Inday TrendingInday Trending
Torpe si Lalaki at si Babae Naman ay Walang Tiwala sa Sarili; May Matamis na Wakas Kaya Para sa Dalawa?

Torpe si Lalaki at si Babae Naman ay Walang Tiwala sa Sarili; May Matamis na Wakas Kaya Para sa Dalawa?

“Jon! Halika na rito, sasakay na tayo!” sigaw ni Eris sa kaibigang si Jon na kasalukuyang kumakain ng fishballs at tokneneng sa gilid ng ferris wheel ride.

“Sandali lang naman! Kitang kumakain pa, e!” ganting sigaw ni Jon na halos mabilaukan na dahil sa sunod-sunod na subo ng kinakain. Sa pagmamadali ay halos hindi na nito nginunguya ang fishballs at itlog ng pugo. “Tubig!” sigaw niya maya-maya.

Nataranta naman ang magkakaibigang Sammy, Apol, Mai, Judy, Happy at Teng sa nakitang itsura ni Jon. Sa pagmamadali ni Happy na dalhan si Jon ng tubig ay nadapa ito. Tumalsik ang lahat ng tubig na laman ng bote sa mukha ni Jon.

“Sorry!” hinging paumanhin ni Happy. Hiyang-hiya ito sa nangyari. Mangiyak-ngiyak naman si Jon na pilit nilulunok ang laman sa bibig nang walang panulak.

Tawa naman nang tawa sina Judy at Apol sa nasaksihan. Hanggang sa makarinig sila ng animo ay tunog ng torotot na nanggagaling sa likod ni Teng na nagpipigil rin ng tawa sa isang sulok.

Lalong lumakas ang tawanan nilang lahat nang malaman kung saan nanggaling ang mahiwagang tunog na iyon.

“Nakakadiri ka, Teng! Ututin ka talaga!” hiyaw ni Sammy na lalo pa ngang nakapagpalakas sa kanilang tawanan.

“Okay ka lang?” tanong ni Mai kay Jon nang lapitan niya ito habang nagpapalit ng damit sa may kadilimang bahagi ng amusement park.

“Kapag sinabi ko bang okay lang ako, maniniwala ka?” pilosopong sagot ni Jon.

“Sungit,” bulong ng dalaga. Dismayadong sinupladuhan na naman ng kaniyang crush. Napabuntong hininga na lamang siya. Kahit ano talaga ang gawin niyang pagpapapansin dito ay hindi siya magustuhan ni Jon.

Nilapitan ni Mai ang mga kaibigan na kasalukuyang nakapila sa harap ng roller coaster. “Sigurado ba kayong diyan tayo sasakay?” tanong niya.

“Wag mong sabihing natatakot ka, Mai?” pang-aasar ni Teng sa kaibigan.

“Hindi, ah!” namumula ang taingang sagot naman ni Mai, kahit halata namang totoo ang sinasabi nito.

Inayos ni Mai ang suot na salamin saka tinungo ang harapang pila at pumalit sa puwesto ni Eris na sobrang excited na sa pagsakay. Gusto niyang patunayang hindi totoo ang sinasabi ni Teng. Tumawa lang naman ang binata sa kaniyang inasal.

Lingid sa kaalaman nila ay palihim nang nagngingitngit ang kalooban ni Jon sa isang sulok. Naiinis siyang isiping nagiging sobrang malapit si Mai kay Teng. Paanoʼy matagal na niyang gusto ang kaibigan. Iyon nga lang ay nagiging malakas ang kabog ng kaniyang dibdib sa tuwing siyaʼy napapalapit dito kaya naman halos itaboy niya ito. Natotorpe kasi siya.

Nang makasakay na sa roller coaster ay nagsimula nang magdasal si Mai. Nagkataong naging magkatabi pa silang dalawa. Hindi nila alam ay plano na iyon ng kanila pang mga kaibigan dahil ayaw nilang umamin sa isaʼt isa.

“Diyos ko po! Ayoko pang malagutan ng hininga!” sigaw ni Mai nang magsimulang umandar ang sinasakyan nila.

“Baliw!” natatawang sabi naman ni Jon dahil sa inasal ni Mai. Namula naman ang pisngi ng dalaga. Iyon ang unang beses na nginitian siya nito.

Nang bumilis nang husto ang andar ng roller coaster ay lalong nagsisigaw si Mai. Muling nawala sa isip ang ngiti ng lalaking iniibig.

“Marami pa po akong obligasyon sa pamilya ko, Lord! Wag po muna ninyo akong kunin!” Takot na takot si Mai.

“Hoy! Maimai, nakakahiya ka, ano bang isinisigaw mo riyan?” puna ni Sammy na nasa likuran nilang dalawa ni Jon.

Tawa naman nang tawa ang iba pang kaibigan nila. Nawala ang inhibisyon ng kanilang kaibigan at ang pagiging mahinhin nito ay nabawasan dahil sa takot.

“E, anoʼng gusto moʼng isigaw ko? Na mahal ko si Jon? E hindi naman ako pinapansin niyan!” biglang naisigaw ni Mai sa sobrang pagkataranta. Natigilan ang lahat ngunit siyaʼy nagpatuloy pa sa pagsigaw.

Napalingon naman si Jon kay Mai. Animo ay nag-slow motion ang lahat. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Mahal siya ni Mai. Mahal siya ng babaeng lihim niya ring itinatangi!

Kung hindi pa gumawa ng paraan ang kanilang mga kaibigan ay hindi pa nila malalamang parehas na gusto pala nila ang isaʼt isa. Paanoʼy napaka-torpe ni Jon habang si Mai naman ay walang tiwala sa sarili!

Kaya matapos ang araw na iyon, sinimulan nang magtapat ni Jon ng kaniyang nararamdaman kay Mai. Doon na rin siya nagsimulang umakyat ng ligaw sa dalaga na hindi natagal ay nauwi rin sa matamis na oo.

Advertisement