Inday TrendingInday Trending
Mahilig Makipagtalo sa Social Media ang Dalaga; Ito Pa Pala ang Ikapapahamak Niya

Mahilig Makipagtalo sa Social Media ang Dalaga; Ito Pa Pala ang Ikapapahamak Niya

“Hoy, Edna, sino na naman ba iyong kaaway mo sa peysbuk? Abaʼy hindi ka na yata nawalan ng kaaway diyan ah? Mas mabuti pa siguro kung iwas-iwasan mo muna ang pagse-cellphone,” umagang-umaga ay sermon ni Aling Milan sa anak na si Edna pagkagising pa lamang nito.

“Nay, pakainin nʼyo naman ho muna ako bago nʼyo ako sermunan diyan. Abaʼy hindi pa ako nakakapaghilamos, e,” paangil namang sagot ng labing siyam na taong gulang na si Edna sa ina.

Napailing na lang si Aling Milan sa ugali ng anak. Hanggang ngayon ay sinisisi niya ang kaniyang sarili dahil hindi niya natutukan ang paglaki nito sapagkat kinailangan niyang mangibang bansa noon upang ito ay kaniyang maitaguyod. Ngayon tuloy ay rebelde ito kung umasta sa kaniya na akala moʼy hindi man lang siya nito marunong igalang. Ayaw namang simulan ni Aling Milan sa away ang araw nilang mag-ina kaya naman ipinagsawalang bahala na lamang muna niya ito.

Habang kumakain ay panay ang dutdot ni Edna sa kaniyang cellphone. Halos madurog na nga ang screen ng naturang aparato dahil sa gigil ni Edna sa pagpindot doon.

“Anoʼt gigil na gigil ka na naman diyan, ate? May kaaway ka na naman?” puna ng nakababatang kapatid ni Edna sa kaniya.

“Manahimik ka nga! Huwag mo akong pakialaman!” hiyaw naman ni Edna sa kapatid. Agad naman silang sinaway ni Aling Milan at pinagpatuloy sa pagkain.

Lingid sa kaalaman ng dalawang kaharap ay nakikipag-away na naman sa Facebook si Edna. Katulad ng dati niyang ginagawa sa tuwing may nakikita siyang issue na kumakalat sa naturang plataporma ay agad siyang nakikisali, nakikipagtalo at nakikipagbantayan doon gamit ang comment section ng bawat posts.

Hindi na mabilang sa mga daliri ni Edna sa mga kamay at paa kung ilan na ba ang nakabanggaan niya sa social media dahil lamang sa sobrang pagkahilig niyang makipagtalo. Ngayon nga, pati ang away ng mag-asawang friends niya lamang sa Facebook ay sinasawsawan niya!

Katuwiran niya, maaari siyang makisali sa naturang away hanggaʼt gusto niya, bastaʼt naka-public iyon. Aniya ay hindi naman kasi niya malalaman ang mga iyon kung hindi raw ipinost iyon sa Facebook.

Nasa kasagsagan ng pakikipagtalo si Edna. Panay ang tunog ng tiklado ng kaniyang cellphone habang gigil na gigil sa pagre-reply sa comment section.

“Edna! Edna, lumabas ka riyan huwag kang puro sa facebook lang matapang!” maya-maya ay biglang hiyaw ng isang tinig ng babae na bigla na lamang sumugod sa kanilang kabahayan.

“Halika ritoʼt dito tayo magpambuno! Halika, tsismosa ka, wala kang pinag-aralan!” dagdag pang hiyaw nito.

Agad na nagtago si Edna sa kusina ng kanilang bahay. Paanoʼy kung gaano katapang si Edna sa social media ay ganoon naman siya kaduwag sa personal.

Hanggang sa bigla na lamang niyang marinig ang tinig ng kaniyang ina na hinaharap ang naturang babae. Ito na ang nakipag-away para sa kaniya. Tila nakaramdam ng matinding pangongonsensiya si Edna nang makitang halos matanggalan ng anit ang kaniyang ina dahil sa sabunot ng babaeng kaaway niya lang sa Facebook kanina! Siyempre, hindi naman kasi nito hahayaang ganun-ganunin lamang siya ng kung sino sa sarili nilang pamamahay.

Sinisi ni Edna ang kaniyang sarili nang makitang halos hindi na magkandagulapay ang kaniyang mama. Napakalaki naman kasi ng babaeng nakaaway nito. Siguro, kung siya ang nakausap niyon ay baka mawalan din siya ng ulirat. Dahil doon ay napagtanto niyang tama nga ang lahat ng pangangaral ng kaniyang mama.

Nilakasan ni Edna ang kaniyang loob at nilabas ang nagkakagulong mga babae. Doon ay agad siyang humingi ng paumanhin at nakiusap na huwag nang saktan pa ng babae ang kaniyang ina.

“Nanay, patawad po,” nayuyuko si Edna habang ginagamot ang mga sugat na natamo ng kaniyang mama mula sa pakikipag-away nito kanina. Mahahaba kasi ang kuko ng babaeng nanugod sa kanila kaya naman tadtad ng kalmot ang mukha ni Aling Milan.

Bumuntong-hininga muna ang ina. “Ayos na ʼyon, anak. Basta, mangako kang hindi ka na muling makikipag-away pa sa personal man o sa social media para hindi tayo nagkakaroon ng problema,” sinsero namang sagot nito sabay hagod sa kaniyang pisngi. “Tandaan mong hinding-hindi ko kayang makitang may mananakit ss ʼyo, kahit pa sabihin mong kasalanan mo ang nangyari. Nanay mo ako, e. Palagi man kitang kinagagalitan, ako pa rin ang unang-unang magiging kakampi mo.”

Doon ay napayakap na lamang si Edna sa kaniyang ina, kasabay ng pangangakong makikinig na sa mga payo nito.

Advertisement