Nabulabog mula sa pagtulog ang pamilya nina Aling Rosa nang biglang kumalabog ng malakas ang kanilang pintuan. Agad na bumangon ang ginang habang ang kaniyang dibdib ay napupuno na naman ng kaba.
“Mga anak, gising! Nandiyan na ang tatay ninyo!” Dumadagundong na naman ang dibdib ni Aling Rosa habang ginigising ang tatlo niyang anak. Iniisip niya ang maaari na namang mangyari kapag sila na naman ang nakita ng asawang lasinggero. Noong nakaraan lamang ay sinaktan na siya nito at hanggang ngayon ay bakas pa rin ang pasa na idinulot ng malakas na tampal ni Mang Alejandro sa mukha ng asawang si Aling Rosa.
“Inay, natatakot po kami!” nagsimulang humikbi si Thelma, ang nag-iisang anak niyang babae. Sumunod ito sa panganay niyang si Tom.
“Anak, nandito si inay. Hindi ko kayo pababayaan. Basta, huwag lang kayong maingay para hindi tayo mapansin ng itay ninyo,” pang-aalo naman ni Aling Rosa sa mga anak. Pilit na pinakakalma ang tinig upang hindi makakutob ang mga ito na maging siya ay binabalot na rin ng takot.
“Magsilayas kayong lahat, hindi ko kayo kailangan!” hiyaw pa ni Mang Alejandro patungkol sa kaniyang sariling pamilya, lalong lalo na sa asawa.
Pangatlong araw nang nakakainom si Mang Alejandro at tatlong araw na ring hindi makatulog nang maayos ang kaniyang pamilya. Wala siyang ginawa kundi magsisigaw at magwala sa kanilang bahay.
Paano ay nagkaroon sila ng pagtatalo ni Aling Rosa noong isang araw tungkol sa kaniyang mga bisyo at pagbubuhay binata, kasama ang mga kabarkada niyang ganoon din ang ugali. Iyon pa naman ang ayaw na ayaw ni Mang Alejandro sa lahat. Ayaw niyang pinakikialamanan siya sa mga gusto niyang gawin. Dahil doon ay nasaktan niya si Aling Rosa, ngunit hindi mapahihinto ng pangyayaring iyon ang kaniyang pagkahilig sa bisyo. Wala na siyang pakialam sa kaniyang pamilya.
Dahil doon ay nagdesisyon na si Aling Rosa na ituloy ang matagal na niyang binabalak… iiwanan na niya ang asawa niyang lasinggero! Magpapakalayu-layo na sila at uuwi sa probinsya upang doon ay magsimula ng panibagong buhay.
“Inay, iiwan po ba natin si Itay?” nangingilid ang luhang tanong ng bunsong anak nilang si Justine.
Bumuntong-hininga muna ang ginang bago sumagot. “Oo, anak. Kailangan na nating iwan ang itay mo. Ayaw ko kayong lumaki sa magulong paligid.”
Hindi na sumagot pa si Justine, bagkus ay yumapos na lamang sa ina.
Nag-empake na sila ng kanilang mga gamit. Mabilis ang kanilang naging mga kilos dahil natatakot silang abutan ng pag-uwi ng malupit nilang padre de pamilya. Iyon ang huling araw na nakita sina Aling Rosa, Tom, Thelma at Justine sa lugar na iyon.
Samantala, hindi naman ininda ni Mang Alejandro ang naging pag-alis ng kaniyang pamilya. Sa katunayan ay bahagya pa siyang natuwa dahil sa wakas ay magagawa na niya ang kaniyang mga gusto nang walang sagabal. Simula nang mga araw na iyon ay nagpakasasa siya sa pagsasaya. Ibaʼt ibang mga babae ang dinadala niya sa kanilang bahay. Ang kaniyang mga kaibigan ay malaya ring nakalalabas-masok sa kanilang tahanan. Lalong nalulong sa bisyo si Mang Alejandro hanggang sa hindi niya inaasahan, siya ay biglang naratay sa karamdaman.
Bumigay ang mga atay at bato ni Mang Alejandro. Nagsimulang mangayayat at malumpo. Simula noon ay nagpatulong na siya sa ibang mga kamag-anak nila na hanapin ang kaniyang pamilya upang sa mga ito ay magpaalaga na, ngunit tanging ang bunsong si Justine na lamang ang nahabag at nagpakita sa kaniya.
“Anak, tulungan mo ako, anak. Hindi ko na alam ang gagawin,” ani Mang Alejandro kay Justine na noon ay nakatitig lamang sa kaniya. Punong-puno ng poot ang mga mata nito.
“Kami rin, itay. Kinailangan din namin noon ng tulong mo, pero nasaan ka? Nagpapakasaya ka, hindi ba?”
Hindi nakasagot si Mang Alejandro sa tanong kaniyang anak. Biglang bumalik sa kaniyang mga alaala ang mga kasalanang ginawa niya sa kaniyang pamilya kaya naman naluha na lamang siya habang napapayuko dahil sa hiya sa anak na ngayon ay binata na.
“Pero dahil kayo pa rin ang ama ko, tutulong ho ako sa mga kailangan ninyo. Kahit ayaw na ng mga kapatid ko, ako na lang ho ang mag-aaruga sa inyo, kahit na kailan man ay hindi namin iyon naranasan sa inyo noong malakas pa kayo.”
Napuno ng pagsisisi ang dibdib ni Mang Alejandro simula noon. Pagsisising alam niyang hindi na magagawa pang hilumin ang sugat na idinulot niya sa sariling pamilya.