Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Kinakasama ang Babae at mga Anak Nila; Talento sa Pagluluto ang Naging Sandigan Niya

Iniwan ng Kinakasama ang Babae at mga Anak Nila; Talento sa Pagluluto ang Naging Sandigan Niya

“Nagmamakaawa ako, Wilbert, huwag mo kaming iwan ng mga anak mo! Huwag kang sumama sa babaeng ʼyan!”

Nakaluhod noon si Roda sa harap ng kinakasamang si Wilbert. Magkasalikop ang kaniyang mga palad at panay ang agos ng masagana niyang luha sa pisngi. Nagawa niya pang yumapos sa kaliwang binti ng kinakasama ngunit tinabig lamang siya nito, dahilan upang mabuwal siya sa sahig ng kanilang bahay, malapit sa may pintuan.

“Hindi na kita mahal, Roda! Huwag mo nang ipilit ang sarili mo sa akin. Wala na akong pakialam sa inyo!” sagot pa ni Wilbert at dali-daling nagtatakbo palabas upang sumakay sa kotse ng kaniyang kasamang babae, na walang iba kundi ang manager nito sa trabaho.

Maganda ang nasabing babae. Maganda rin ang hubog ng katawan nito. Isa pa, mayaman ito at kayang-kayang ibigay ang luho ni Wilbert kaya naman iyon ang naging dahilan kung bakit iniwan ng lalaki si Roda at ang kanilang tatlong anak.

Hindi pa kasal sina Wilbert at Roda. Mahirap kasi ang buhay at mas marami silang dapat unahin, lalo na at mas nauna silang magkaanak kaysa pagplanuhan ang kasal. Noong una ay maayos naman ang pagsasama ng dalawa, hanggang sa nakilala ni Wilbert ang babaeng iyon. At ito na nga ang naging resulta.

Nalugmok si Roda matapos ang pangyayaring iyon at tila hindi niya alam kung papaano siya babangon. Si Wilbert lang ang noon ay bumubuhay sa kanila dahil ayaw naman siya nitong payagang magtrabaho.

“Hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin ko, Hazel. Paano ko itataguyod ang mga anak ko?” humahagulhol na tanong noon ni Roda sa pinsang si Hazel na siya rin niyang matalik na kaibigan. Dinadamayan siya nito ngayon dahil sa kaniyang problema.

“Kakayanin mo ʼyan, Roda. Tutulungan kita! Ako ang bahala sa iyo. May naisip na akong paraan,” sabi pa ni Hazel sa kaniya na tila nakapagbigay ng kaunting pag-asa sa nanghihina na niyang puso.

“Paano?” takang-tanong ni Roda sa pinsan. Umaasang makakuha ng malinaw na kasagutan sa sasabihin nito.

“Naaalala mo pa ba kung gaano ka kadiskarte noong highschool pa lang tayong dalawa? Hindi baʼt mahilig kang magluto noon ng kung anu-ano para lang may maibenta?” tanong ni Hazel sa kaniya.

Tango naman ang isinagot ni Roda. Nakukuha niya agad ang gustong sabihin ni Hazel.

“Pero saan naman ako kukuha ng ipangkakapital kung magtitinda ako ng mga putaheng iniluluto ko, Hazel? Walang-wala ako,” napapabuntong-hiningang aniya.

“Pauutangin kita! Maglo-loan ako sa bangko, Roda!” sagot naman nito.

“P-pero paano kung hindi ko maibalik agad iyon? Mahirap ʼyon, Hazel. Paano kung malugi?” Malaki ang alinlangan ni Roda.

“Natatandaan mo ba kung gaano kapatok ang mga paninda mo noon, Roda? Ganoon ka kasarap magluto. Magtiwala ka sa sarili mo!”

At dahil sa kapipilit ni Hazel ay ganoon na nga ang ginawa nilang magpinsan. Si Hazel ang bahala sa kapital at si Roda naman ang bahala sa pagluluto. Nagsimula silang magpatayo ng maliit munang kainan na mabilis namang pumatok sa masa dahil sa sobrang sarap ng mga putahe sa abot kayang halaga!

Ibang klase ang mga luto ni Roda kaya naman makalipas lang ang ilang buwan ay napalago kaagad nila ang kanilang negosyo na ginagamit niya sa pangtustos sa pag-aaral ng kaniyang mga anak. Nagpatuloy pa rin sa paglago ang negosyo ni Roda hanggang sa ito ay lumaki nang lumaki. Kinukuha na rin sila sa mga events upang mag-catering. Sa mga kasal, binyag, birthday, debut at kung anu-ano pa. Dumating pa nga sa puntong pati mga artista sa bansa ay sa kanila na rin nag-i-inquire dahil nga sa galing at talento ni Roda sa pagluluto.

Katulong ang kaniyang tatlong anak na nagsimula na ring magsipaglakihan pati na rin si Hazel na noon ay kinailangan ding tumigil sa kaniyang trabaho upang matutukan ang nogosyo nila ni Roda.

Nang mabalitaan ni Wilbert ang tagumpay na nakakamit ni Roda ay mabilis pa sa alas kuwatro itong nagkumahog pabalik kay Roda at sa kanilang mga anak. Agad itong humingi ng patawad at hiniling na muling buuin ang kanilang pamilya, ngunit tinanggihan na iyon ng mga ito.

Laking pagsisisi ni Wilbert nang makitang mas masaya sina Roda at ang kanilang mga anak na wala siya sa buhay ng mga ito. Pagsisising huli na, lipas na at hindi na kailangan pa.

Advertisement