
Naging Pasaway ang Dalaga Dahilan Upang Ipadala Siya sa Probinsya, Doon Siya Nakakilala ng mga Taong Humubog sa Kaniya
“Daddy, ayoko nga sabing magbakasyon sa probinsya! Wala doong wifi, walang signal, napakakati pa ng tubig doon! Paano ako mabubuhay doon, daddy?” reklamo ni Princess sa kaniyang ama.
“Hoy, Martha, kung ikaw nagpakabait dito sa Maynila, hindi kita ipapadala doon sa probinsya! Eh, halos lahat ng empleyado natin, inaway mo na, baka dapat na magpahinga ka muna doon!” sambit nito sa kaniya habang iiling-iling.
“Daddy, ayoko po doon! Pangako, magpapakabait na po ako!” mangiyakngiyak niyang pangungumbinsi.
“Hindi mo na mababago ang isip ko, Princess, para rin sa’yo ‘yon. Ayokong isumpa ka ng mga empleyado natin. Doon ka muna sa probinsya, ikaw ang mamahala sa sakahan natin doon. Mabait ang mga magsasakang ‘yon, tiyak mahahawa ka ng kabaitan nila,” paliwanag pa nito sa kaniya saka siya tuluyang iniwan sa silid.
“Daddy naman!” sigaw niya.
“Mag-empake ka na!” habol na salita nito dahilan upang mapabuntong hininga na lang siya’t padabog na sundin ang ama.
Tagapagmana ng isa sa pinakamayamang pamilya sa Pilipinas ang dalagang si Princess. Dahil nga lumaking may gintong kutsara sa bibig, nasanay itong mamuhay nang marangya. Halos lahat ng magagarang damit at sapatos, mayroon siya at kung minsan, pinapamigay niya lang sa kanilang mga kasambahay kapag may kapiraso nang punit o kung hindi naman, kapag medyo kupas na ang kulay.
May kabaitan naman talaga siya. Sa katunayan pa nga, kapag napapansin niyang luma o sira na ang mga gamit ng kanilang mga kasambahay, agad niya itong pinapalitan. Mapasapatos, damit o selpon man ito, hindi siya nagdadalawang-isip magbigay at maglabas ng pera para sa mga ito.
Ngunit dahil nga halos lahat ay nasa kamay na niya, labis siyang kinaiinggitan ng iba nilang kaanak na empleyado rin ng kaniyang ama. Sinisiraan siya ng mga ito sa ibang empleyado dahilan upang kainisan siya’t hindi pakitunguhan nang maayos.
Ito ang nagtulak sa kaniya upang maging palaban. Wala siyang pinapalampas na salita. Sa tuwing naririnig niyang pinag-uusapan siya ng mga empleyado, agad niyang sinisisante ang mga ito at kapag umalma, magbubunganga siya nang labis dahilan upang mas lalo siyang ayawan ng mga ito at unti-unting mawalan ng empleyado ang kanilang kumpaniya.
Dito na nagpasiya ang kaniyang ama na pagpahingahin muna siya sa kanilang probinsya na labis naman niyang tinutulan. Ngunit dahil nga utos ng kaniyang ama, wala siyang magawa kung hindi sumunod.
Kinabukasan matapos ang pagtatalo nila ng ama, agad na siyang pinadala sa probinsya.
“Nakakainis naman kasi yung mga bruha naming kamag-anak, eh, mga hayok sa pera, ayan tuloy, napadala pa ako sa probinsya!” sambit niya habang naglalakad siya sa maputik na daanan patungo sa kubong tutuluyan niya. Agad siyang binati ng mga magsasakang abala sa pagtatanim na bahagya niya namang ikinatuwa.
Pinagmasdan niya ang bahay-kubong tutuluyan, marami itong butas sa bubong at maraming pagapang-gapang na mga insekto. Kinuhanan niya ito ng litrato, ipapadala niya sana ito sa kaniyang ama upang maawa sa kaniya, ngunit naalala niya, wala nga pa lang wifi doon o kahit kaunting signal man lang na labis niyang ikinabugnot.
Uupo na sana siya sa isang silyang maliit nang bigla siyang tawagin ng isa sa kanilang mga magsasaka.
“Madam! Gusto niyo bang sumama sa amin doon sa dulong taniman? Maganda po ang tanawin doon! Imbis na magkulong po kayo d’yan, magsaya na lang po tayo!” yaya nito at dahil nga wala naman siyang magawa sa naturang kubo, agad siyang sumama rito.
Nalublob man sa putik ang kaniyang mga paa’t malayo ang kanilang nilakad, nabusog naman ang kaniyang mga mata sa ganda ng tanawing unang beses niyang nakita sa tanan ng kaniyang buhay.
Natulala siya sa ganda nito, kitang-kita sa kaniyang mga mata ang sayang nararamdaman dahilan upang kuhanan siya ng litrato ng naturang magsasaka gamit ang isang depindot na selpon na agad naman niyang napansin.
“Ah, eh, ipapadala ko po sana ito sa tatay niyo kapag nagpunta po akong bayan, tiyak matutuwa po ‘yon. Ang ganda niyo po rito, o,” sambit nito saka pinakita sa kaniya ang isang malabong litrato.
Labis siyang natuwa sa mga magsasakang ito dahilan upang gamitin niya ang kaniyang selpon at kuhanan ng litrato ang mga ito. Tuwang-tuwa ang mga itong makita ang sarili nila sa teknolohiyang ngayong lang nila nakita. Pagkatapos nilang magkwentuhan sa dulong taniman na iyon, nagsalu-salo sila sa pagkain na labis niyang ikinatuwa at muling bumalik sa trabaho.
Tinuruan siya ng mga itong magtanim. Mahirap man, ika niya, “Mas pipiliin kong magtrabaho rito kaysa makatrabaho ang mga hayok sa perang bruhang iyon!”
Doon niya labis na napagtantong mas masarap palang mabuhay sa probinsya. Bukod sa nakakawala ng galit ang paligid, masayahin at kuntento ang mga taong narito kung ano ang mayroon sila.
Nangako siyang tutulungan makaahon sa kahirapan ang mga magsasakang ‘yon dahilan upang pag-igihan niya ang pagtatrabaho pagkauwi niya sa Maynila. Hindi niya na pinagtuunan ng pansin ang mga naninira sa kaniya, bagkus mas pinakitunguhan niya pa ang mga ito nang maayos na labis na ikinatuwa ng kaniyang ama dahilan upang gantimpalaan nito ang mga magsasakang nakasama niya sa probinsya.