangi kong yaman kahit na kapos tayo sa buhay. Maraming salamat!” anang kaniyang mama bago siya niyakap nito na kaniya namang ginantihan.
Ang pagmamahal na iyon ng kaniyang mama ang pinakasandigan ni Fe upang lalong magsikap sa buhay.
“Ipinapangako ko sa ʼyo, mama, hindi lang po iyan ang iuuwi ko sa susunod. Maraming salamat po sa suporta, sa pagmamahal at pag-aaruga, masuwerte rin po ako at kayo ang naging magulang ko.”
Sampung taon na ang lumipas at ni minsan ay hindi nawaglit sa isip ni Fe ang pangakong iyon sa ina. Ngayon ay isa na siyang ganap na guro at kumikita ng sapat na halaga upang maging maayos ang buhay nila.
Bukod pa riyan, patuloy na naging inspirasyon si Fe sa mga kabataan ngayon lalo pa at maraming naliligaw ng landas. Isa si Fe sa mga nangungunang magpalaganap ng mabuting pag-uugali sa mga estudyanteng kaniyang tinuturuan.