Inday TrendingInday Trending
Pinalayas ng Lalaki ang Kaniyang Anak nang Makitang may Tattoo, Labis Siyang Nagsisi sa Kinahinatnan Nito

Pinalayas ng Lalaki ang Kaniyang Anak nang Makitang may Tattoo, Labis Siyang Nagsisi sa Kinahinatnan Nito

“Hoy, Karding! Ano ‘yang nasa braso mo, ha? Tattoo ba ‘yan?” pang-uusisa ni Mang Leo sa anak, isang araw nang mapansing may parte ng mukhang nakaguhit sa braso nito na hindi natakpan ng manggas na suot.

“Ah, eh, ano po ‘tay, ano lang ‘to..,” sagot ng kaniyang anak habang pilit na itinatago ang nasabing mukhang nakaguhit.

“Ano? Tattoo ‘yan, eh! Talaga bang kaya mo na ang buto mo? Hindi mo na talaga pinapakinggan ang mga sinasabi ko, ha? Sinabi ko sa’yo na huwag mo babuyin ang katawan mo habang nabubuhay ako!” sermon niya sa anak habang pinapalo-palo ang likod nito.

“Tatay, hindi ko naman po binaboy ang katawan ko, tignan niyo po..,” sagot nito dahilan upang lalo pa siyang magalit.

“Aba, sumasagot ka na talaga sa akin ngayon?” ‘ika niya, nanlilisik na ang kaniyang mata dahil sa galit na nararamdaman. 

“Hindi naman po ganoon, ‘tay,” nakatungong sagot nito.

“Ewan ko sa’yo! Lumayas ka sa pamamahay ko!” sigaw niya saka tinulak-tulak ang naturang binata palabas ng kanilang bahay.

Mahal na mahal ni Mang Leo ang nag-iisa niyang anak. Simula nang isilang ito hanggang ngayong malapit na itong makapagtapos ng kolehiyo, hindi niya ito hinahayaang makaramdam ng gutom o kahit pa madapuan ng lamok. Lahat ng kailangan nito, agad niyang binibigay. Mapabagong laptop man ito na gagamitin sa pag-aaral hanggang sa bagong damit na nais nito para sa paskong darating, kaniyang pinag-iipunan.

Ang naturang binatang ito na lang kasi ang naiwang alaala sa kaniya ng unang babaeng kaniyang inibig na ngayo’y masaya na sa piling ng iba. Masama man ang kaniyang loob dito, hindi niya ito ginawang dahilan upang hindi pakitunguhan ng maayos ang batang bunga ng kanilang minsang pagmamahalan.

Sa katunayan nga, noong bagong silang ang binatang ito, nais itong itapon ng kaniyang asawa dahil nga ito’y nagbabalak nang makipaghiwalay, ngunit dahil nga hindi niya masikmura ang kasamaang nais nito, kahit pa wala siyang trabaho noon at hindi niya alam kung paano bubuhayin ang naturang sanggol, kinupkop niya ito’t ginawa ang lahat upang mabuhay silang dalawang mag-ama.

Kaya naman ganoon na lang ang kaniyang galit nang makitang sinuway ng anak ang kaniyang kagustuhan. Ayaw niya kasing magkaroon ito ng tattoo gaya ng ibang kabataan. Tingin niya, isa ito sa mga senyales ng pagrerebelde at pangbababoy ng katawan. Bukod pa doon, para sa kaniya, mga taong masasama at walang pangarap ang mga may tattoo sa katawan kagaya ng kaniyang asawa noon na halos buong braso, puno na ng kung anu-anong guhit.

Ngunit kahit pa puno ng galit ang kaniyang puso noong araw na ‘yon, agad niyang hinanap ang kaniyang anak kung saan ito nagpunta. Gabi na kasi at hindi pa ito kumakatok sa kanilang bahay.

“Ang anak kong ‘yon, alam naman niyang hindi ko siya matitiis, bakit hanggang ngayon, hindi pa umuuwi. Diyos ko, ‘wag naman sana siyang napahamak,” bulong niya sa sarili habang sinusuyod ang kanilang barangay.

Habang siyang naglalakad-lakad, narinig niya sa usapan ng ilang tanod na may isang binatang nakorsonadahan ng mga tambay sa kabilang barangay. Agad siyang nakaramdam ng kaba dahilan upang usisain niya ang mga ito.

“Naku, kawawa nga yung binata, eh, naliligo na sa dugo nang madatnan namin doon sa bakanteng lote sa kabilang barangay. Ayun, nasa ospital na, hindi naman matawagan ang mga kaanak,” sambit ng isang tanod dahilan upang agad niyang tignan ang kaniyang selpon at puno na ito ng mga mensahe mula sa anak.

Sa sobrang pag-aalala, agad siyang tumakbo sa naturang ospital. Nadatnan niyang puno ng benda ang mukha ng kaniyang anak. Mangiyakngiyak niyang hinawakan ang kamay nito saka hinimas-himas ang buhok nito. Napabuntong hininga na lang siya habang pinagmamasdan ang kawawa niyang anak.

Nakuha muli ng naturang tattoo ang kaniyang pansin. Ngayo’y nagkaroon na siya ng pagkakataon na titigan ito nang mabuti at ganoon na lang bumuhos ang kaniyang luha nang mapagtantong mukha niya ang nakaukit sa braso nito.

“Ma-mahal na mahal ko po kayo, ta-tatay, nais ko lang po kayong ipagmalaki,” uutal-utal na sambit nito dahilan upang yakapin niya ito nang mahigpit at sila’y mag-iyakan.

Labis siyang humingi ng tawad sa anak, sinisisi niya rin ang sarili sa nangyari sa anak ngunit ika nito sa kaniya, “Ayos lang po, tatay, sinuway ko po kayo, eh, dapat lang po sa akin ‘to. Pangako po, huling beses nang sasakit ang ulo niyo dahil sa akin.”

Doon niya napatunayang maayos niyang napalaki ang naturang binata kahit pa wala itong nanay na nakagisnan. Ngiting-ngiti niya itong muling niyakap saka siya muling napabuntong hininga.

Advertisement