Inday TrendingInday Trending
Noon ay Pinagmalupitan Siya ng Ama; Ngayon, Hiling Nitoʼy Makasama raw Siya

Noon ay Pinagmalupitan Siya ng Ama; Ngayon, Hiling Nitoʼy Makasama raw Siya

“Sigurado ka na ba rito?” tanong ni Jewel kay Emerald habang naglalakad sila sa airport lobby.

“Yea,” tipid na sagot ni Emerald sabay tingin sa labas ng bintana ng paliparan.

Mahabang panahon na rin naman ang inilagi niya rito. Kahit paano ay naghilom na ang sugat na nagmula sa kaniyang nakaraan.

“Kapag hindi mo kaya, maaari kang bumalik dito. Hihintayin ka namin, okay?” saka siya niyakap nang mahigpit ni Jewel, ang bestfriend niya na kahit kailan ay hindi siya iniwan. Katulad niya, ito ay isa ring doktor. Patunay na kahit sa larangang tinahak ay nagkakaisa silang dalawa.

Napuno ng luha ang mga mata nilang dalawa habang magkayakap. Mabigat man sa kalooban ng bawat isa ay kailangan nilang magkalayo. Kailangan bumalik ni Emerald sa Pilipinas.

Naupo sila sandali sa dalawang bakanteng upuan sa waiting area at saka isa-isang tiningnan ni Emerald ang mga papeles na ipiprisinta niya sa immigration official bago mag-check-in. Tahimik naman na nakamasid lang ang kaibigan sa kaniya.

Nang maiayos na ang lahat ay muling nagsalita si Jewel, “O siya, mag-iingat ka roon ha? Tatawag kang madalas. Pagkababa mo pa lang ng eroplano ay ipaalam mo na agad sa akin para sigurado akong okay ka.”

“Oo best, I will. Thank you! Ma-mimiss kita,” nakangiti man ay hindi napigilan ni Emerald ang muling maluha.

“Sssh, ano ka ba? Magkikita pa naman tayo!” nginitian siya ng kaniyang kaibigan at nagyakapan pa bago sila naghiwalay ng landas. Si Emerald papasok sa immigration counter ng airport at si Jewel naman na palabas.

Nang malagpasan ang lahat ng inspection at interview ay naghintay na si Emerald ng kaniyang flight. Dalawang oras siyang nakaupo sa waiting area. Tulala at nasa Pilipinas na ang isip. Hindi man siya sigurado sa kalalabasan ng kaniyang pag-uwi ay kailangan niya itong gawin. Wala nang ibang maaaring mag-alaga at kumalinga sa ama niyang iginugupo ng sakit kundi siya lamang—ang nag-iisang supling na naiwan ng kaniyang inang binawian ng buhay mula sa panganganak.

Dalawampung oras—ito na siguro ang pinakamahabang paglalakbay sa buong buhay niya. Dalawampung oras na puno ng agam-agam at kaba. At habang papalapit ang eroplano sa Pilipinas ay palakas rin nang palakas ang kaniyang kaba. Hanggang sa makarating na at lumapag ang eroplano sa NAIA, kasabay ng malakas na ugong ng makina ay ang malakas na pagkabog ng kaniyang dibdib.

Sinalubong siya ng mga kamag-anak na nang huli niyang nakita ay sampung taon na ang nakalilipas. Mga pamilyar na mukha na naging sandigan niya noong mga panahong nalulugmok siya. Napuno ng kumustahan at halakhakan ang kanilang sasakyan habang pauwi. Ngunit ang kaniyang kaba ay hindi mapawi. Lalo na nang makita niya ang pamilyar na gate na inakyat niya noong gabing magsawa siya sa kalupitan ng kaniyang ama.

Maliwanag ang buong paligid. Ang hardin kung saan siya masayang naglalaro noon ay hindi pa rin nagbabago. Ang bahay-kubo kung saan siya nooʼy madalas magtago sa tuwing siyaʼy sasaktan ng kaniyang ama ay tila inaanyayahan siyang dooʼy muling magtungo.

Lumukob ang samuʼt saring emosyon sa kaniyang puso. Pinigilan niya ang pagpatak ng mga luha.

“Hindi pala talaga ganoon kadaling limutin ang lahat,” bulong ng isip niya.

Nanlalamig ang mga paang humakbang siya papasok sa tarangkahan ng kanilang bahay. Dumako ang tingin niya sa tumba-tumba ng kaniyang Lola Esmeralda. Ang tumba-tumbang minsan niyang ginawang pananggalang. Buo pa rin ito at matibay. May ilang mga kagamitan sa bahay ang nawala at napalitan ngunit ang mga alaala ay nananatili sa gunita ni Emerald.

Habang abala ang lahat sa pagbababa ng mga gamit at paghahanda ng iba sa kanilang pagsasaluhang pagkain ay tahimik siyang dumiretso sa silid ng kaniyang ama, nanginginig man ang mga kamay nang pihitin ang seradura ay matagumpay niya itong nabuksan. Tumambad sa kaniyang paningin ang ama niya na animoʼy lantang gulay. Payat na payat at halos wala nang laman na masisilayan sa katawan.

“Kanina ka pa niya hinihintay,” bulong ng kaniyang Tita Pearl na hindi niya napansing nakasunod pala sa kaniya.

Nilapitan niya ang ama at pinagmasdan. Napansin niya pilat sa gilid ng kaliwang mata nito na mababakas pa rin sa kabila ng nangungulubot na nitong balat. Ang pilat na nanggaling mismo sa tumba-tumbang nagawa niyang buhatin at ihagis sa kaniyang ama nang siya ay labing-siyam na taong gulang pa lamang, habang itoʼy sinasaktan siya. Doon na bumuhos ang mga luhang kanina pa pinipigilan ni Emerald. Masakit para sa kaniya na makita ang ama sa ganitong kalagayan. Hindi ito ang inaasahan niyang daratnan na itsura ng kaniyang ama. Nawala na ang magandang pangangatawan nito dala ng matinding training bilang sundalo. Ang magiting na heneral noon ay isa nang payat at sakiting matanda ngayon.

Mahal na mahal niya ang kaniyang ama. Masakit man tanggapin na minsan nitong kinalimutan ang pagiging ama sa kaniya ay nananatili ang pagmamahal niya rito. Narito na siya, handang arugain at ibigay lahat ng makakaya upang mapagaling ang amang iginupo ng matinding karamdaman.

Kailangan na niyang lumaya mula sa galit na itinanim niya sa kaniyang dibdib para sa ama, dahil sa pananakit nito noon sa kaniya bilang kabayaran umano sa pagkawala ng kaniyang ina.

Unti-unti ay lumapit pa siya sa ama at hindi niya inaasahan ang mga salitang narinig mula rito…

“Anak, patawad sa aking mga nagawang kasalanan sa ʼyo. Patawad!”

Dooʼy bumuhos ang mga luha. Tinakbo ni Emerald ang kinaroroonan ng ama at ito ay niyakap niya.

“Pinatatawad na kita, papa!”

Advertisement